(Ikalawa sa serye)
LAHAT ng bata ay interesado sa kuwento. Tanungin mo kung sino ang gustong making sa kuwento at tiyak na lahat ay magtataas ng kamay. Kahit nga tayong may edad na ay gusto ring makinig o magbasa ng kuwento. Nais maranasan ng bata ang daigdig ng mga kuwento — makipagsapalaran, makipaglaro sa imahinasyon, at maligaw sa iba’t ibang daigdig.
Kung sa kalagitnaan ng ating sinulat na kuwento ay biglang may lumutang na aralin/learning competency (hal. Math lesson, Science lesson), mapapansin ito agad ng bata at biglang maglalaho ang magic. Mala-textbook pala at hindi ang inaasahang storybook ang kanyang binasa. They will feel betrayed. Sa ganitong pagkakataon ay masasabing naging sobrang obvious ang ‘lesson’ na nais ituro. Hindi nagtagumpay ang manunulat sa kanyang layunin dahil mas lumutang ang ‘lesson o learning competency.’ Tandaan na ‘storybook’ ang ginagawa natin at hindi textbook.
Kaya ang mga konseptong pang-math, pangwika, pangkalusugan, at pang-values (halagahan) ay dapat na di gaanong obvious kapag inihalo natinsa kuwento. Para bang ‘shadow’ lamang ito sa paligid ng kuwento. Hindi ang ‘lesson’ ang bida kundi ang kuwento. Story first, di ba? Isa sa naging guiding principles ko sa pagsusulat ay ito: ‘the best way to convey a message is to give an impression that no message is being conveyed.’
Sa paglikha ng mga kuwentong akma para sa mga kindergarten learners, mahalagang konsiderasyon ang haba ng kuwento. Kaya dapat ay conscious tayo sa sinasabing ‘word count.’ Para sa Kindergarten, ideyal ang 250–300 words kada kuwento. Maiikli lang din ang pangungusap—hindi hihigit sa 12 salita kada pangungusap. Ideyal ang 5-10 words kada sentence. Ito’y upang madaling basahin at maunawaan ng mga bata, lalo na sa read-aloud setting.
Sa isang picture book na angkop para sa mga kindergarten learners, malaking bahagi ang ginagampanan ng ilustrasyon sa paghahatid ng kuwento. Sinasabing humigit-kumulang sa 70% ng storybook ay nasa visual storytelling; bagama’t ang teksto pa rin ang “puso” ng kuwento. Ang larawan at teksto ay dapat na magkatulong upang maipakita ang aksyon, damdamin, at konseptong nais iparating. Hindi dapat magpatalbugan ang teksto at ilustrasyon.
Bakit nga ba limitado sa 250-300 words ang mga kuwentong pang-Kindergarten? Una, maigsi lamang ang attention span ng mga batang ganito ang edad. Mas naaagaw ang kanilang pansin ng mga magagandang ilustrasyon sa pahina ng aklat. Kaya gaya ng inaasahan, nakahihigit din ang ilustrasyon o drawing sa ganitong aklat. Nakadisenyo rin ito para sa mga read-aloud session at discussion. Kung mas kaunti ang teksto at piling-pili lang ang mga salitang gagamitin, may naiiwang sapat na espasyo para sa visual math cues. Ang rule of thumb? Kapag natapos basahin o ikuwento ito ng isang adult sa loob ng 5-7 minuto, sakto ang haba ng kuwento.
Ano nga ba ang mga katangian ng isang kindergarten learner kung kaya’t mas akma sa kanila ang mas maiikling kuwento? Ganito ang profile ng isang kinder learner:
· Konkreto sila kung mag-isip, hindi abstrakto
· Mas madali silang mapagod o mawalan ng interes kapag mahaba ang teksto (kahit naman ang mga adults, di ba?)
· Tinitingnan nila ang mga drowing upang buuin ang kuwento (kaya nga mahalagang tutukan ng pansin ang mga ilustrasyon). Tandaan na ang mga drowing ang gumagawa ng humigit-kumulang 70 porsyento ng pagtuturo.
· Mas madali silang matuto kapag may pag-uulit ng mga linya sa isang kuwento (lrearning through repetition). Pansinin ang paulit-ulit na linya ng mga tauhang wolf at mga pigs sa picture book na ‘Three Little Pigs’: (WOLF): Little pig, little pig, let me in!
(PIG #1): No no no, by my chinny chin chin, I won’t let you in!
(WOLF): Then I’ll huff and I’ll puff, and I’ll huff and I’ll puff – Poooof!
Sa nabanggit na kuwentong pambata, mapapansing tatlong beses na inulit-ulit ang mga linyang ito sa pagitan ng wolf at ng tatlong baboy (sina Pig #1, Pig #2, at Pig #3). Kaya’t sa pangatlong pagkakataon, kabisado na ng bata ang mga linyang sinasabi ng wolf at ng three little pigs. Nakatutulong ang ganitong pag-uulit-ulit (repetition) ng mga linya para mahulaan ng bata kung ano ang mangyayari sa dalawa pang natitirang baboy. At kapag tama ang kanyang naging hula, agad niyang masasabing, ‘sabi ko na, eh!’ Nagkakaroon siya ng power over the story!Ang ganitong repetition ay mahalagang sangkap para sa mga kuwentong akma sa kindergarten. Hindi komo inuulit ay ituturing na itong katamaran sa paglikha ng kuwento. Isang magandang halimbawa ng ‘repetition sa kuwento’ ay makikita sa mga kantang popular na inaawit natin. Pansinin na lagi tayong bumabalik sa isang paragraph na kung tawagi’y ‘koro’ or chorus: ito’y isang bahagi ng awit na inuulit-ulit kantahin na nagtataglay ng core message ng kanta. Isipin natin ito kapag gumagawa tayo ng kuwento para sa mga Kindergarten learners.
Pagdating sa gagamiting mga salita, pumili ng mga salitang pamilyar sa batang nasa ganoong edad. Huwag gagamit ng mga salitang hindi nila naiintindihan. Kung may dalawang salitang iisa ang kahulugan, piliin ang salitang mas simple.
Gawing maigsi ang mga pangungusap (5-10 words kada sentence). Gawin ding maigsi ang mga paragraph (1-2 sentences). Makatutulong ang paglalagay ng dialogue para sa maayos na daloy ng kuwento. At dahil kadalasan ay ginagamit ang ganitong mga aklat sa read-aloud activities, mahalaga ang ritmo upang masarap pakinggan ang teksto.
Magandang hakbang ang ihalo ang isang ‘learning concept’ sa isang kuwento. Pero hindi ito madaling gawin sapagkat nangangailangan ito ng maingat na pagtalakay sa materyal. Mas madalas kaysa hindi, ‘learning lesson’ sa isang subject area ang nagagawa natin at hindi kuwento. Isipin mo na lang, kung ang math lesson ang mas binigyang-diin sa kuwento, ano na ang mangyayari kung sakaling tatanggalin ang math lesson sa kuwento? Wala na ring matitira sa kuwento. Dito’y mas lalong luminaw na math lesson nga at hindi kuwento ang nagawa ng manunulat.
Gawin nating halimbawa ang asignaturang Mathematics. Kung nag-iisip tayo na magpasok ng konsepto ng counting o pagbibilang, hindi dapat lumutang ang ‘numeracy competency’ sa teksto. Huwag susulat ng kuwento na humihiyaw ang ganitong mensahe: this story teaches counting. Sa halip, sumulat ng kuwento kung saan ay natural na nangyayari ang pagbibilang. Halimbawa’y nahulog ang mga holen sa lapag at kailangang pulutin ito ng tauhan sa kuwento habang binibilang kung ilan ang gumulong palabas ng pinto at ilan ang gumulong sa ilalim ng mesa.
(May karugtong)

