29 C
Manila
Huwebes, Hunyo 18, 2026

Tampok ang ‘Kuwento ng Bayan Ko’ sa Gawad Teodora Alonso

- Advertisement -
- Advertisement -

(Huli sa serye)

MAY tagline na ‘Kuwento ng Bayan Ko’ ang pambansang paligsahan ng mga guro sa paglikha ng mga children’s storybooks. Pang-ilang taon na ngayon na makikitang nakadikit sa ilalim ng GTA ang talatang ito. Ayon kay Jejomar Alda, opisyal ng Bureau of Learning Resources ng DepEd, ang nais nilang maitampok sa Gawad Teodora Alonso (GTA) ay ang mga lokal na kuwento na hango sa lugar na pinanggalingan ng mga guro. “Napakaraming rehiyon ng ating bansa. At maraming magagandang kuwento ang puwedeng salukin mula sa iba’t ibang lalawigan,” masayang kuwento ni Alda. “Mas nagiging makulay ang ani ng mga kuwento dahil sa uniqueness ng bawat rehiyon,” dagdag pa ni Besy Agamata, ang Hepe ng Bureau of Learning Resources.

Kasama nina Eros Atalia at Luis Gatmaitan (pang-apat at panglima mula sa kaliwa) ang mga opisyal ng DepEd na dumako sa Tagbilaran City sa Bohol para sa Gawad Teodora Alonso.

Maraming development na nangyari sa edisyong ito ng Gawad Teodora Alonso. Nagkaroon ng kategorya para sa ‘Thematic Storybooks’ na may pokus sa Inclusion/Inclusivity, Disaster Risk Reduction, Gender and Development, at Local Tangibles. May idinagdag pang kategorya: ang paglikha ng ‘Chapter Books for Young Adults.’  Ang chapter books ay binuksan para sa Grades 7 at 8; Grades 9 at 10; at para sa Pinoy Teens. Hindi biro ang paglikha ng chapter books pero nakita ng DepEd-BLR na mahalagang mahikayat na gumawa rin ng chapter books ang mga guro. Ang mga chapter books kasi ang sasalo sa mga bata matapos na sila’y magbasa ng mga picture books at picture storybooks. Ito’y upang ihanda na rin sila sa pagbasa ng mas mahahabang anyo ng panitikan gaya ng kuwento, sanaysay, at nobela.

Kasama ni Dr. Gatmaitan sina Besy Agamata, chief ng DepEd Bureau of Learning Resources, at Segundo Matias Jr ng Lampara Books (hurado sa GTA)

Isa pang idinagdag ay ang kategorya para sa ‘Comic Books for Young Adults.’  Ang dyanra (genre) ng komiks o graphic literature, na dating ini-etsa-puwera pagdating sa usapin ng panitikan, ay isa ng lehitimong genre ng panitikan. Maraming publishing houses ngayon ang naglalathala na ng mga materyal na pang-komiks. At malaki na ang market nito, dito man sa Pilipinas o sa ibang bansa. Nakita ko sa mga international book fairs na nadaluhan ko (sa Germany, Italy, Singapore, at UAE) ang pagtatampok sa komiks/graphic literature. Sadyang kapuri-puri ang pagtatangka ng mga guro na lumikha ng chapter books at comic books para sa GTA. Nagkaroon din muna ng pagsasanay at seminar sa paglikha ng chapter books at comic books upang maihanda ang mga gurong nagbabalak sumali rito.

Nakaeksibit ang ilan sa mga pinarangalang aklat pambata sa Bohol Tropics Resort. Kasama ni Dr. Gatmaitan ang hurado mula sa Iloilo City na si Dulce Deriada, pangulo ng writer’s group na Hubon Manunulat.

Tunay na marami ang tumatangkilik sa komiks kaya minarapat nang buksan ng DepEd-BLR ang kategoryang ito sa GTA. Malaking tulong nga naman na nakaguhit ang nilalaman ng kuwento sapagkat napapasimple nito ang pag-unawa ng mga mambabasa sa teksto. Ang henerasyong ito ay mas nakakiling sa pagbasa ng teksto na maraming visuals. Bukod dito, alam nating may literacy crises ngayon sa ating bansa: hirap magbasa ang mga bata’t kabataan, o kung nakababasa man ay wala namang pang-unawa sa binasang teksto (reading without comprehension). Dito sa Gawad Teodora Alonso, hinati ang kategoryang ‘comic books for young adults’ sa dalawang uri – ang ‘Comic Books for DepEd Reading Canon’ (kasama ang mga reading canon na Noli me Tangere, El Filibusterismo, Florante at Laura, at Ibong Adarna) at ang ‘Comic Books for High School.’  Nakabibilib ang mga nakita kong lahok. Maski hindi ako hurado sa kategoryang ito ay talagang nakibasa ako!


Ang mga bata’t kabataan, kasama ang kanilang ‘coaches, na nagwagi sa kategoryang ‘Stories for Young Readers by Young Writers’

Binuksan din ang GTA para sa mga bata’t kabataang manunulat: ang “Stories for Young Readers by Young Writers.” Kinilala ang 15 learners at writing coaches na napasama ang lahok sa taong ito. Oo nga naman, maganda ring makarinig ng kuwento mula mismo sa mga bata. Madalas kasi, ang mga adults na gaya natin ang nagsusulat ng kuwento para sa mga bata. Pero ano nga kaya kung ang mismong bata ang lilikha ng kuwento para sa kanyang kapwa-bata? Nakatutuwang makita ang mga batang sumali sa kategoryang ito. Sila ang pinakabatang mga kalahok sa GTA.

Gawad Teodora Alonso Honor Roll. Kabilang dito sina John Ronnel Papa (Region 4A), Mariel Balacuit (Caraga region), at Jaylord Losabia (Region 6).

May kategorya rin na ‘Untold Kuwento ng Bayan Ko.’ Para ito sa mga ‘Education Leaders’ ng DepEd, kung saan kinilala ang 11 finalists na pawang may matataas na katungkulan sa DepEd: mga Schools Division Superintendent (SDS), Assistant Schools Division Superintendent (ASDS), at Assistant Regional Directors (ARD). Sa pagkakatanda ko, nagwagi rito ang entry ng isang Assistant Regional Director. Kinilala rin ang limang classroom retired teachers na sumali sa kategoryang ito.

Nagbigay ng inspirational talk si Dr. Gatmaitan, isa sa mga national judges ng GTA, sa idinaos na ALAB Ceremony sa amphitheater sa tabi ng Blood Compact Monument.

Mayroon ding kategorya para sa Video Storytelling contest kung saan nagpadala ng lahok ang napakaraming guro habang sila’y nagsasalaysay. Bukod sa mga napiling winners, nagdaos din ang GTA ng ‘Onsite Storytelling Contest.’ Matiyagang pinanood ng tatlong storyteller-judges (na binubuo nina Rey Bufi, Melanie Abad Rodriguez, at Sally Lopez) ang mga gurong kuwentista na nagsalaysay gamit ang mga nanalong storybooks sa GTA.

Kasama ni Dr. Gatmaitan ang nobelistang si Edgar Calabia Samar ng Ateneo de Manila University, isa sa mga hurado sa Chapter book category.

Todo rin ang ipinakitang suporta ng pamunuan ng DepEd sa Gawad Teodora Alonso. Bagama’t hindi nakadalo si DepEd Secretary Sonny Angara, naroon naman ang kaniyang mga pinuno sa iba’t ibang sangay ng Kagawaran upang katawanin siya: sina Asec Janir Datukan, assistant secretary for Learning Systems, at Asec Carmela Oracion, OIC, undersecretary for Learning Systems, at Besy Agamata, chief ng BLR).  Nandoon din sina Atty Suzette Gannaban-Medina, OIC director ng Bureau of Learning Resources, at Glenn Miranda, director ng BLR.  Tumulong din sa pagbibigay ng award sa mga nanalo sina Atty Ester Futalan, director ng Bureau of Learning Delivery, at Dr. Marilette Almayda, director ng Bureau of Alternative Education.

- Advertisement -
Ang mga kilalang manunulat ng bansa na naging hurado sa katatapos na GTA

Ngayong taong ito, tatlong Palanca Hall of Fame awardees ang naging kabahagi sa national panel of judges na umupo sa iba’t ibang kategorya ng Gawad Teodora Alonso: sina Eros Atalia, Eugene Evasco, at Luis Gatmaitan. May mga national judges din na nanggaling pa sa mga rehiyon gaya nina Dulce Deriada at Noel Galon De Leon ng Iloilo, Danielle Florendo ng Baguio City, Pepot Atienza ng Atimonan, Quezon, at Mary Ann Ordinario ng Cotabato. Narito pa ang ibang hurado na kasali ngayon sa national judging panel: sina Segundo Matias Jr,  Sskait (comic artist and vlogger), Elyrah Salanga-Torralba, Mark Angeles, Beth Parrocha, Hannah Adtoon Lecena, Melanie Ramirez, Sally Lopez, Rey Bufi, Edgar Samar, Erik Pingol, Trist’n Buenaflor, Bernadette Neri, Tin Javier,  Joshene Bersales, Bong Oris, Aria Chelabian, Will Ortiz, Yellowbelle Duaqui, at marami pang iba.

Nasa kamay ng mga huradong ito ang pagpili ng natatanging panitikan para sa mga bata’t kabataan

Ang isa pang karagdagang development sa GTA ngayong taong ito ay ang pagkakaroon ng mga ‘shepherds’ sa bawat rehiyon. Ibig sabihin, maaari nang kumuha ng ‘shepherd’ o ‘mentor’ ang bawat rehiyon. Mga prominenteng awtor (at ilustrador) ng aklat pambata ang kinukuhang ‘shepherd’ ng rehiyon upang gabayan ang kanilang mga teacher-authors at teacher-illustrators. Ang nasabing shepherd ang nakatutok sa mga lahok at sa mga gurong lalahok sa GTA. Pero ang isang nationally recognized author na magiging regional shepherd ay hindi na puwedeng maging bahagi pa ng panel of national judges, for obvious reasons. Maaaring maganda ang intensiyon ng DepEd-BLR sa ideya nang pagkakaroon ng shepherd sa bawat lugar. Pero may mga nagsulputan ding concerns sa konseptong ito ng ‘shepherding.’  May mga nagtatanong sa kung gaano ba ang ‘degree ng engagement’ ng bawat hinirang na ‘shepherd’ o mentor sa isang partikular na rehiyon?

Ang isa pang tanong na papasok sa isip ay kung maaapektuhan ba ang GTA ng bagong plano ng DepEd na bawasan ang maraming aktibidad na kumakain sa oras ng pagtuturo ng mga guro?  Kamakailan ay may panawagan ang liderato ng DepEd na mas maglaan ng maraming oras ang mga guro sa pagtuturo. Sa ganitong sitwasyon, ano kaya ang mangyayari sa isang makabuluhang aktibidad na gaya ng GTA. Alam natin na ang GTA ay isang pambansang paligsahan ng mga guro sa paggawa ng storybooks. Siyempre, maraming guro rin ang nagnanais na makasali sa kumpetisyong ito, at gumugugol din ito ng ekstrang oras.

Muli ang aking mataos na pagbati sa lahat ng ating guro na nagpakita ng pambihirang galing at gilas sa katatapos na Gawad Teodora Alonso.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -