27.9 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Legarda nais matiyak ang pinakamaagang eleksyon sa BARMM matapos ang ilang pagpapaliban

- Advertisement -
- Advertisement -

INIHAIN ni Senadora Loren Legarda, co-chair ng Philippine Congress–Bangsamoro Parliament Forum, ang Senate Bill No. 1587, na nagtatakda ng petsa para sa unang regular na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) matapos ang ilang ulit na pagpapaliban sa eleksyon nito.

“This is not an ordinary measure, and it does not concern an ordinary election. It sits at the center of our nation’s pursuit of peace, justice, and self-determination for the Bangsamoro people,” ani Legarda.

Binigyang-diin niya ang malalim na ugat sa kasaysayan ng pakikibaka ng Bangsamoro. “Hindi ganap ang Pilipinas kung wala ang kuwento ng Bangsamoro. Nakaukit ito sa ating kasaysayan, humuhubog sa ating kasalukuyan, at tumutukoy sa landas ng ating kinabukasan batay sa kung gaano natin ito tapat na kikilalanin at iingatan,” aniya.

Itinuro ni Legarda ang mahabang paglalakbay tungo sa kapayapaan, at binanggit ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro at ang Bangsamoro Organic Law bilang mga pundasyon ng proseso ng halalan.

Inalala rin niya na apat na beses nang naipagpaliban ang halalan sa BARMM—una noong Mayo 2022 sa ilalim ng RA 11054, kasunod noong Mayo 2025 sa ilalim ng RA 11593, pagkatapos noong Oktubre 2025 sa ilalim ng RA 12123, at pinakahuli noong Marso 2026 alinsunod sa direktiba ng Korte Suprema.

“Ang mga pagpapaliban na ito ay hindi nangyari nang walang dahilan, subalit sinubok nito ang pasensya at nagdudulot ng kawalan ng katiyakan sa ating mamamayang matagal nang naghihintay na ganap na maisakatuparan ang kanilang mga demokratikong karapatan,” aniya.

Kinilala ni Legarda ang mga henerasyon ng mga negosyador, mambabatas, lider ng komunidad, at mamamayan na nagsikap para sa kapayapaan.

“Because of their sacrifice, the Bangsamoro now stands on the threshold of an election that will finally allow its people to fully exercise their right to suffrage and shape their own parliamentary government.”

“Malinaw at simple lamang ang papel natin dito ngayon: ang tiyakin na ang eleksyon sa BARMM ay maganap sa pinakamaagang panahon,” pahayag ni Legarda.

Muling pinagtibay ni Legarda ang pangako ng Senado na makipagtulungan sa mga lider ng BARMM upang matiyak na ang unang regular na halalan sa rehiyon ay maisagawa sa pinakamaagang panahon, at sa paraang malaya, patas, at mapagkakatiwalaan.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -