ANG bagyong Uwan, na humina sa West Philippine Sea at lumabas nitong Lunes ng umaga sa Philippine Area of Responsibility ay maaaring pumasok muli sa Miyerkules, Nobyembre 12, bago pumuntang Taiwan dahil sa impluwensya ng high-pressure area sa southern part ng China, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ngayong Martes.

“It may reenter the Philippine Area of Responsibility (PAR) on Wednesday evening as it makes landfall over the southwestern coast of Taiwan, resulting in further weakening,” paliwanag ni Pagasa chief Nathaniel Servando. “Then Uwan will quickly exit PAR for good,” dagdag ni Servando.
Samantala sinabi ni weather specialist Chenel Dominguez ng Pagasa na ang tropical cyclone ay tatawagin pa ring Uwan, dahil ang mga storm signal ay nakataas pa rin sa ilang bahagi ng Luzon.
Ayon sa kanya sa ulat nitong 5am ngayong Martes ang signal no. 2 ay nakataas sa mga sumusunod:
- Batanes,
- Cagayan, including Babuyan Islands,
- Apayao,
- Abra,
- Kalinga,
- Kanlurang bahagi ng Mountain Province (Besao, Tadian, Sagada, Bauko, Sadanga, Bontoc, Sabangan at Barlig),
- Hilagang-Kanlurang bahagi ng Benguet (Mankayan, Kapangan, Kibungan at Bakun),
- Ilocos Norte,
- Ilocos Sur, at
- Hilagang bahagi ng La Union (Luna, Santol, Lungsod ng San Fernando, San Juan, Bagulin, Bangar, San Gabriel, Bacnotan, Sudipen and Balaoan).
Nasa ilalim ng Signal No. 1 ang:
- Metro Manila,
- Isabela,
- Quirino,
- Nueva Vizcaya,
- Ialng bahagi ng Benguet,
- Ifugao,
- Natitirang bahagi ng Mountain Province,
- Natitirang bahagi ng La Union,
- Pangasinan,
- Aurora,
- Nueva Ecija,
- Zambales,
- Bataan,
- Tarlac,
- Pampanga,
- Bulacan,
- Cavite,
- Laguna,
- Hilaga at Kanlurang bahagi ng Batangas,
- Rizal,
- Hilagang bahagi ng Quezon, kasama ang Polillo Islands, at Lubang Islands.
Mga markang iniwan ni Uwan
Samantala, maraming lugar ang nananatiling nakalubog sa baha at marami ba ring bayan ang walang kuryente nitong Lunes dahil sa pananalasa ng Super Typhoon Uwan (international name: Fung-wong) na nag-iwan ng dalawang patay at milyong mga lumikas.
Sinalanta ng bagyong “Uwan” ang malaking bahagi ng Pilipinas, na nagdulot ng pagkawala ng tirahan ng mahigit 1 milyong katao at nag-iwan ng malawakang pinsala sa Luzon at Visayas, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Lunes.
Lumakas ang bagyo at naging isang super typhoon bago tumama sa Dinalungan, Aurora, noong gabi ng Nobyembre 9. Mula noon ay humina na ito sa West Philippine Sea, ngunit patuloy pa rin ang epekto nito sa buong bansa, kung saan naiulat ang matinding pagbaha, pagkawala ng kuryente, at paralisis ng transportasyon sa maraming rehiyon.
Tugon ng pamahalaan

Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes ang lahat ng ahensya ng gobyerno na ipagpatuloy ang pagtulong sa mga residenteng apektado, kasunod ng pananalasa ng Super Bagyong Uwan.
Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang mga pagsisikap sa pagtugon sa kalamidad habang pinamunuan niya ang isang briefing tungkol sa epekto ng Super Bagyong Uwan na ginanap sa Presidential Security Command (PSC) Command Operations Center sa Malacañang.
Inutusan ni PBBM ang lahat ng ahensya na patuloy na subaybayan ang epekto ng super bagyo hanggang ngayon,Martes, kabilang na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH) para siguraduhing mayroong mga medical team na magagamit para sa mga lumikas.
Inatasan din ni Pangulong Marcos ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na simulan na ang rehabilitasyon ng mga nasirang kalsada sa lalong madaling panahon upang mapadali ang mga operasyon ng pagtulong.
Kasabay nito, pinaalalahanan din ni Pangulong Marcos ang lahat ng mga ahensya na ituloy na ang mga kasalukuyang pagsisikap na tugunan ang mga epekto ng Bagyong Tino kasabay ng Super Bagyong Uwan.
Pinuri naman ni Pangulong Marcos ang mga epektibong hakbang sa paghahanda, matapos kumpirmahin ng Office of Civil Defense (OCD) na ang mga pagsisikap sa preemptive evacuation para sa 426,000 pamilya ang lubos na nagpababa sa bilang ng mga nasawi.
Sa briefing, iniulat ng OCD na ang Pangasinan ang pinakamalubhang naapektuhan ng malawakang pagbaha, bagama’t nagsimula nang humupa ang tubig-baha.
Samantala, 71 kalsada ang naiulat na kasalukuyang hindi madaanan sa buong Central Luzon (Region III), lalawigan ng Aurora, at Cordillera Administrative Region partikular sa Mountain Province, Benguet, at Apayao.
May kabuuang 155 ang naitalang pagkawala ng kuryente, karamihan sa rehiyon ng Ilocos (Region I), bagama’t 15 na ang naibalik.
Sa lalawigan ng Aurora, isang lugar ang na-isolate dahil sa mga landslide habang isang kalsada ang naputol sa kahabaan ng national road mula Dipaculao hanggang Casiguran.
Samantala, patuloy namang sinusubaybayan ng DSWD ang mga operasyon ng paglikas at ang kalagayan ng mga lumikas.
Ayon sa DSWD, ang rehiyon ng Bicol ang may pinakamaraming pamilya nasa mga evacuation center dahil 100,050 pamilya ang apektado sa rehiyon, kabilang ang 44,000 apektadong pamilya sa lalawigan ng Camarines Sur.
Samantala, humigit-kumulang 20,000 pamilya naman ang apektado sa lalawigan ng Quezon.
Inihayag naman ng DSWD na dahil ang mga lumikas ay preemptively evacuated, inaasahan silang makababalik sa kanilang mga tahanan sa sandaling humupa ang tubig-baha.
Noong Sabado, habang papalapit ang Super Bagyong Uwan sa Hilagang Luzon, inilagay ni Pangulong Marcos ang lahat ng ahensya ng gobyerno sa full alert upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Bukod sa pagsasagawa ng preemptive evacuation, ang gobyerno ay naglagay ng mga rescue vehicle at relief goods sa mga lugar na may mataas na panganib.
Clearing operations
Patuloy ang road clearing operations ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Virac, Catanduanes, bilang pagtugon sa direktiba ni PBBM na agad na magsagawa ng relief, rescue, at clearing operations sa mga tinamaan ng Bagyong Uwan.

Nananatili ring naka-alerto ang mga Deployable Response Groups (DRGs) ng Coast Guard District Bicol, kasama ang mga station at sub-stations nito, upang agad makapagresponde sa mga nangangailangan.
Ang Coast Guard Station (CGSS) Dinalungan, Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Municipal Social Welfare and Development (MSWD), at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Dinalungan, ay nagsagawa ng mga operasyon sa paglilinis sa ilang lugar na apektado ng mga bara at debris. Isinagawa ng pangkat ang mga operasyon mula Brgy. Dibaraybay hanggang Brgy. Mapalad sa Dinalungan, Aurora, pati na rin sa Brgy. Ibona, Dingalan, Aurora, at Brgy. West Poblacion, Pantabangan, Nueva Ecija.

Ang mga koordinadong pagsisikap na ito ay naglalayong ibalik ang aksesibilidad sa mga kalsada, matiyak ang kaligtasan ng publiko, at suportahan ang mabilis na pagbangon ng mga apektadong komunidad. Halaw sa mga ulat ng The Manila Times at Presidential News Desk

