26.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Buhay, malabuhay, patay na panlapi? Mayroon palang ganoon?

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

MAYROON palang tinatawag na malabuhay na panlapi, patay na panlapi? Marami yata sa atin ang hindi na-inform?

Marami nga ang hindi na-inform. Hindi naman ito natalakay noong elementarya at hayskul. At dahil wala nang sabjek na Filipino sa kolehiyo, kailan pa malalaman ng mga Pilipino ang tungkol sa mga patay na panlapi?

Importante pa bang matutuhan ang tungkol sa patay na panlapi? Bakit naman hindi. Makakatulong ang kaalaman tungkol sa mga patay na panlapi sa pag-unawa natin sa ating mga salita. Gayon din, makakatulong sa pagpapatalas ng ating kakayahang magsuri ang paghihimay-himay sa pagkakabuo ng mga salita, kasali na ang pagsusuri sa mga patay na panlapi.

Bakit ba mayroong tinatawag na patay na panlapi? Bakit patay?

Una muna, ano ba ang mga panlapi? Ayon kay Lope K. Santos (LKS), “tinatawag na panlapi ang isa o ilang pantig na ikinakama sa salita upang ito’y mabigyan ng iba-ibang hinggil at tungkulin sa pananalita.” (p. 29 Balarila ng Wikang Pambansa.) Linawin natin: (1) Isa o ilang pantig ang panlapi; (2) ikinakama/ikinakabit ito sa salita; (3) upang mabigyan (ang salita) ng iba-ibang hinggil at tungkulin sa pananalita.”


Idinagdag pa ni LKS, ang panlapi ay naiiba sa salita at sa kataga, “sapagkat samantalang ang dalawang ito’y (1) may likas na katuturan o diwa sa sarili, at (2) isinusulat nang pahiwalay, ang panlapi ay (3) walang katuturan sa pag-iisa at (4) ayon sa kanya na ring pangalan, ay kinakailangang mapalapi o mapatambal sa salita upang magkatiyak na kahulugan.”

Ayon pa rin kay LKS, “may ilang katagang nabibilang sa ilang bahagi ng pangungusap, na maaaring gumanap ng pagka-panlapi, gaya ng DI sa di-mabuti, DI-bagay, atbp.; ng SA sa SApilitan, SApalaran, SArarating, SAtatawag,” atbp. Ang mga ito, ayon kay LKS, ay tinatawag na malapanlapi. Maaalala na minsan ko nang tinalakay ang SA sa pagbubuo ng mga salita.

Malapanlapi ang klasipikasyon ni LKS sa SA dahil ang salitang ito ay gumaganap din ng ibang tungkulin sa pangungusap. Halimbawa, bahagi ng pang-abay na nagsasaad ng lugar – SA IBABA, SA QUIAPO, atbp. Sa aking palagay, maaaring ituring na panlapi ang SA- dahil nakakabuo ng iba’t ibang salita, tulad din ng mga panlapi. Kung gayon ay ituturing iton ibang salita sa SA na gamit naman sa pagbuo ng pang-abay, at tinatawag ding pang-ukol sa Balarila ni LKS.

May tatlong uri ng panlapi batay sa pagiging BUHÁY ng mga ito. Ang mga panlaping BUHÁY ay iyong karaniwan nating ginagamit, tulad ng KA, MAKA, IKA, MAG, MAKI, at marami pang iba.

- Advertisement -

PATAY ang mga panlaping ito: ALA, ALI, ALIM, ALUM, BALA, BALI, KALUM, DALAM, HALI, HALU, SALA, SALI, TALI, TALUM, atbp. Mga halimbawa: ALIpala, ALIMbukay, ALUMpihit, BALAhibo, BALIbago, KALUMbibit, DALAMhati, HALIparot, HALUbilo, SALAgubang, SALImuot, TALIpandas, TALUMpati, atbp.

MALABUHÁY naman ang mga ito: AL, ALIN, TALA, MALI, TI, atbp. Mga halimbawa: SALabid, BALagbag, SALungkit, ALINsunod, ALINsabay, TALAtingigan, TALAaklatan, MALIgasgas, TIhulog, TIrapa, atbp.

Hindi sang-ayon sa ilang puntos

Hindi ako sang-ayon sa ganitong pag-uuri ng mga panlapi. Para sa akin, hindi na kailangang klasipikahin pa na BUHAY ang mga panlaping karaniwan nating ginagamit sa araw-araw na pagsasalita at pakikipagtalastasan. Huwag na ring iklasipikang MALABUHAY. Samantala, tama namang tawaging PATAY NA PANLAPI ang mga panlaping hindi na ginagamit sa ngayon sa mga bagong salita, at ang tanging kinakabitan na lamang ay iyong mga dati nang salita. Samakatwid, hindi na nakakabuo ng mga bagong salita ang mga ito at nakalibing na lamang sa mga salitang dati na nitong kinakabitan. Malinaw na ba kung bakit PATAY ang tawag sa mga ito – hindi dahil kailangan nang tuluyang ibaon sa limot ang mga ito kundi dahil wala nang ibang pinaggagamitan maliban na lamang sa mga salitang tinambalan ng mga ito noon pang unang panahon.

Gayon man, nakatanaw pa rin sa hinaharap si LKS sa pagsasabing, ang mga panlaping inuri niyang malabuháy at patay “ay siyang, balang-araw, mangagiging masaganang batis na mapagkukunan ng lalong maraming salitang maitutugon sa parami nang paraming mga bagong pangangailangan ng wikang Pilipino.” (P pa noon) Bakit nga ba hindi? Maraming nagaganap sa isang wikang buhay. Sapagkat ibang mag-isip ang mga GenZ at Alpha, at nagbubuo ng mga salitang tulad ng NASESETRESS at NAGSESLEEPWALK, posible pa ngang mabuhay ang mga panlaping patay.

Hindi rin ako sang-ayon sa sinabi ni LKS na ang panlapi ay “isa o ilang pantig.” Hindi ako sang-ayon sa kanyang klasipikasyon ng mga panlaping binubuo ng dalawa o higit pang pantig, tulad ng MAKI, MAPA, MAKIPAG, MAGPATI, at marami pang iba. Dapat suriin ang mga panlapi nang isa-isa; samakatwid, ang MAKI ay suriin bilang MA-+KI-. MAGPATI ay MAG-+PA-+TI. Isa-isa ang pagsusuri sa mga panlapi dahil bawat isa ay may sariling kahulugan at may sariling kalalagyan sa morpolohiya o pagbubuo ng mga salita.

- Advertisement -

Maging si LKS naman ay umamin na sa halimbawang salitang MAIPAGAWA, ay “maliwanag na nalalarawan ang bisa at kakanyahan ng lahat at bawat isang panlaping nagkapisan. ”Tatlo ang panlapi: MA-, kakayahang gumawa ng isang bagay; I- bagay na igagawa o pinaglalaanan; at PA-, diwa ng pag-uutos o pagpapagawa sa iba.

Isa pa, tila kinontra ni LKS ang sarili nang sabihin niyang “ang panlapi ay walang sariling katuturan” kapag nag-iisa at kailangang maikabit sa salita upang magkaroon ng katuturan. Hindi iyan totoo. Sa simula pa nga lang ay sinabi na ni LKS na ang panlapi ay nagbibigay ng “hinggil at tugnkulin” sa mga salita.  Dagdag pa niya, ang MA- ay nagsasaad ng kakayahan, ang I-, ng pinaglalaanan, at PA-, pag-uutos. Kung gayon, ang mga panlapi ay nagdaragdag ng kahulugan sa salitang ugat. Ito ang nagsasabi ng kakayahan, pagkamarami, pinaglalaanan, pag-uutos o sanhi ng kilos at marami pang ibang tungkulin. Nagkakaroon ng pagbabago ang nabubuong salita batay sa panlapi.

Halimbawa: Salitang ugat: IWI. Kapag MAG-iwi, ibig sabihin, magkaroon o magtaglay: NAG-IIWI siya ng pambihirang kagandahan. Kapag naman kinabitan ng hulaping -AN, nawawala ang katangian: Sa kanyang huling talumpati, tila INIWAN (IWI+-AN) na ng katinuan si Manang. Nananatili ang pangunahing kahulugan ng salitang ugat ngunit nababago ang direksyon ng kilos – maaaring palabas o paloob, pagiging mayroon o pagiging wala.

Tatalakayin natin at ipapaliwanag nang mabuti ang mga patay na panlapi at ang mga salitang nabuo sa pamamagitan ng mga ito sa susunod na Wika Nga.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -