NAGSISIMULA pa lamang ang mga impeachment complaint ng iba’t ibang grupo laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Pangalawang Pangulo Sara Duterte ngunit tila nasupalpal na ito ng Korte Suprema.
Naniniwala si Deputy Speaker Ronaldo Puno, National Unity Party (NUP) chairman at kongresman ng Antipolo City, na maaaring hindi na magiging matagumpay ang ano mang impeachment complaint laban kay Duterte o kay Marcos.
Sa ulat ng The Manila Times News Prime, sinabi ni Puno na halos imposible nang maisagawa ang impeachment dahil sa mga bagong patakaran na itinakda ng Korte Suprema.
“…Any further impeachment complaints will have to follow the process now. Under the new guidelines of the Supreme Court decision. In other words, it takes like, kailangan sasabihan mo yung akusado kung ano ang mga charges, they will be given an opportunity to answer, mga ganon. So, I think, what the Supreme Court decision did was: it reduced the political character of impeachment and made it more a judicial process…,” ayon kay Puno.
Impeachment complaint kay Marcos
Kahapon, Enero 19, nagsampa ng impeachment complaint laban Kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at inakusahan siya ng paglabag sa Konstitusyon at pagtataksil sa tiwala ng publiko dahil sa “pagpapasuko” Kaya dating Pangulong Rodrigo Duterte t sa International Criminal Court (ICC).
Ang reklamo, na isinampa ng abogadong si Andre de Jesus, ay inendorso ni House Deputy Minority Leader at Pusong Pinoy party-list Rep. Jernie Jett Nisay.
Kamakailan lamang, nagpahayag ang Palasyo ng reaksyon sa pahayag ni House Senior Deputy Minority Leader at Caloocan 2nd District Representative Edgar Erice na maaaring humarap si Marcos sa isang impeachment complaint.
Ayon kay Erice, may mga indibidwal na humihiling na iendorso niya ang impeachment complaint kay Marcos, dahil umano sa “betrayal of public trust” bunsod ng pag-aapruba nito ng bilyon-bilyong halaga ng budget insertion na may kaugnayan sa mga flood control project.
Dagdag ni Erice, tinanggihan niya ito dahil sa bagong patakaran ng Supreme Court na kinakailangang dumaan ito sa Committee on Justice.
Gayunman, may ibang mga mambabatas ang naniniwala na may basehan ang pag-impeach sa Pangulo.
“P1.45 trillion in insertions, diversions, amendments, napunta sa mga anomalous projects. Hindi siya kumibo, hindi kumibo yung gabinete niya. Sabi ko nga, kung 2023 lang, baka napalusutan siya. Pero 2024, 2025, pinirmahan niya, sabi niya ni-review niya,” pahayag ni Erice sa panayam ng 24 Oras Weekend na nasa Youtube Channel ng GMA Integrated News.
Saan nagmula ang kompyutasyon na P1.45 trilyon?
Tumutukoy sa kabuuang halaga ng mga insertions na ginawa sa pambansang budget mula 2023 hanggang 2025 ng nagdaang Kongreso at pinirmahan ng Pangulo ang P1.45 trilyon na sinabi ni Erice.
Mga amendments o dagdag na budget items ang mga insertion na hindi orihinal na kasama sa National Expenditure Program (NEP) na inihanda ng mga ahensya ng gobyerno at Department of Budget and Management. Idinagdag lamang ito ng mga mambabatas bago maging pinal ang General Appropriations Act (GAA).
Isinisingit ang mga insertion na ito para sa mga bagong programa o proyekto na idinadagdag ng kongresista o senador, para sa pagtaas ng pondo sa isang item kaysa sa unang panukala ng Executive branch, o kaya naman ay nagkaroon ng diversion o amendments sa pinakahuling inaprubahang badyet.
Nagkaroon ng mga alegasyon ng pangungurakot laban sa mga mambabatas kaugnay ng mga insertion na ito lalo na ang mga proyektong may kaugnayan sa mga flood control kung saan hinihinalang nagkaroon ng sabwatan ang mga kontratista at mga politiko para sa mga proyektong maaaring overpriced, substandard o kaya naman’y hindi talaga ginawa o ghost project pero nakamarkang tapos na.
Sa taong 2025 lamang, umabot sa P783 bilyon ang insertion sa pambansang badyet na pinirmahan ng Pangulo.
Politikal na maniobra
Sa kabila nito, ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, isang political maneuvering lamang ang impeachment laban sa Pangulo.
“We have seen this statement made by a lawmaker. At this point, these are unsubstantiated statements allegedly coming from the supporters of a certain politician. The President remains committed to leading and producing results for the Filipino people,” ani Castro.
Bubuhayin ang pag-impeach kay VP Sara
Samantala, pinaplano ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na muling isampa ang impeachment complaint laban kay Duterte.
Sa pahayag ni Teddy Casino, chairperson ng Bayan sa ulat ng GMA News Online, sinabi nitong binabalak ng kanilang samahan na muling ihain ang reklamong impeachment laban kay Duterte pagkalipas ng isang taong limitasyon na magtatapos sa Pebrero 5, 2026.
Naniniwala si Casino na pinakamatibay ang kanilang reklamo na sumesentro sa umano’y pagkawala ng tiwala ng publiko dahil sa maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at ng Department of Education (DepEd) sa pamumuno ni Duterte.
Impeachment complaint na na-archive
Isinampa ang kauna-unahang impeachment complaint kay Duterte noong Disyembre 2, 2024 ng civil society groups, mga pari, sectoral representatives, at pamilya ng mga biktima ng extra-judicial killings na umakusa kay Duterte ng malubhang paglabag sa Konstitusyon, graft and corruption, bribery, betrayal of public trust, at iba pang mga high crime. Iniendorso ito ni Akbayan Party-list Rep. Percival Cendaña.
Inihain ang ikalawang reklamo noong Disyembre 4, 2024 ng mahigit 70 indibidwal mula sa mga marginalized na sektor, na inendorso ng Makabayan bloc partikular na sina Representatives France Castro, Arlene Brosas at Raoul Danniel Manuel.
Nagkaroon ng ikatlong reklamo noong Disyembre 19, 2024 na inihain ng mga relihiyosong grupo at abogado, na inendorso nina Rep. Gabriel Bordado at Rep. Lex Anthony Colada.
Inaprubahan ng Kamara noong Pebrero 5, 2025 ang ikaapat na reklamo na pinagsama-sama ang mga naunang reklamo, na inendorso ng 215 mambabatas, kabilang si Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos. Agad itong ipinadala sa Senado para sa paglilitis.
Ipinasa ito sa Senado gaya ng isinasaad sa 1987 Constitution ngunit Agosto 2025 napagbotohan nitong ito ay i-archive kasunod ng ruling ng Korte Suprema na nagsasabing hindi ito alinsunod sa Konstitusyon kung saan binigyan ng pagbabawal na magsampa ng panibagong impeachment sa loob ng isang taon.
Kilos protesta laban sa katiwalian
Mahigit isang daang bilang ng mga kilos-protesta ang isinagawa sa iba’t ibang panig ng bansa noong Setyembre at Nobyembre 2025 upang kondenahin ang nagaganap na malawakang katiwalian sa pamahalaan kaugnay ng flood control projects.
Karamihan sa mga ito ay bahagi ng trillion-peso march noong Setyembre 21 at ng national protest noong Nobyembre 30, 2025 kung saan hinihiling ng publiko na managot ang mga may sala at maibalik ang mga ninakaw na pondo.

