NOONG isang linggo ang paksang tinalakay namin sa panimulang ekonomiks ay ang kakulangan ng bilihan o market failure. Ang bilihan ay nagkukulang bilang isang mekanismo ng alokasyon ng isang lipunan kapag Ang presyo ng mga produkto at serbisyo ay lumilihis sa kanilang karagdagang gastos. Samantala, kapag ang presyo ay pumapantay sa karagdagang gastos ang bilihan ay mabisang mekanismo ng alokasyondahil episyente ang alokasyon ng mga yaman.
Ang mga yaman ay episyenteng ginagamit kapag ito ay nagbubunga ng pinakamataas na resulta sa mga mamimili at suplayer. Maraming dahilan kung bakit lumilihis ang karagdagang gastos sa presyo at nauuwi sa pagkukulang ng bilihan. Kasama sa mga dahilan ay ang eksternalidad, di pantay na impormasyon, ang paglalaan ng pampublikong produkto at angdi ganap na kompetisyon.
Isang kahinaan ng bilihan sa episyenteng alokasyon ng mga yaman ay ang di pantay na impormasyon. Kapag ang impormasyon ay di pantay sa pagitan ng mga mamimili at suplayer sa kanilang transaksiyon sa bilihan maaaring pagsamantalahan ng may nakahihigit na impormasyon ang mga nagkukulang sa impormasyon. Halimbawa, sa problema ng maling pagpili o adverse selection, hindi inilalahad ng isang manggagamot na hindi pala siya lisensiyadong doctor kaya’t ang pasyente ay nabibigyan ng maling gamutan. Sa problema ng pag–aahente o agency problem maaaring pagsamantalahan ng ahente o katiwala ang nagmamay–ari ng isang negosyo upang isulong ang sariling kapakanan. Sa problema ng iresponsableng aksyon o moral hazard ay nauuwi sa mapanganib na gawi dahil may proteksiyong sumasalo sa mga iresponsableng aksiyon ng isang indibidwal.
Ang mga problemang ito ay matingkad sa mekanismo ng bilihan dahil mahina ang tiwala ng mga aktor sa bilihan bunga ng pagpupursigi ng kani-kanilang interes. Dahil dito naghihinala ang bawat aktor na nais palitiin ang kanyang kasiyahan ng katapat na aktor upang mapataas naman ang kanyang interes. Dahil ang mga actor sa bilihan ay parehong naghihinala sa isa’t isa sa halip na magtiwala, nauuwi ito sa pagsasamantala ng mga actor na may nakahihigit na impormasyon.
Ang problemang ito hindi gaanong problema sa sistema ng pagmamando at sa tradisyonal na sistema ng alokasyon. Sa pagmamando nagtitiwala ang mga nagmamando o nag-uutos sa sila ay susundin dahil natatakot ang mga tao sa parusang ipapataw sa kanila kapag hindi sumunod sa iniuutos.
Samantala, sa isang lipunang tradisyonal, natatakot ang mga miyembro ng komunidad na labagin ang tiwala dahil maaari silang ipahiya sa buong komunidad. Hindi lamang ipahiya ngunit maaari din silang itakwil o itiwalag sa komunidad.
Sa takot ng parusa, kahihiyan at matiwalag, hindi pinagsasmantalahan ng isang taong nakaaangat ang impormasyon dahil ito ay labag sa pinaguutos ng nagmamando at labag sa mabuting asal sa isang lipunangtradisyonal. Dahil dito, may tiwala ang mga nagkukulang ng impormasyonna hindi sila pagsasamantalan ng mga nakaaangat sa impormasyon.
Ang mga mekanismo ng panakot na likas sa sistema ng pagmamando at sistemang tradisyonal ay humihina at halos nawawala sa sistema ng bilihan bunga ng pagsusulong pansariling interes. Walang likas na panakotang sistema ng bilihan upang pigilin ang isang nagpapanggap na doktor sakanyang panggagamot o ang mapagsamantalang ahente sa pagsusulongkanyang interes o ang nagsasagawa ng iresponsableng aksyon. Kung mayroon man, ang panakot ay nanggagaling sa ibang institusyon tulad ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbubuwis, pagpapataw ng parusa at mga regulasyon.
Kahit mahina ang tiwala ng mga actor sa mga transaksiyon sa bilihan may mga halimbawa pa rin ng matibay na pagtitiwala sa pagitan ng mgamamimimili at nagbebenta sa ating bansa. Ito ay lumalabas sa pagigingsuki.
Ang suki ay isang taong matagal nang bumibili ng mga produkto at serbisyo ng isang nagbebenta. Suki rin ang tawag sa matagal nangitinataguyod na na nagbebenta. Dahil sa tagal ng kanilang relasyon, umuusbong ang pagtitiwala sa isa’t isa. Hindi pinagsasamantalahan ng nagbebenta ang kanyang suki dahil mawawalan siya ng matapat namamimimili. Ganoon din naman ang isang matapat na mamimili; hindi niyapinagsasantalahan ang suking nagbebenta at ayaw niyang malugi ito dahil mawawalan siya ng maaasahang nagbebenta.
Dahil alam ng mamimili na hindi siya pagsasamantalahan ng kanyangsuplayer hindi na siya tumatawad dahil alam niyang makakakuha siya ng sapat na presyo at mahusay na produkto. Hindi rin pinagsasamantalahanng mamimili ang kanyang suking nagbebenta at binibigyan ng ito ng pagkakataong kumita at magkaroon ng sapat tubo.
Samakatuwid, ang bilihan ay nagkukulang sa di pantay na impormasyondahil hindi na nagtitiwala ang mga actor sa bilihan sa isa’t isa. Madalingmagtiwala ngunit kung ang iyong katapat ay hindi mapagkakatiwalaan, walang kabuluhan ang pagiging matapat. Nagkakaroon lamang ng tiwalakung ang relasyon sa bilihan ay nasubok na sa maraming panahon at pagkakataon.
Kahit na ang pagtitiwa ay tugon sa problema ng di pantay na impormasyonat makapagbibigay ng episyenteng alokasyon ng mga yaman mahirap pa rin itong bungkalin dahil sa panahon ngayon ang relasyon sa pagitan ng mamimili at nagbebenta ay labas sa relasyong personal.

