TIME OUT muna sa usapang gramatika. Usapang pagbibigay-ngalan muna sa ating mga sarili.
Paano nga ba natin tinatawag ang ating mga sarili? May dalawang klase ng pagngangalan – pangalang itinatawag sa atin ng iba, at pangalang itinatawag natin sa ating mga sarili.
Gamitin nating halimbawa ang atin mismong bansa. Pilipinas ang tawag nating mga Pilipino (Filipino sa ilan) sa ating bansa. Filipinas ang tawag ng iba, bagama’t ang opisyal na ngalan sa Konstitusyon at mga batas ay Pilipinas (P, hindi F). Sa labas ng bansa, Philippines ang tawag sa ating bansa.
Ang West Philippine Sea ay dating tinatawag nating South China Sea.
Ang isang bahagi ng Maynila, ang Tundo, ay tinatawag na Tundo kapag Tagalog/Filipino ang gamit na wika. Pero kapag Ingles ang teksto, ang Tundo (mabilis ang bigkas) ay nagiging Tondo (mabagal ang bigkas). Ibig sabihin, isinasalin sa Ingles ng mga nagsusulat ang pangngalang pantangi, na dahil nga pantangi, ay hindi dapat na isinasalin.
Ang United States ay Estados Unidos sa Espanya at dati ring tinawag ng ganito sa ating bansa, bagama’t ngayon, kadalasang Amerika na lamang ang tawag. Ang siyudad sa Russia, na tinatawag nating Moscow, ay hindi Moscow para sa mga Ruso, kundi Macsva (ganyan ang bigkas pero hindi ganyan ang baybay sa sarili nilang sistema ng pagsulat).
Ang mismong nag-iisang tanggapang pangwika sa ating bansa, ang Surian ng Wikang Pambansa, ay mas kilala sa ngalan nito sa Ingles: Institute of National Language o INL. Nang maging komisyon ito noong 1992, mismong mga empleado rito ay ipinakilala itong CFL (Commission on the Filipino Language) sa halip na Komisyon sa Wikang Filipino o KWF (noong bandang 2013 na lamang ito nakilala sa ganitong pangalan).
Ipinapakita lamang nito ang nagkakaibang tawag ng iba-ibang mga tao sa iisang lugar o iisang pangkat ng mga tao.
Ibinabahagi ko ito dahil kamakailan, inilabas ng National Book Development Board ang mga librong nagwagi sa 43rd National Book Awards. Isa sa limang (5) finalist sa kategoryang antolohiya ang librong Pansit Luglog, Halo-halo, Atbp. sa Kuwentuhang Malabon na ang editor ay ang kilala at iginagalang na manunulat mulang Malabon, si Fanny A. Garcia.
Ang aklat ay koleksyon ng mga sanaysay ng 19 na taga-Malabon, kabilang na si Garcia at ang inyong lingkod. Inilalarawan sa librong ito ang “alaala at danas ng labinsiyam na may-akda kaugnay ng kanilang kabataan sa noon ay Malabon, Rizal (naging Malabon, Metro Manila noong 1975; naging Malabon City noong 2001). Isang natatangi at makulay na tala ng isang bahagi ng buhay, kultura, at kasaysayan ng Malabon.” (Mula sa blurb ng aklat.)
Napakalaking karangalan na napabilang ang aklat na ito sa 5 finalist. Hindi man nagwagi, napakalaking bagay na ang maging finalist na parang naihilera na rin sa prestihiyosong mga manunulat.
Pero hindi iyan ang aking punto, kundi ang tinawag ng isang kilalang manunulat na “hindi magkasundong tawag” ng mga mamamayan ng Malabon sa kanilang mga sarili. Tinalakay ni Fanny Garcia sa kanyang “Mula sa Editor” ang “iba-ibang tawag sa mga isinilang, lumaki, tumira, o nakitira – lalo pa nga ba sa matagal na panahon – sa Malabon.”
Ano-ano ang mga tawag na ito?
- Taga-Malabon. Ito ang nakagisnan kong tawag naming mga isinilang at lumaki sa Malabon. Ayon kay Garcia, ang editor at isa sa mga kontribyutor ng mga sanaysay sa aklat, “Walang kapantay sa sarap at lambing na tawag at pagtukoy dahil Tagalog ang katutubong wika ng/sa Malabon.”
- Nakatala ito sa online site ng lokal na pamahalaang Malabon bilang pagtukoy sa mga mamamayan ng Malabon. Malinaw na mula sa Ingles.
- Malabueñ Ginamit sa malabon.metronewscentral.net na mula nirin sa pamahalaang lokal ng Malabon. Makikita rin ang terminong ito sa mga tarp ng pagbati ni Mayora Jeanie Sandoval sa mga taga-Malabon na nagtapos sa mga unibersidad. Mayroon ding mga gumamit ng Malaboño/-a. May kasarian, nagtatapos sa O kapag lalaki, sa A kapag babae. Di ba ganito sa wikang Kastila?
- Ito naman ang “malikhaing pagtumbas sa taga-Malabon” ng batikang cartoonist na si Nonoy Marcelo, na “nagpasikat sa cartoon strip characters niya na sina Ikabod Bubwit, Tisoy, Aling Otik, Maribubut, atbp.” Taga-Malabon si Nonoy, sa Marcelo St., na hindi ko sigurado kung Bgy Concepcion pa o Boy Baritan na ang nakasasakop. Ayon kay Garcia, natuwa siya sa “Malabeni” na pinaghalong Malabon at Venice, “na parehong matubig” at ang Venice ay may gondola o magandang bangka na pwedeng gayahin ng Malabon lalo na sa mga parteng laging lubog sa baha. Pwede itong maging tourist attraction sa Malabon lalo na kapag mataas ang tubig o high tide at kapag may ulan/bagyo.
Sayang at hindi na inabot at hindi na nakilala ng mga kabataan ngayon ang cartoon strips at ang makulay na mga karakter ni Marcelo.
Hindi ko kayang ipaliwanag kung saang lupalop nanggaling ang Malabueños. Madaling makilala ang Malabonian at Malaboño/-a. Pero ang Malabueños?
Taga-Malabon ang lumang tawag. Malabonian, Malabono/-a, Malabueños. Ano ba talaga?
Nauuso sa ngayon ang iba-ibang paraan ng pagtawag sa mga mamamayan ng isang lugar. Ang mga taga-Quezon City ay QCitizens, ang mga taga-Maynila ay Manilenya/-o, ang mga taga-Pasig, Pasigueño/-a; ang mga taga-Tarlac, Tarlaqueño/-a. Ang mga taga-Batangas, Batangueño/-a; ang mga taga-Bikol, Bikolana/-o; ang mga taga-Nueva Ecija,
Novo Ecijano; at marami pang iba. Karamihan ng mga tawag na ito ay hiram ang anyo sa wikang Kastila/Espanyol, sa Ingles naman nagmula ang ilan.
Simple lang at madaling intindihin ang “Taga-+ngalan ng lugar.” Kaya kung ako ang tatanungin, mas gusto ko ang dati nang nakagawiang tawag namin sa aming mga sarili kapag tinatanong kung tagasaan kami – Taga-Malabon. Pero ito ay tawag lamang sa sarili. Iba naman ang tawag ng mga tagalabas sa mga tagaloob. Ano’t ano man, di ba ang tawag ng tagaloob sa mga sarili nila ang dapat ding itawag ng mga tagalabas?
Pero hindi iyan ang nangyayari. Panahon na lamang ang makapagsasabi kung magiging popular ang alin man sa mga bagong tawag sa aking mga kababayan sa Malabon.
Kayo, ano ang tawag ninyo sa inyong mga sarili?

