27.9 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Spotlight sa Pilipinas: Panauhing pandangal sa Frankfurt Book Fair 2025

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

TUWING buwan ng Oktubre, habang ang mga dahon sa mga puno ng bansang malalamig ay nagpapanibagong-kulay upang magbigay-daan sa panahon ng Taglagas, ang pinakamalaking book fair sa daigdig ay ginaganap sa lungsod ng Frankfurt sa Germany. Masasabing espesyal ang taong ito sa ating mga manlilikha ng aklat – awtor, pabliser, ilustrador – sapagkat sa kauna-unahang pagkakataon ay itatampok ang ating mga lokal na aklat sa naturang pandaigdigang book fair. Ang Pilipinas kasi ang itinampok na Guest of Honor (GOH). Ibig sabihin, ang spotlight ay nakatuon sa ating mga aklat at sa mga taong nasa likod ng mga naturang aklat.

Kinatawan ni Sen. Loren Legarda ang bansa sa pagbubukas ng Frankfurt Book Fair 2025 kung saan ang Pilipinas ang Guest of Honor (GOH). Siya rin ang itinuturing na ‘ninang’ ng pagiging GOH ng Pilipinas sa naturang book fair.

Pambihirang pagkakataon ito dahil tayo pa lamang ang pangalawang bansa sa Timog-Silangang Asya (Southeast Asia) na kanilang itinampok na Guest of Honor. Naunang naging GOH ang Indonesia noong 2016. Tapos, sinundan ulit ito ng maraming bansang nasa Europa gaya ng France at Italy. Nitong nakaraang taon (2024), Italya ang GOH. Sa susunod na taon, Czech Republic naman ang itatampok na GOH. Pagwawari raw ni Senador Loren Legarda noon, bakit hindi pa nagiging GOH ang ating bansa. Ayon sakanya, ‘what does it take to be a Guest of Honor?’ Hindi ganoon kadali ang mag-bid tayo para maging GOH ng Frankfurt Book Fair. Taong 2015 ito nangyari, at lilipas pa ang sampung taon ay ang Pilipinas na ang nasa puso ng naturang book fair.

Tanghal-tula ng tatlong makata sa opening ceremony: Mookie Katigbak-Lacuesta, Merlie Alunan, at Marjorie Evasco

PHILIPPINEN Guest of Honor. Ito ang mga salitang tatambad sa iyo na mababasa sa mga tarp/poster na matatagpuan sa kabuuan ng naturang book fair. Aaminin kong ibayong saya ang naramdaman ko nang una ko itong nakita. Gusto ko agad magpakuha ng litrato sa harap nito. Minsan talaga, kailangan mong pansamantalang lumayo sa bansa para ma-miss mo ito (kahit pa nga ilang araw lang). Biro nga sa akin ni Liza Flores, kilalang ilustrador ng mga aklat pambata na delegado rin sa book fair, “Naku, marami pa ‘yan, Luis. Maraming bahagi ng messe building ang kinasabibitan ng mga tarpaulin na ‘yan.”

Sinaksihan ng maraming panauhin ang pagbubukas ng book fair sa Frankfurt, ang pinakamalaking book fair sa buong mundo

Sa isip-isip ko, sa wakas ay nabigyan din ng pagkakataon na ang spotlight ay maitutok sa mga aklat na inilathala sa Pilipinas. Na maaari nating ipagmalaki na tayo rin ay bansang may kasaysayan ng paglalathala ng aklat. Na tayo rin ay may mga awtor, ilustrador, at publisher na dapat mabasa ng ibang lahi. Na ang ating mga aklat sa iba’t ibang genre ay karapatdapat ding isalin sa ibang world languages gaya ng German (Aleman). Biruin mo, ang pangalan ng ating bansa, bilang Guest of Honor, ay nakabando sa mga gusali, dingding, at pasilyo ng messe Frankfurt buildings. Kay sarap makita na nandoon ang pangalan ng ating bansa. Pansamantala kong nalimutan na galing ako sa bansang ang pondo ay kinukurakot ng mga pulitiko at contractors.

Kasama ni Dr. Gatmaitan ang City Mayor ng Wilhelmsfeld sa Heidelberg. Sa Wilhelmsfeld nanirahan si Rizal habang nagsasanay sa larang ng Optalmolohiya.

Dinayo ang naturang book fair hindi lamang ng mga opisyal na delegado mula sa Pilipinas. Siyempre, nandoon din ang ating ambassador sa Germany na si Amb. Susan Irene Natividad at ang ambassador natin sa Italy na si Amb. Neil Imperial. Nakita ko rin ang Consul General natin sa Germany na si Ivy Banzon. Si Congressman Rufus Rodriguez ay kasama rin sa nagtungo sa Frankfurt at naging tagapagsalita sa isang panel discussion.


Ang mga Pinoy creatives na dumalo sa pagbubukas ng book fair

Marami ring Pinoy na manunulat ang nanggaling pa sa iba’t ibang bansa sa Europa upang makibahagi sa pagtitipong ito. Nakilala ko ang ilang kamanunulat na nagmula sa Paris (France), Belgium, Portugal, at Nertherlands. Lahat sila’y nagagalak na tayo ang panauhing-pandangal sa FBM ngayong 2025. Dala-dala pa nga ng ilan ang kani-kanilang aklat at nililitratuhan ito sa ating Philippine Pavilion. “At least, parang kasama na ring naeksibit ang aking aklat dito sa Frankfurt Book Fair,” sabi ni Alexa Belen na naninirahan na sa France.

Kasama ng awtor sina Gladys Doronila (ng OMF Literature) at si Dina Ocampo, reading specialist mula sa UP Diliman, sa Opening Ceremony ng 77th Frankfurter Buchmesse.

Naging matagumpay ang Opening Ceremony ng Frankfurt Book Fair. Si Senador Loren Legarda, ang ninang ng FBM 2025, ang naging tagapagsalita natin. Dito’y tinunton niya ang relasyon ng Pilipinas sa Germany sa pamamagitan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Sinabi niyang kakaiba ang ating pambansang bayani sapagkat bukod sa pagiging ophthalmologist nito, siya rin ay isang nobelista na sa kanyang mga progresibong ideya ay nagalit (at natakot) ang mga mananakop na Espanyol. Si Dr. Rizal ang koneksiyon naming lahat na delegado sa Frankfurt Book Fair. Matatandaang nanirahan si Dr. Rizal sa maraming siyudad ng Germany habang nagpapakadalubhasa sa Optalmolohiya sa Heidelberg, kung saan din niya sinulat ang mga final chapters ng kanyang nobelang Noli Me Tangere.

Nakatampok ang maraming tarp na binabanggit ang Pilipinas bilang Guest of Honor. Kasama ng awtor sina Frances Ong at Liza Flores.

Hinango rin ang tema ng Frankfurt Book Fair sa isang linyang nabanggit sa nobelang Noli Me Tangere: ito ang linyang ‘imagination peoples the air.’ Ipinapakita nito na tayong mga Pilipino ay malikhain. May isang manunulat pa nga na nagbiro nang ganito: “so, verb pala ang ‘peoples’? Sabi ko, sa context nang pagkakagamit sa pangungusap, verb nga ang ‘peoples.’ Imagination peoples the air (o maaari ring sabihing ‘imagination fills the air’).

Pinalakpakan ang Philippine Madrigal Singers sa katatapos na Frankfurt Book Fair.

Sa naturang Opening Ceremony, kumanta ang pamosong The Madrigal Singers. Nagtanghal din ng epic chant si Rosie Sula, ang ating Gawad Manlilikha ng Bayan (GAMABA) awardee mula sa South Cotabato. Ang GAMABA ay katumbas din ng pagiging ‘National Artist of the Philippines.’ Nagtanghal-tula ang ating tatlong mahuhusay na makatang babae: sina Marjorie Evasco, Merlie Alunan, at Mookie Katigbak-Lacuesta. Nagmistulang all-women production ang mga nakibahagi sa pagtatanghal. Marami ang nagtatanong noon kung dumating na ba at nasa Opening Ceremony na rin si Maria Ressa, ang kauna-unahang Pilipinang kinilala bilang Nobel Peace Prize laureate. Kasama rin si Ressa sa maraming talakayan at lektura na magaganap sa book fair.

- Advertisement -
Kinikilig ang mga Pinoy delegates kapag nakikitang nakasabit ang mga tarp na binabanggit ang Pilipinas.

Sa naturang book fair, muling ipinakita ng Pilipinas na ang panitikan ay maituturing na isang tulay tungo sa pandaigdigang pagkakaunawaan o sa pagtangkilik sa tinatawag na ‘culture of peace and tolerance.’ Bilang Guest of Honor, ipinamalas ng ating bansa ang yaman ng ating kultura, wika, at malikhaing imahinasyon ng mga manunulat at ilustrador. Kapag itinampok ang ating mga kuwento at tula at iba pang anyo ng panitikan, hindi pupuwedeng hindi ito nakaangkla sa ating kultura. Lagi’t lagi, magkabigkis ang kultura at literatura.

Ang ating National Artist for Music na si Ramon Santos ay kasama rin sa Frankfurt Book Fair.

(May karugtong)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -