30.6 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 17, 2026

Ano ang mangyayari sa multiplier effect ng imprastruktura kung walang proyektong nagawa kahit na nagastos na ang pondo?

TINGIN SA EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

SABI ni DPWH Sec. Vince Dizon, 421 sa mga 8,000 proyekto ay “ghost ” o wala. At may 100 pang karagdagang proyekto na substandard. Ano ang mangyayari sa multiplier effect ng imprastruktura kung walang proyektong nagawa kahit na nagastos na ang pondo?

Ang imprastruktura ay kalipunan ng mga pasilisad at sistema sa isang bansa na nagpapagaan sa pagdaloy ng kalakalan sa buong ekonomiya. Pinagbubuklod at ikinakawing nito ang mga tahanan, negosyo at iba pang institusyon para lumikha at dalhin ang mga produkto at serbisyo sa mga sakahan, minahan, pagawaan at merkado. Kasama rito ang kalsada, tulay, riles ng tren, suplay ng tubig, sewage disposal, electrical grids, at telekomunikasyon.

Ang imprastruktura ay nabibilang either sa hard o soft na inprastruktura. Ang hard na inprastruktura ay mga kalsada, riles ng tren, pantalan, at paliparan. Sa soft infrastructure naman napapabilang ang mga institusyon sa pamamahala, pananalapi, edukasyon, pangangalaga sa kalusugan, pagpapatupad ng batas, atbp.

Ano naman ang ibig sabihin ng multiplier effect?

Sa lahat ng gastusin ng pamahalaan, ang imprastruktura ay may pinakamataas na multiplier effect at malaki ang impact sa produksyon o GDP. Base sa regression analysis ng Philippine Tax Academy, mula sa 1960 hanggang 2024, ang multiplier effect ng imprastruktura ay 5.307. Ang ibig sabihin nito, sa bawat piso na investment na ginagawa ng National Government (NG) sa imprastruktura, manganganak ito ng 5.307 piso na produksyon o value added.


Ang multiplier na ito at ang pag-akyat ng ratio ng National Government capital outlay sa GDP sa 5-6% simula noong 2018 ay ang pinakamalakas na kadahilanan kung bakit umakyat sa 6.3% ang average GDP growth ng Pilipinas mula 2010 hanggang 2024 kung hindi isasama ang Covid year na 2020.

Sa report ni Sec. Dizon, pagkatapos ng isang buwan niyang pag-iimbestiga sa DPWH, 421 sa 8,000 na proyekto ay ghost projects. May dagdag pang 100 na proyekto ay ghost projects at substandard projects.  Kapag wala o sira-sira ang  proyektong nagawa sa 521 sa 8.100 proyekto o 6.5% sa lahat ng mga proyekto ng DPWH, mababawasan ng 6.5% ang 5.307 na multiplier effect; bababa ito sa 4.962. Sa halip na 6-7% ang GDP growth rate sa 2025 hanggang 2028 na nasa Medium-Term Philippine Development Plan (MTPDP), magiging 5.6-6.5% na lamang ito. Habang papalaki ang nawawalang imprastruktura, mas malaki rin ang nawawalang multiplier ng ekonomiya.

Malaki rin ang epekto ng pagtigil ng mga proyekto habang inaayos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kanilang organisasyon at paraan ng pagtatrabaho. Kung ang pondo ay pupunta sa mga gastusing hindi malakas ang impact sa GDP gaya ng ayuda at iba pang consumer spending, bababa rin ang GDP growth.

Marami ring pribadong kumpanya ang nadamay sa kurapsyon na ito. Labing-lima ang inilista ni Pangulo na nagkamal ng P100 bilyon na kontrata o 20 bahagdan ng   P896.98 bilyon na budget para sa  flood control projects simula ng termino ni Pangulong Marcos noong Hulyo 2022.

- Advertisement -

Kasama ang mga pribadong kumpanya na ngayon ay iniimbestigahan  sa 545 na general contractors sa construction industry ng Pilipinas. Dahil sa kasong kanilang kinahaharap, di sila makakakuha ng bagong proyekto at maaari pa silang magsara kapag naparusahan ang mga may-ari ng mga ito at ipagbili ng pamahalaan para mabawi ang mga pondong mali ang gamit. Mabuti na lang at 15 lang ang mga kumpanyang ito at hindi kasali sa mga listahan ng dalawampung pinakamalaki sa industriya; 2.8% lang sila sa buong industriya ng construction sa Pilipinas. Ang mga malalaking kumpanya ay may inaalagaang pangalan at di sila sasabak sa ganyang mga katiwalian.

Base sa mga imbestigasyon, maraming nilabag na batas ang mga contractor, mga legislator, at mga empleyado ng DPWH na nagpasimuno dito.

Una ay ang Government Procurement Act (GPRA) o ang Republic Act No.  12009. Kailangan open, fair at transparent ang proseso ng bidding. Dapat ilathala ito sa Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) ng ilang araw para makita ng lahat ng posibleng interesadong bidder. Bago mag-bidding, dapat ding may disenyo na ibibigay sa lahat ng bidder at isasama sa PhilGEPS. Ang  disenyo at dapat akma sa lugar na kung saan itatayo ang proyekto. Hindi ito uniporme na “fits all sizes” at “fits all places” kahit na nasa iba’t ibang lugar ang proyekto. Dapat ding masubaybayan ang performance bago bayaran kasi nakasaad sa kontrata ang bahagdan ng natapos na trabaho bago bayaran. Halatang minadali ang proseso ng biding, ang pag-aaproba ng performance certification, at ang tanging layunin lang ay mapalabas ang pondo nang mabilisan. Kapag itoý nagawa nang naaayon sa GPRA, di dapat ito nakuha ng 15 na kumpanya lamang.

Ikalawa ay ang Government Auditing Code of the Philippines o ang Presidential Decree No. 1445. Dapat ma-audit ng Commission on Audit (COA) ang mga bayarin pagkatapos ng bawat taon. Ito ay dapat nakita ng auditor ng COA na nagbayad na walang proyektong nagawa. Nakita na rin ng COA nang huli na na hindi naka-specify kung anong tipo ng proyekto ang ipinagagawa.

Ang ikatlo ay ang Anti-Graft at Corrupt Practices Act (R.A. No. 3019), isang batas na nagpapataw ng parusa sa mga empleyado at opisyal ng pamahalaan at ng pribadong sektor  na gagawa ng katiwalian;  tatanggap ng mga regalo,  komisyon, at mga pabor na kapalit ng mga kontrata; ang tatanggap ng suhol bago gumawa ng aksyong opisyal; at pagpasok sa mga kontrata na grossly disadvantageous sa gobyerno.

Ang pinakamagandang gagawin ng pamahalaan habang inaayos nito ang DPWH at walang ibang sangay ng pamahalaan ang maaaring sumalo sa trabaho ng DPWH ay palawakin ang public-private partnerships (PPP) para maisama ang kakayahan ng pribadong sektor sa pagpupundar, pagtatayo at pamamahala ng inprastruktura. Mas pulido ang gawa ng pribadong sector lalo na at dito nakasalalay ang kanilang kikitain sa kanilang operasyon.

- Advertisement -

Maaari ding suportahan ng National Government (NG) ang mga proyektong ipinapatupad ng mga iba pang sangay ng pamahalaan gaya ng local government units (LGUs) at major government corporations (GOCCs). Ngayong taon, inaasahang aabot sa P150.0 bilyon ang halaga ng ipinapatupad ng LGUs at P60.8 bilyon naman sa mga major GOCCs.

Di estranghero ang Pilipinas sa public-private partnerships (PPP). Simula nang ginamit natin ang mga ito noong panahon ng 24 oras na brownouts noong 1992-1993 at hanggang ngayon na kung saan malalaking kumpanya ang gumagawa ng airports,  railways at expressways, lumobo na ang halaga ng mga PPPs   mula sa P43.6 bilyon noong 2016 hanggang sa tinatayang P756.3 bilyon noong 2024. Maaari silang asahan sa gitna ng kagipitan.

GENERAL GOVERNMENT CAPITAL FORMATION (including PPPs)
 (Billion pesos) 2023 2024 2025
TOTAL 2,370.9 2,637.1 2,700.9
NG infrastructure spending 1,558.3 1,691.8 1,904.0
Public-private partnerships 604.8 756.3 586.0
LGUs capital outlay 153.0 131.0 150.0
Major GOCCs’ capital expenditures 55.1 57.9 60.8
Sources: Department of Budget & Management & Department of Finance

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -