MULING makikipagtulungan ang administrasyon sa International Criminal Police Organization (Interpol) kung maglalabas ito ng arrest warrant laban kina Senador Bong Go at Ronaldo Dela Rosa gaya ng nangyari kay dating pangulong Rodrigo Duterte na nadetine sa The Hague, Netherlands, base sa pahayag ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro.

Sa ulat ng The Manila Times, sinabi ni Castro na nangyari na ito noon kay dating Pangulong Duterte kung saan nakipagtulungan ang pamahalaan sa Interpol na nagresulta ng pagkakadakip dito at pagkadetine sa dayuhang bansa.
Aniya, obligadong makipagtulungan ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) kung maglalabas ito ng arrest order para sa dalawang Senador.
Ngunit magiging posible lamang ito kung ang mga warrant ay idaraan sa Interpol gaya ng ginawa kay Duterte.
Pinangalanan sina Go at Dela Rosa, kasama sina dating justice secretary Vitaliano Aguirre II; mga dating heneral ng Philippine National Police (PNP) na sina Oscar Albayalde, Camilo Cascolan, at Vicente Danao; dating hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency na si Isidro Lapeña; at dating direktor ng National Bureau of Investigation na si Dante Gierran, na mga kasabwat sa madugong laban kontra sa ilegal na droga ng administrasyong Duterte.
Reaksyon nina Go at Dela Rosa
Sa kabila ng balitang posible siyang maaresto dahil sa bintang na naging kasabwat siya, nagpahayag si Senador Go na hindi ito makaaapekto sa kaniyang trabaho sa Senado at sa pagtutuon ng pansin sa mga programa at polisiyang magpapagaan sa buhay ng mga mahihirap at nangangailangang Pilipino.
Itinanggi ni Go ang mga alegasyon na nakasaad sa pinaigsing bersyon ng dokumentong naglalaman ng mga kasong inilabas ng ICC Office of the Prosecutor nitong Pebrero 13 kung saan isa sya sa mga pinangalanang kasabwat.
“Hindi ko pahihintulutan ang mga walang basehhang akusasyon na gambalain ako sa aking mga responsibilidad bilang isang halal na senador ng republika,” pahayag ni Go.
Samantala, simula nang mabalitang lalabas ang arrest warrant laban kay Dela Rosa, hindi na ito nagpakita pa sa publiko. Hindi na ito pumasok simula Nobyembre at hindi na rin dumalo pa nang sumunod na pagbubukas ng sesyon ng Senado.
Samantala, namayapa na si Cascolan, isa sa mga pinangalan sa reklamo, dahil sa sakit.
Pagsira sa kasarinlan ng Pilipinas
Nagpahayag ang Partido ng Demokratikong Pilipino (PDP) ang partidong kinabibilangan nina Dela Rosa at Go ng di-pagsang-ayon sa pahayag ng Palasyo na nagsabing makikiisa ito sa ICC kung magkakaroon ng warrant, sa pamamagitan ng Interpol, laban sa dalawang senador, gaya ng ginawa kay dating pangulong Duterte.
Ayon sa PDP isang kasiraan sa kasarinlan ng Pilipinas ang pagdadawit sa pangalan nina Dela Rosa at Go bilang mga co-conspirator.
Ayon kay Alfonso Cusi, tagapagsalita ng partido ni dating pangulong Duterte, Go at Dela Rosa, hindi nararapat igaya ang proseso na ginawa nang dakpin ang dating pangulo dahil mali nga ito.
Sa isang ulat ng isang pahayagan, kung saan nakausap nito si Cusi, sinabi nitong mali ang naganap noon kung kaya kinwestyon nila ito. Isa umano itong paglabag sa batas.
Nitong nakaraang taon, nagsampa ang abogadong si Israelito Torreon, na nagrerepresenta kay dating pangulong Duterte at Dela Rosa, ng isang 94-pahina nang petition for certiorari sa Korte Surprema, kung saan hinihiling dito na pakawalan si Duterte, at pigilin ang pamahalaan na magbigay-tulong pa sa imbestigasyong ginagawa ng ICC.
Sabi pa umano ni Cusi kinakailangang sumunod sa batas ng pamahalaan at nararapat lamang kung maglalabas ng arrest warrant mula ito sa bansa.
Proseso ng batas
Kung sakaling maglabas na ng arrest warrant ang ICC laban sa sino mang indibidwal na Pilipino, kinakailangan nitong maglabas ng pormal na request sa pamahalaan ng Pilipinas para sa pakikipagtulungan nito para makakuha ng ebidensya, pagtulong sa imbestigasyon o sa pag-aresto rito.
Kinakailangang suriam ito ng Department of Justice (DOJ) at ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung nararapat bang kilalanin ang request o tanggihan ito base sa diplomatic grounds, halimbawa, tanggihan dahil hindi na naman ICC member ang Pilipinas.
Kung magpasya ang gobyerno na makipagtulungan base sa pagsusuri ng DOJ at DFA, kinakailangan munang magsampa ng kaso sa lokal na korte gamit ang ebidensya o mag-file ng petition para sa extradition.
Sa pamamagitan ng pagsasampang ito ng kaso sa lokal na hukuman, mapagpapasyahan nito kung may probable cause at legal bang mag-issue ng lokal na arrest warrant.
Kung walang warrant mula sa hukom ng Pilipinas, hindi maaaring arestuhin ang tao maliban sa special legal exceptions.
Kapag may lokal nang warrant saka pa lang maaaring arestuhin ng pulis o law enforcement ang indibidwal at at dadalhin siya sa lokal na korte para sa proceedings.
Kung extradition o surrender ang ruta, hindi pa rin madadala agad sa ibang bansa ang isang indibidwal dahil kinakailangan pa itong dumaan sa mga pagdinig ng hukuman at may karapatan pa ang akusado na mag-apela o mag-contest.
Kapag pinayagan ng korte at gobyerno, saka pa lamang maaaring dalhin sa kustodiya ng ICC ang isang indibidwal.
Sa isang press conference sinabi ni Senate foreign relations committee chairperson Imee Marcos na lumalabas sa preliminary findings ng Senate foreign relations committee na may paglabag sa karapatan ni dating pangulong Duterte na dinakip ng Interpol ura-urada sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) galing sa bakasyon sa Hong Kong, at direchong inilipat sa Villamor Air Base at inilipad patungong The Hague, Netherlands.
“The Constitutional safeguards guaranteeing liberty and due process of law were not observed. No warrant was issued by a Philippine court. The arrest did not fall within the exceptions to a warrant arrest,” sabi ni Marcos.
“The Constitutional safeguards guaranteeing for the liberty [and] abode were also disregarded. No court order was issued mandating that the former president be taken out of the Philippines against his will,” dagdag pa niya.
Pahayag ng Malakanyang
Ayon sa Palasyo hindi ito paraan ng administrasyong Marcos upang iiwas ang atensyon ng publiko sa scandal dulot ng korapsyon gaya ng sinasabi ng mga kritiko.
“This is not a diversion. Because this case has been filed in the ICC for a long time. President Marcos Jr. was not even president yet when it was filed. So, it should not be blamed on our president… because our government has no influence on the International Criminal Court,” ani Castro.
Ayon kay Castro, oras na ilabas ang mga arrest warrant, kinakailangan ang mga itong ipatupad. Kung kaya, mamanmanan sina Senador Go at Dela Rosa. Pero sa ngayon, wala pa umanong dahilan para manmanan sila dahil wala pa namang natatanggap ang pamahalaan na arrest warrant.
Hinimok din ni Castro ang mga akusado na lumabas at harapin ang mga bintang laban sa kanila kung sadyang wala silang ginawang mali.
“If you are in hiding, what does that mean? Are you guilty, are you hiding so you can escape or evade the liability of what you have done? So, there is no need to hide if they know that they are innocent. Face it,” ayon kay Castro.
Sa naunang mga ulat kaugnay ng pagkakadakip kay Duterte, sinabi ni Castro na may obligasyon ang pamahalaan ng Pilipinas na mag-comply sa request ng Interpol.

