MAGSISIMULA ngayong Nobyembre ang paghahain sa Sandiganbayan ng mga unang kaso laban sa mga mambabatas at mga dating opisyal ng gobyerno na hinihinalang sangkot sa multi-bilyong pisong flood control scandal.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, maisasampa ang mga kaso laban sa mga pinangalanan ng Independent Commisson for Infrastructure (ICI) bago mag-Nobyembre 25.
Ayon pa kay Remulla, magiging abala ang Office of the Ombudsman dahil sa mga kasong may kaugnayan sa flood control projects simula Nobyembre na posibleng umabot pa hanggang sa susunod pang mga taon.
Ito, matapos magrekomenda ang ICI na sampahan ng kasong pandarambong (plunder) at indirect bribery ang mga senador na sina Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, at dating Ako Bicol Party-list representative Elizaldy “Zaldy” Co, at ilang mga dating opisyal ng gobyerno sa Ombudsman.
Sa ulat ng The Manila Times, sinabi rito na sa isang briefing sa Office of the Ombudsman, sinabi ni ICI Chairman Andres Reyes na maaaring managot dahil sa paglabag sa mga Artikulo 210-212 ng Revised Penal Code kaugnay ng panunuhol at korapsyon ng mga opisyal ng pamahalaan, Seksyon 3(b) at 3(c) ng Republic Act (RA) 3019, o ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at Seksyon 2 ng RA 7080, o ng Plunder Law sina Senador Jinggoy Estrada, Senador Joel Villanueva, at dating Ako Bicol Party-list representative Elizaldy “Zaldy” Co, dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary Roberto Bernardo, Commission on Audit Commissioner Mario Lipana at dating Caloocan representative Mary Mitzi Cajayon-Uy.
Ito ang kauna-unahang rekomendasyon ng ICI simula nang simulan nito ang imbestigasyon nitong nakaraang Setyembre 1.
Ayon kay Reyes, base sa mga sinumpaang salaysay at ebidensyang mula sa mga dating DPWH engineer na sina Henry Alcantara, Brie Hernandez at Jaypee Mendoza ang rekomendasyon ng ICI.
Ayon kay Reyes, idinetalye ng mga inhinyero ang umano’y sistematikong “kickback scheme.”
Sa sistemang ito, tumayong project proponents ang mga mambabatas na naglakip ng mga flood control project sa National Expenditure Program, House General Appropriations Bill at General Appropriations Act kapalit ng komisyon na 20 hanggang 30 porsyento ng halaga ng proyekto.
“According to the former DPWH officials, this scheme resulted in inflated project costs, substandard implementation and the diversion of billions of pesos in public funds over several years,” pahayag ni Reyes sa ulat ng TMT.
Ayon sa report, sa testimonya ni Alcantara, nagdikta ang mga mambabatas kabilang ang isang DPWH undersecretary kung ilang porsyento mula sa budget ng isang panukalang construction project ang para sa kanila, kapalit nito ang pagpanukala ng proyektong ito sa mga budget deliberation at proceedings ng Kongreso.
Ayon kina Alcantara, Hernandez at Mendoza nakatanggap ng 25 porsyento ng P600 milyong halaga ng mga flood control project si Villanueva sa hindi nakaprogramang alokasyon noong 2023. Nakatanggap si Estrada ng 25 porsyento sa P355 milyong halaga ng mga flood control project.
Ayon pa sa report, naging tagasulong naman si Co ng kabuuang P35.024 bilyong mga proyekto sa Bulacan 1st District Engineering Office mula 2022 hanggang 2025.
Idinetalye rin nila ang kickback na ipinadala sa tanggapan ni Co kabilang ang papaskong nagkakahalaga ng P20 milyon.
Ayon kay Reyes, iimbestigahan at makakasuhan ang mga politiko at mga opisyal ng gobyerno base sa matitibay na ebidensya at tiyak na mananagot ang sinumang mapatutunayang nagkasala.
Magpapatuloy, aniya, ang kanilang imbestigasyon upang makasuhan ang lahat ng dapat managot.
Hindi totoo
Pinabulaanan nina Estrada at Villanueva ang paratang na tumanggap sila ng kickback mula sa mga flood control project.
