ANG Department of Public Works and Highways (DPWH) Transparency Portal ay isang pinalawak at mas madaling gamitin na bersyon ng Sumbong sa Pangulo platform, na nagbibigay-daan sa publiko na subaybayan ang mga proyekto ng pamahalaan sa imprastraktura at mag-ulat ng anumang kahina-hinalang anomalya.
Ito ang inihayag nitong Martes ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez, na nagsabing malaki ang naging pag-unlad ng portal kumpara sa naunang complaint system dahil mas malawak ang saklaw ng impormasyon at mas user-friendly kaya mas madaling mamonitor ng publiko ang lahat ng proyekto ng DPWH sa buong bansa.
“As you can see, maraming pagkakahawig doon sa Sumbong sa Pangulo website. Pero mas expanded ito ngayon. If I may say so, parang Sumbong sa Pangulo 2.0,” pahayag ni Gomez sa isang panayam sa TV5.
Inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang DPWH Transparency Portal nito lamang Lunes bilang bahagi ng nagpapatuloy na reporma upang matigil ang korapsyon sa mga proyektong pang-imprastraktura.
Sinimulan ni Pangulong Marcos ang kanyang kampanya laban sa mga anomalya sa flood control at iba pang proyektong pang-imprastraktura sa pamamagitan ng paglikha ng Sumbong sa Pangulo website noong Agosto 11.
Ipinaliwanag ni Gomez na hinigitan na ng bagong DPWH Transparency Portal ang dating limitasyong nakatuon lamang sa flood control projects, dahil maaari nang hanapin ng mga user ang kahit anong proyekto ng DPWH at makita agad ang mahahalagang detalye tulad ng implementing office, contractor, halaga ng proyekto, at kasalukuyang status nito.
“Contrary to the initial belief na medyo nakaka-intimidate, napaka-user-friendly ng portal. Sa search bar, i-type mo lang kung ano yung proyekto gusto mong hanapin—lalabas na lahat ng detalye,” dagdag pa kay Gomez na nagsabing personal niyang sinubukan ang portal makaraan itong ilunsad.
“From sino ‘yung implementing office, sino yung contractor, to the amount of the project, yung status ng project, kumpleto doon,” ayon sa PCO chief.
Hinikayat ni Gomez ang publiko na regular na gamitin ang Transparency Portal upang mabantayan ang mga proyekto sa kanilang mga komunidad at maipagbigay-alam ang posibleng iregularidad o hindi maayos na trabaho.
“So, I encourage the people to use this portal para masubaybayan ‘yung mga proyekto n’yo on the ground, yung proyekto dyan sa komunidad nyo at mag-report. Kung tingin ninyo talagang may katiwalian sa mga proyekto na ‘yun, gamitin natin itong portal na ito para mag-report. ‘Yun ang purpose ng transparency,” pahayag ni Gomez
Nang tanungin kung papalitan na ba ng bagong platform ang Sumbong sa Pangulo website ng Office of the President, sinabi ni Gomez na kusa itong magaganap kapag na-turn over na ang karamihan ng mga report at lumipat na ang mga mamamayan sa sistemang pinamamahalaan ng DPWH.
Dagdag pa niya, bagama’t nasa ilalim ng DPWH ang portal at binuo sa pakikipagtulungan sa Department of Information and Communications Technology (DICT), mananatili pa rin ang visibility ng Office of the President sa sistema.
“Eventually mag fade out na ‘yung Sumbong sa Pangulo pag hindi na tayo nakakatanggap ng reports diyan at na-turnover na natin sa ICI yung karamihan ng report. Naturally mawawala na ‘yan,” dagdag pa ng PCO chief.
Inaasahang lalakas ang partisipasyon ng publiko, mababawasan ang korapsyon, at mapapalakas ang accountability sa pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura sa buong bansa sa pamamagitan ng DPWH Transparency Portal. | PND



