INUTUSAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Martes ang mga opisyal ng transportasyon na bigyang prayoridad ang kapakanan ng mga commuter sa pamamagitan ng pagpapahusay ng mga sistema ng tren sa bansa.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nakipagpulong si Pangulong Marcos kay Acting Secretary Giovanni Lopez ng Department of Transportation (DOTr) sa Malacañan Palace upang talakayin ang mga kasalukuyang pagpapabuti at rehabilitasyon ng mga sistema ng tren.
“Nagbigay ng direktiba si Pangulong Marcos Jr. sa Kalihim na gawing prayoridad ang kapakanan ng mga commuter, panatilihing malinis at maaliwalas ang mga pasilidad, at siguraduhing maaasahan at on-time ang mga tren sa lahat ng oras,” ani Castro.
Dagdag pa nito, inutusan din ni Pangulong Marcos ang DOTr na tiyakin ang mas mabilis at mas komportableng biyahe, mas maikling pila, karagdagang tren, at mas mahabang oras ng operasyon para sa Light Rail Transit (LRT) Lines 1 at 2 at Metro Rail Transit (MRT-3).
Samantala, iniulat ni Lopez sa Pangulo ang kasalukuyang rehabilitasyon ng mga pasilidad ng tren sa MRT Quezon Avenue Station; pagpapatupad ng cashless payment system sa MRT-3; paghahanda para ipatupad ang cashless payment system sa LRT-1 at 2 ngayong taon; at ang rehabilitasyon ng natitirang hindi nagagamit na Dalian trains para sa MRT-3.
Ani Castro, nakatakda ang partial operations para sa North-South Commuter Railway sa seksyong Valenzuela hanggang Malolos sa 2027, kasunod ang Malolos-Clark extension sa 2028.
Samantala, ang MRT-7 na nag-uugnay sa Quezon City at Bulacan ay nakatakda rin para sa partial operations sa 2027.
Ang Metro Manila Subway ay nakatakdang simulan ang demo run sa 2028, at inaasahang magsisimula ang full operations nito sa 2032.
Sinabi rin ni Castro na inisyal na naaprubahan ni Pangulong Marcos ang mungkahi ng DOTr na gawing limang taon ang validity ng registration ng mga bagong sasakyan, mula sa kasalukuyang tatlong taon. | PND



