MAITUTURING na bulnerable sa iba’t ibang kalamidad ang maraming mamamayan at komunidad sa bansa kaya dapat maging bahagi ang disaster risk reduction and management (DRRM) ng bawat patakaran, plano, programa at proyekto sa lahat ng larangan at antas ng pamamahala. Pangunahing layunin ng DRRM ang mapigilan ang mga bagong banta, umiiral na banta at maging ang mga residwal na banta ng kalamidad. Sa kontekstong ito, ang residual risk ay tumutukoy sa nararanasang pinsala sa kabila ng mga isinagawang paghahanda. Ang mga sumusunod ay ilang paalala at panawagan sa pagsusulong ng praktika at etika ng DRRM.
· Hamunin ang pananaw na natural ang kalamidad at maging ang pagtingin na heograpikal lamang ang dimensyon nito. Sumangguni rin sa artikulong ito bilang pagkokonteksto at lunsaran: Kalamidad, hindi pagkakapantay-pantay at bulnerabilidad – Pinoy Peryodiko
· Siyasatin ang mga paradigma, modelo at patakarang may kinalaman sa DRRM at suriin kung tumutugon ang mga ito sa pangkapaligiran at panlipunang reyalidad.
· Tandaan na ang disaster risk ay tumutukoy sa tatlong salik na sinasaklaw ng depinisyong ito: pagkalantad (exposure) ng mga bulnerableng mamamayan at komunidad (vulnerable o vulnerability) sa peligro o panganib (hazard). Ang exposure ay maaaring tumukoy sa konsentrasyon ng malaking populasyon at/o paninirahan sa mapanganib na lugar. Samantalang, ang hazard ay maaaring sa porma ng iba’t ibang uri ng kalamidad kagaya ng lindol, pagputok ng bulkan, bagyo, baha, landslide, trashslide, sunog, pagsabog, pagkalason at iba pa.
· Huwag iromantisa ang Filipino resilience. Bagkus ay hamunin ang nananaig na istruktura at ugatin kung bakit madalas mangyari ang kalamidad at nananatiling bulnerable ang mga mamamayan.
· Unawain ang pang-ekonomiko, politikal, kultural at sikolohikal na dimensyon ng kalamidad at DRRM.
· Ipaloob ang pangkasariang konsiderasyon at pagsusuri sa DRRM.
· Saklawin ang pangkasaysayang dimensyon ng kalamidad.
· Magtala at magdokumento upang maging masinop ang disaster data collection system na magsisilbing batayan ng pagsusuri at interpretasyon.
· Tipunin ang statistics at stories ukol sa kalamidad at karanasan ng mamamayan.
· Paunlarin at sinsinin ang disaster data collection system sa pandaigdigan, pambansa at panlokal na antas.
· Tiyaking ligtas ang sambahayan, panirahan, karatig-bahay, komunidad at kapaligiran sa pamamagitan ng regular na safety audit at hazard mapping.
· Protektahan ang mga pinagkukuhanan ng tubig mula sa panganib na hatid ng kalamidad.
· Isaalang-alang ang mga matatanda, buntis, bata, mahihirap, may karamdaman at may kapansanan sa disaster mitigation, preparedness, response at reintegration.
· Tutukan ang prebensyon, mitigasyon at paghahanda upang hindi na humantong sa malagim na trahedya ang sitwasyon.
· Pagtuunan pareho ng pansin ang kalamidad sa kanayunan at kalunsuran.
· Magsagawa ng community safety audit at participatory hazard mapping kasama ang mga mamamayan at iba’t ibang sektor sa pamayanan.
· Hamunin ang sentralisado, teknokratiko at elitistang DRRM.
· Gawing mapanlayok (o participatory) ang hazard mapping na isasagawa sa kampus, komunidad at kapaligiran na kinakatawan ng iba’t ibang sektor, propesyon at larangan.
· Gawing pandaigdigan ang kampaya sa DRRM at matuto mula sa karanasan ng ibang bansa at rehiyon.
· Aralin at suriin ang ugnayan ng Sustainable Development Goals (SDG) sa DRRM.
· Pahalagahan ang indigenous knowledge systems and practices (IKSP) sa larangan ng DRRM.
· Gamitin ang citizen science at indigenous wisdom sa pagbalangkas at pagpapatupad ng DRRM.
· Panatilihin ang DRRM sa kurikulum ng batayang edukasyon at itampok din ito sa antas ng kolehiyo.
· Itahi ang DRRM sa lahat ng asignatura upang magkaroon ng integrasyon at aplikasyon. Halimbawa: Math (disaster statistics), Physics (structural integrity), Physical Education (first aid), Economics (disaster financing), History (disaster history) at iba pa.
· Suportahan ang mga kursong nakatutulong sa DRRM kagaya ng Geography, Geology, Meteorology, Environmental Science, Public Health, Demography, Physical Education, Rehabilitation Science, Civil Engineering, Community Development, Behavioral Science, Political Science, Public Administration, Policy Studies, Transportation Administration, Area Studies, Development Studies at iba pa.
· Labanan ang korupsyon dahil banta ito sa maayos at matibay na mga istruktura, pasilidad at kagamitan.
· Palakasin ang intersektoral, interpropesyonal, interdisiplinal, inter-agency at transboundary na katangian ng DRRM.
· Gawing lahatang panig ang konseptuwalisasyon, pagbabalangkas, pagpapatupad at ebalwasyon ng DRRM.
· Tandaan ang kahalagahan ng mitigasyon ng kalamidad sa pamamagitan ng papapatayo ng imprastraktura kagaya ng dike at flood control. Sa kasamaang palad, sa mga ganitong proyekto rin nagpapasasa ang mga tiwaling grupo kapalit ng kaligtasan, buhay at kabuhayan ng ibang tao.
· Siyasatin ang kaugnayan ng disaster risk sa palyado at problematikong land-use planning, urban planning at development planning.
· Isaisip na sanhi ang korupsyon at pinalalala rin nito ang bulnerabilidad ng mga mamamayan at komunidad sa porma ng depektibong land use plan, infrastructure development plan at DRRM plan.
· Tandaan na ang korupsyon ay isa rin mismong porma ng kalamidad.
· Gamitin nang tama ang pondo sa DRRM at tiyaking hindi ito nalulustay sa korupsyon at katiwalian.
· Tukuyin, ilantad at papanagutin ang mga bansa at kompanya na may malaking ambag sa ecological plunder at maging climate debt (tambalan ng emission debt at adaptation debt) sa daigdig at kasaysayan.
· Tandaan na ang pandarambong sa kalikasan ay malaking salik sa bulnerabilidad sa kalamidad at lala ng pinsala nito sa mamamayan at komunidad.
· Huwag maging pabalat-bunga (o ningas-kugon) sa disaster relief and response para sa media mileage at coverage lamang.
· Ihanda at i-preposition ang mga kagamitan, teknolohiya at ayuda para sa pagresponde sa mga nasalanta.
· Gawing research-informed ang anumang inisyatiba at interbensyong may kaugnayan sa DRRM.
· Tandaan na ang DRRM ay kailangang may malakas na makakomunidad na oryentasyon.
· Tandaan na may sariling ahensya at kapasidad ang mga nasalanta. Kinikilala dapat ito ng pamahalaan at humanitarian organizations.
· Gamitin ang media and information literacy (MIL) upang mapalakas ang DRRM. Ikonsidera ang 3 Cs (creation, circulation, consumption) ng disaster-related media content.
· Isalin ang mga dokumentong may kinalaman sa DRRM sa wika na mauunawaan ng nakararami.
· Paunlarin ang science communication, safety communication at risk communication upang mapalaganap ang DRRM consciousness and awareness.
· Tiyaking maging culturally sensitive at gender responsive ang DRRM.
· Ipatupad ang relocation at evacuation plan na nakabatay sa karapatang pantao at rumerespeto sa dignidad ng mga nasalanta.
· Matuto mula sa mga naging karanasan at iwasan ang mga dating pagkakamali sa pagtugon sa kalamidad.
· Tandaan na ang kahirapan ay maaaring maging epekto, sanhi, at nakakapagpalala rin ng kalamidad. Sa katotohanan, ang kahirapan mismo ay isang porma ng kalamidad.
· Tugunan ang kahirapan upang mapababa ang bulnerabilidad ng mga mamamayan at komunidad sa kalamidad.
· Ugatin ang sanhi ng bulnerabilidad gamit ang problematique technique. Tukuyin ang superordinate (root cases) at subordinate factors (symptoms).
· I-angkla ang DRRM framework sa pag-oorganisa at pagpapalakas ng komunidad.
· Palakasin ang kapasidad ng mga mamamayan at komunidad na igpawan ang pinsalang hatid ng kalamidad sa pamamagitan ng community organizing (CO) at community development (CD).
· Hamunin ang mga sistema at istruktura na nagbubunsod ng kalamidad at bulnerabilidad ng mga mamamayan at komunidad sa kalamidad.
· Organisahin ang komunidad dahil epektibong paraan ito sa pagsasakapangyarihan (empowerment) ng kanilang hanay upang labanan ang kahirapan, katiwalian at korupsyon.
· Unawain at tugunan ang banta ng kalamidad sa konteksto ng lumalaganap na wicked problems, polycrisis at multihazard na kinakaharap ng bansa.
· Palakasin at suportahan ang mga programa tulad ng disaster medicine, disaster psychiatry, disaster psychology at psychological first aid sa mga pamantasan at institusyon.
Bilang pagbubuo(d), mahalagang maunawaan na ang pagiging bulnerable sa kalamidad ay indikasyon ng antas ng kaunlaran o pagiging atrasado ng isang bansa at mga mamamayan nito. Maituturing din itong sintomas ng kawalan ng sapat at maaayos na pagpaplano, pagpapatupad at panunungkulan. Inilalantad at hinahamon din dapat ang ang mga ganid na puwersa na sila mismong sanhi ng pagkalantad sa panganib, pagiging bulnerable at kalunos-lunos na pagkakasadlak ng mga nasalanta. Samakatuwid, ang kalamidad ay hindi natural, kundi sosyo-istruktural. Hindi rin ito kapalaran, kundi kapabayaan.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa [email protected].

