28.5 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Sec Solidum ipinaliwanag na walang kinalaman ang mga naging pagyanig sa Cebu, Davao at Zambales sa ‘The Big One’

- Advertisement -
- Advertisement -

PINABULAANAN ni Department of Science and Technology (DOST)  Secretary Renato Solidum,Jr. ang mga agam-agam na magdudulot ng paggalaw ng West Valley Fault (WVF) at posibilidad na mangyari nga ang tinatawag na ‘The Big One’ dahil sa sunud-sunod na paglindol na naranasan sa ibat-ibang panig ng Pilipinas nitong Setyembre at Oktubre.

Ang pinsalang nangyari sa Archdiocesan Shrine of Santa Rosa de Lima sa Daanbantayan, Cebu, nitong Oct. 1, 2025. Larawan mula sa The Manila Times

Sa isang ulat online, sinabi ng kalihim na  hindi mangyayaring maaapektuhan ng mga  naging pagyanig sa Cebu, Davao at Zambales nitong mga nakaraang linggo ang pagkilos ng West Valley Fault.

Aniya, hindi lilipat ang pwersang geolohikal sa WVF mula sa mga paggalaw ng mga fault sa Cebu, Davao at Zambales.

“If you’re concerned about Metro Manila and its scenario, those faults would not transfer any stress to the (West) Valley Fault,” saad ni Solidum.

Paliwanag ng kalihim, nalikha ang mga naganap na paglindol kamakailan dahil sa mga fault na malalayo sa isa’t isa.


Kung kaya, ayon kay Solidum, hindi magbibigay ng anumang pwersang geolohikal ang mga naganap na paglindol na ito sa West Valley Fault na siyang pag-uugatan ng pinangangambahang “The Big One’ na tinatayang magdudulot ng 7.2 magnitude na lindol at kikitil sa buhay ng marami.

Magkakaiba, aniya, ang pinanggalingan ng mga lindol. Sa Cebu mula ito sa bagong tuklas na Bogo Bay Fault, at gawa naman ng paggalaw ng Philippine Trench ang naganap na lindol sa Davao.

Lindol sa Visayas

Nadiskubre na sa Bogo, sa hilagang parte ng Cebu ang epicenter na pinagmulan ng 6.9 magnitude na lindol nitong nakaraang Setyembre 30 na may lalim na limang kilometro.

- Advertisement -

Hindi aktibong fault noon ang Bogo fault at ito ay nasa dagat kung kaya hindi ito nababantayan hanggang sa gumalaw ito nito lamang.

Maraming gusali at tahanan ang gumuho at maraming buhay rin ang nawala dahil sa paglindol.

Ayon sa pinakahuling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 75 katao ang namatay sa Cebu dahil sa lindol.

Ayon pa rin sa NDRRMC, tinatayang nasa 294 ang sugatan at 47,221 pamilya sa 53 barangay sa Central Visayas ang apektado.

May 597 bahay ang nasira – partially damaged ang 501 dito at 96 naman ang totally damaged, pawang nasa Rehiyon 7 ang mga ito.

Lindol sa Mindanao

- Advertisement -

Hindi pa man nakakabangon ang mga apektado sa Bogo, magkasunod na lindol naman ang naganap sa Manay, Davao Oriental noong Oktubre 10.

Tinawag itong ‘doublet’ dahil may dalawang malakas at magkasunod na lindol – isang 7.4 at isang 6.8 magnitude sa parehong rehiyon.

Ayon sa Philvocs, tinatayang may lalim itong 23 kilometro.

Dahil dito, nagbigay ng babala ang Philvocs at iba pang ahensya tungkol sa posibleng tsunami para sa mga baybayin ng Davao Oriental, Eastern Samar, Dinagat Islands, Leyte, Southern Leyte, Surigao del Norte, at Surigao del Sur Provinces.

Nakapagtala ang DOST-Phivolcs Philippine Seismic Network (PSN) ng kabuuang 299 aftershocks na may lakas na M1.2 hanggang M5.8.

Hindi bago sa Davao Oriental ang paglindol dahil nasa “seismically active” na rehiyon ito at ang mga kalapit na lalawigan, ayon sa Philvocs.

Pinagmumulan ng mga lindol sa rehiyon ang Philippine Trench at ang Philippine Fault’s East Compostela Valley, West Compostela Valley, Central Compostela Valley, Nabunturan, Caraga River, at Mati Segments4. Bukod pa rito ang mga lokal na inland at offshore faults.

Lindol sa Luzon

Matapos ang lindol sa Visayas at Mindanao, sumunod naman ang lindol sa Cabangan, Zambales na nasa Luzon.

Ayon sa mga ulat, magnitude 5 ang lindol at may lalim na 100 kilometro kung kaya hindi ito nakapagdulot ng malaking pinsala sa ibabaw.

Naramdaman din ito sa mga kalapit na bayan ng Bulacan, La Union, Nueva Ecija, Pangasinan, at Tarlac. 

Pangamba sa Metro Manila

Dahil sa magkakasunod na paglindol, nagkaroon ng pangamba ang publiko lalo na ang mga naninirahan malapit sa West Valley Fault  na kayang magpayanig ng 7.2 hanggang 8 magnitude na binansagang ‘The Big One’ dahil sa lawak ng pinsala na maaaring idulot ng paggalaw nito.

Kamakailan lamang, ayon sa isang ulat ng isang online news, kinakailangan nang rebisahin ang 2014 study na pinondohan ng Japan sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA).

Tinataya ng pag-aaral na ito na may 34,000 ang maaaring mamatay at 114,000 ang masugatan kapag nagkaroon ng 7.2 magnitude na lindol dulot ng West Valley Fault.

Sa naging panayam kay Dr. Teresito Bacolcol, director ng Philvocs, sinabi niyang kung gagalaw ang naturang fault, posibleng may masawing 33,000 sa Metro Manila pa lamang, at maaaring umabot sa 48,000 kasama ang mga nasa mga probinsya sa labas ng National Capital Region (NCR).

Inaasahan maisasagawa ang bagong pag-aaral kasama ng JICA sa susunod na taon.

Ayon naman kay Sec Solidum, walang kaugnayan ang WVF sa mga lindol na naranasan kamakailan.

Aniya, walang pwersang geolohikal mula sa tatlong nagdaang lindol ang magdudulot ng epekto sa West Valley Fault.

Gayundin ang sinabi ni Dr. Bacolcol sa isang panayam sa telebisyon. “Hindi po dahil magkakalayo sila.”

May habang 100 kilometro ang West Valley Fault na na tumatagos sa ilalim ng Bulacan, Rizal, Metro Manila, Cavite, at Laguna.

Huling lumindol dulot nito noong 1658 at inaasahan ang muling paggalaw nito ng malakas makalipas ang 200 hanggang 400 taon.

Sa isang press conference, sinabi ni Kalihim Solidum na nagde-develop ng applications ang DOST hindi lamang upang magbigay impormasyon sa publiko tungkol sa mga panganib sa kanilang lugar kundi upang tulungan din ang mga local government units na makapaghanda bago pa man mangyari ang trahedya.

Ayon kay Solidum ginagamit ng ahensya ang kakayahan ng artificial intelligence (AI) para malaman ang mga lugar na delikado sa lindol.

Kautusan  ng DILG

Samantala, matapos ang mapinsalang lindol sa Cebu at Mindanao, naglabas ng kautusan ang Department of Interior and Local Government (DILG) na magsagawa ng structural inspection sa mga naapektuhang lugar.

Sa isang pahayag, inatasan ng DILG ang lahat ng building officials, municipal at city engineers, at iba pang kawaning teknikal ng mga LGU sa mga apektadong lugar na magsagawa ng inspeksyon at ebalwasyon sa mga gusali, imprastruktura at mga bahay upang matiyak ang kaligtasan ng mga tao at maiwasan ang dagdag pang sakuna.

Pinapainspeksyon din ng DILG sa LGU ang mga bitak, pag-alsa o paglubog ng lupa bago muling pabalikin ang mga nag-ookupa sa mga apektaadong lugar.

Sa hindi makakapasa sa inspeksyon, binigyang-diin ng DILG na ilikas agad ang mga tao sa mga pansamantalang matutuluyan sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na DRRM Councils at Municipal Social Welfare and Development Offices (MSWDOs).

Kaugnay nito, pinaalalahan din ang mga LGU na bilisan ang pagpoproseso at pagbibigay ng permit upang maipagawa ang mga nasira ng lindol at tiyaking naaayon ito sa national safety and engineering standards.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -