29.5 C
Manila
Martes, Hunyo 16, 2026

Traslacion 2026

- Advertisement -
- Advertisement -

MAGPAPATUPAD ng mga pagbabago, kabilang ang mas pinahigpit na seguridad at pag-iingat, sa pinakamalaking prusisyon ng mga deboto ng Hesus Nazareno na gaganapin sa Enero 9, 2026.

Milyon-milyong deboto ang inaasahang dadalo sa ‘Traslacion’ na magsisimula sa Quirino Grandstand at magtatapos sa Simbahan ng  Quiapo, ayon sa mga organizer ng simbahan.

Ang Traslacion ay salitang Espanyol na akmang itinatawag sa ginaganap na prosisyon sa image ng Mahal na Poong Jesus Nazarene sa Quiapo. Ang Traslacion ay nangangahulugan ng pagdadala o paglalakbay ng isang banal na bagay mula sa isang lugar patungo sa isa pang lugar na paglalagakan nito.

Sa ulat ng The Manila Times, sinabi rito na nagsimula na ang pista ng Hesus Nazareno nitong Enero 7 sa pamamagitan ng ‘Pahalik’ kung saan libu-libong deboto ang pumipila upang makahalik sa imahe ng Itim na Nazareno sa Quirino Grandstand.


Nagsagawa ng send-off ceremony si Fr. Ramon Jade Licuanan kung saan ipinagdasal niya ang may 20,000 pulis, medical team, volunteers at mga kasapi ng Hijos del Nazareno na siyang mangangalaga sa imahe ng Poon.

Sumunod sa patakaran

Nagkaroon ng press conference sa Quiapo Church nitong nakaraang Miyerkules kung saan hinimok ng mga opisyal ang mga deboto na sumunod sa mga patakaran  dahil sa inaasahang pagdagsa ng milyong deboto.

Ipinagbawal ng Quiapo Church, sa pamamagitan ni Alex Irasga, technical adviser, sa mga bata na huwag akyatin ang ‘andas’ na kinalalagyan ng Hesus Nazareno.

- Advertisement -

Aniya, mga bata ang pinakarami sa mga nasasaktan sa Traslacion dahil dito.

Inihayag din ni Erasca ang ilang crowd management innovations, kabilang dito ang mga lalakaran na may mas maayos na bentilasyon, gawa sa salamin na andas at istratehikong pagsasara ng mga daan.

‘Hijos Police’

Kabilang sa mga pagbabago ang pagtatalaga ng mga hijos police na mga tunay na pulis na deboto rin ng Hesus Nazareno na syang mangangalaga sa imahe nito.

Ayon kay Irasga maigi ang may pulis para sa kinakailangang crowd management.

Libu-libong pulis

- Advertisement -

Kinumpirma rin ng Manila Police District na mahigit 15,000 kawani ng Philippine National Police (PNP) ang itatalaga sa Quirino Grandstand, sa mga ruta ng prusisyon at sa mismong simbahan ng Quiapo.

Bukod sa mga pulis Maynila, inaasahan ding tutulong ang mga pulis mula sa Central Luzon at Calabarzon.

Matibay ang mga tulay

Sa kaparehong ruta gaya ng mga nagdaang taon daraan ang prusisyon kung saan ilang tulay ang daraanan ng milyon-milyong deboto.

Tiniyak ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na ligtas ang mga pangunahing tulay na daraanan ng Traslacion.

Ingatan ang katawan

Umapela naman ang Department of Health (DOH) sa publiko na unahin ang kanilang kalusugan.

Ayon kay DOH Assistant Secretary Gloria Balboa, kung may mga sintomas ng trangkaso, magsuot ng facemask at mag-alcohol bago humawak sa imahe ng Hesus Nazareno.

Maglalaan ang DOH ng 206 mga doktor, nars at iba pang medical professionals gayundin ng mga emergency equipment at ambulansya sa mga mahahalagang lugar para tumugon sa mga pangangailangang medikal ng mga tao sa araw ng Traslacion.

Kasaysayan ng Itim na Nazareno

Ayon pa rin sa naturang website ang imahe ng Itim na Nazareno ay dinala sa Maynila noong 1606 sakay ng isang galyon mula sa Mexico. Ito ay unang inilagak sa unang simbahan ng Recoletos sa Bagumbayan na ngayon ay kilala nang Luneta. Ang patron ng simbahang ito ay si San Juan Bautista.

Taong 1608 nang magtayo ng pangalawang pinakamalaking simbahan ang mga Recoletos sa Intramuros na ang patron naman ay si San Nicolas Tolentino, inilipat dito ang Itim na Nazareno dahil sa dumarami nitong deboto.

Nabuo naman ang Cofradia de Jesus Nazareno, isang samahan ng mga kalalakihan sa Maynila na may malalim na debosyon sa Itim na Nazareno noong taong 1621.

Noong Abril 20, 1650, kinilala ni Pope Innocent X ang malakas na debosyon sa Itim na Nazareno, 29 taon matapos itong ilunsad.

Sa kautusan ng taong 1767 ng Arsobispo ng Maynila na si Basilio Sancho De Santas Justa y Rufina, inilipat ang Itim na Nazareno sa Simbahan ng Quiapo na ang patron ay si San Juan Bautista.

Patuloy na dumami ang mga deboto ng Itim na Nazareno at ang mga patotoo na ito ay naghihimala ay kumalat sa buong kapuluan.

Taong 1791 nang magkaroon ng sunog at natupok ang Simbahan ng Quiapo pero hindi nasira ang imahe ng Itim na Nazareno.

Isang lindol ang yumanig sa Maynila taong 1863 na nagdulot ng matinding sira sa Simbahan ng Quiapo at gayundin sa Katedral ng Maynila pero hindi nito nasira ang imahe ng Itim na Nazareno.

Muling itinayo ang simbahan ng Quiapo noong 1864 at natapos ito taong 1898. At nang ika-19 na siglo, binendisyunan ni Pope Pius VII ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Mula noon, inilagay na ito sa pinakamataas na altar ng Simbahan ng Quiapo.

Taong 1929 na matupok ng apoy ang simbahan at taong 1933 nang simulan uli itong itayo. Nalampasan din ng simbahan ang pagbobomba noong Huling Digmaang Pandaigdig noong 1945.

Habang tumatagal ay dumarami ang mga deboto ng Itim na Nazareno kung kaya pinalakihan ang simbahan taong 1984 at ganap itong naging Minor Basilica ng Itim na Nazareno noong Disyembre 11, 1987 dahil sa ginampanan nito upang dumami ang deboto ng Panginoong Hesus at pagkamaka-Diyos ng mga Pilipino.

Taong 2009 nang simulan ang Traslacion o ang paglalakbay ng Itim na Nazareno mula Bagumbayan o Luneta hanggang Quiapo Church.

Pinakamatagal na prusisyon ng Itim na Nazareno sa kasaysayan ay noong 2012 na umabot ng mahigit 22 oras.

Nakayapak na naglalakad ang mga tao sa prusisyon bilang simbolo ng kababaang-loob at tinitiis nila ang hirap sa pagdalo sa prusisyon at mahawakan ang Itim na Nazareno  na pinaniniwalaan nilang mapaghimala dahil na rin sa mga sunog, lindol, at pagbobomba na pinagdaanan nito ngunit hindi pa rin ito nasira.

Hindi nagkaroon ng Traslacion noong 2021 dahil sa pandemya at ibinalik lamang ito noong 2024.

Noong nakaraang taon umabot sa 8.12 milyong deboto ang lumahok sa prusisyong ito.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -