NAGHAIN si Senador Win Gatchalian ng isang panukalang batas na layong amyendahan ang Philippine Teachers Professionalization Act of 1994 (Republic Act No. 7836). Kasama sa mga layunin ng panukalang batas ang pagreporma sa licensure examination para sa mga guro.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 52, madadagdagan ang mga miyembro ng Board for Professional Teachers. Magkakaroon din ng hiwalay na examinations para sa special needs at early childhood education maliban pa sa mga isinisagawa para sa elementary at secondary level. Binibigyan din ng panukalang batas ang Professional Regulation Commission (PRC), sa pakikipagtulungan sa Teacher Education Council (TEC), na ilatag ang saklaw ng mga examinations para sa ibang larangan ng mga specialization, pati na rin ang akmang mga qualifications. Kakailanganin namang kumuha ng refresher course ang mga hindi makakapasa ng dalawang beses sa licensure examination.
Iminumungkahi din ng naturang panukala ang pagsumite ng portfolio na nagpapakita ng kaalaaman at kakayahan pagdating sa professional teaching standards para sa Board Licensure Examination for Professional Teachers. Magkakaroon din ng kapangyarihan ang Teacher Education Council (TEC) na magtalaga ng mga pamantayan sa paghanda, pag-assess, at pagsuri sa isinumiteng portfolio.
“Mahalagang masigurong handa at may sapat na kakayahan at kaalaman ang ating mga guro, lalo na ngayong patuloy na nagbabago ang paraan ng pagtuturo,” ani Gatchalian, Vice-Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.