Kaugnay nito, naglabas ng pahayag sa kanyang website si Estrada. Aniya: “Wala akong tinanggap na anumang pondong nakalaan para sa mga flood control projects, at kaya kong patunayan ito sa hukuman. Ang mga paratang laban sa akin ay pawang hearsay o batay lamang sa sabi-sabi.
“Handa akong ipagtanggol ang aking sarili at dumaan sa anumang proseso ng batas upang patunayan na nagsasabi ako ng totoo at nanatiling tapat sa aking tungkulin bilang lingkod-bayan.
“Lilinisin ko ang aking pangalan, at buo ang aking tiwala na sa tamang panahon, mananaig ang katotohanan.
“The recommendation of the Independent Commission for Infrastructure (ICI) does not weaken my resolve to prove that I have done nothing wrong. I welcome every opportunity to clear my name before the proper forum.
“Justice must be served not through speculation, but through truth and due process,” pahayag ng Senador.
Ayon naman kay Villanueva, hihintayin nya ang kopya ng official referral ng ICI sa Ombudsman.
“My lawyers will study the basis of my inclusion in the ICI’s referral. We will await the action of the Ombudsman and file our answer,” pahayag niya sa ulat ng TMT.
Ayon pa kay Villanueva, siya ang nagsiwalat at kumwestyon sa mga hindi nagawang flood control projects. “Records of the Senate will show that I have been against flood control projects from the very beginning.”
Hindi ligtas ang mga kontratista
Ayon kay Ombudsman Remulla, mananagot rin ang mga kontratista.
Ayon kay Remulla magsasampa sila ng kaso laban sa 14 o 15 indibidwal kabilang na rito ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa iskandalo.
May 13 kaso kaugnay ng flood control project ang naisampa sa Ombudsman ang sumasailalim sa paunang imbestigasyon, kabilang dito ang mga inihain ng DPWH at ng Commission on Audit, at lima naman ang sumasailalim sa fact-finding investigation.
“There are many involved in these cases. Even the janitor of the district office is also taking money. The thing is, we don’t know if we can charge everyone with the same offense. Maybe it’s delaying our case too much. Perhaps we can just find different charges for them,” saad ni Remulla.
Dagdag pa niya, magsasampa sila ng kasong madaling patunayan gaya ng direct at indirect bribery, malversation, falsification at mga corruption-related charges, dahil umano “overrated” ang plunder at marami itong butas kaya mahirap patunayan.
Protesta ng taumbayan
Magugunita na nitong nakaraang Setyembre 21 idinaos ang kilos-protestang tinaguriang “Trillion Peso March” upang kondenahin ang katiwalian sa bilyon-bilyong pisong flood control projects ng pamahalaan.
Nagkaroon ng kilos-protesta sa iba’t ibang panig ng bansa kung saan naghayag ang mga nagporpotesta ng mariing pagtutol sa katiwalian at kahilingang maparusahan ang mga magkakasabwat dito.
Daang libo ang nagtipon sa Metro Manila at sa iba pang lungsod sa ibang panig ng bansa para makiisa sa kilos-protesta.
Una na rito ang “Trillion Peso March” na ginanap sa EDSA People Power Monument kung saan tinatayang may 30,000 mahigit ang dumalo, ayon sa mga organizer.
Sa Luneta, na may temang “Baha sa Luneta: Aksyon na Laban sa Korapsyon,” dinagsa ang kilos-protesta ng tinatayang 49,000 katao, ayon sa Manila Public Information Office (PIO).
Bukod pa rito ang rally na isinagawa sa Liwasang Bonifacio.
Kasabay nito, nagkaroon din ng kilos-protesta sa Cebu, Iloilo, Bacolod, at Davao, ayon sa mga ulat.
Layunin ng kilos-protestang ito na papanagutin ang mga sangkot partikular na ang mga opisyal ng gobyerno at mga kontraktor ng mga maanomalyang flood control projects.
Nais din ng mga raliyista na mabawi ang pondong hindi nararapat mapunta sa katiwalian upang mailaan ito sa mga serbisyong panlipunan gaya ng kalusugan, edukasyon, pabahay, at disaster response.

