PAGDEDESISYUNAN ng International Criminal Court (ICC) sa loob ng 60 araw kung itutuloy nito sa paglilitis ang tatlong bilang ng crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang apat na araw na pagdinig sa mga alegasyon ng prosekusyon at depensa ng kampo ng akusado.
Sa ikatlong araw ng pagdinig nitong Pebrero 26, 2026, ipinrisinta ng abogadong si Nicholas Kaufman, ang pangunahing abogado ni Duterte, ang mga tugon na nagbibigay katwiran upang salungatin ang mga alegasyon ng prosekusyon na may kinalaman ang dating opisyal sa tatlong bilang ng crime against humanity na inaakusa sa kanya.
Kinapapalooban ang tatlong bilang na ito ng 76 kaso ng mga pagpatay mula pa nang alkalde pa lamang ng Davao City si Duterte hanggang sa manungkulan siyang Presidente.
Hinati ng ICC sa tatlong grupo ang mga kaso ng pagpatay kung saan naganap ang 19 rito noong alkalde pa si Duterte ng Davao City mula 2013 hanggang 2016.
Ikalawa ang 14 na kasong tinaguriang “high-value target killings” na naganap sa unang bahagi ng kanyang pagkapangulo noong 2016 hanggang 2017.
Pangatlo naman ang 43 kaso ng mga tinaguriang “barangay clearance operations” kung saan mga maliliit na suspek sa droga ang namatay noong taong 2016 hanggang 2018.
Depensa ni Duterte
Sa pre-trial hearing na ginanap nitong Pebrero 26 at 27 sa The Hague, The Netherlands, tinutulan ng depensa ang mga paratang ng prosekusyon at binigyang-pansin ni Kaufman ang dalawang alternatibong proposisyon ng prosekusyon.
Una, na ang buong populasyon ang target ng kampanya ni Duterte kontra droga ayon sa pahayag ng prosekusyon na nasa talata 17 hanggang 20. Ngunit sa talata 21, bigla itong naging para na lamang sa mga hinihinalang kriminal na lamang na may kinalaman sa ilegal na droga.
Tinawag ni Kaufman ang teorya ng prosekusyon na mala-hunyango.
Ginawa, umano, ito ng prosekusyon dahil sa pangamba na makaapekto ang mga desisyon ng ICC pre-trial chamber sa isa pang kaso, ang kaso ng isang mataas na opisyal ng Libya na si Khaled Mohamed Ali El Hishri na nasa kustodiya din ng ICC dahil sa war crimes at crimes against humanity, kung saan napagdesisyunan ng ICC pre-trial na di dapat isali sa kaso ang mga detainee na migrants lamang at hindi iba ang ideolohiya.
Dahil sa desisyong ito, sabi Kaufman, kung gayon, isa ring subgroup ang mga suspek na drug user at pusher at ang DDS (Davao Death Squad).
Mayroon din umanong naunang mga desisyon ang ICC na nagsasaad na ang target population hindi dapat pinipili randomly, dahil nangangahulugan ito na hindi ito pag-target sa isang tiyak na grupo.
Sa usapin naman ng kriminal na pananagutan, iginiit ni Kaufman na walang direktang “causal link” para ibintang kay Duterte ang mga pagpatay.
Ayon kay Kaufman, hindi naipakita ng prosekusyon na direktang ipinag-utos ni Duterte ang mga pagpatay.
Aniya, ang mga pahayag ng dating pangulo laban sa droga ay bahagi lamang ng matinding retorika sa politika at hindi direktang utos upang pumatay.
Wala ni isa mang testigo sa 49 na insidente na makapagsasabi na direktang ipinag-utos ni Duterte na pumatay, dagdag pa ni Kaufman.
Sa mga naunang araw ng pagdinig, iginiit ng prosekusyon na may pangunahing papel si Duterte sa mga extrajudicial killing na nagdulot ng libu-libong kamatayan.
Nagpakita rin ang prosekusyon ng mga video kung saan nagbabanta si Duterte na papatayin niya ang mga drug user at ang pagbibiro nito sa kanyang pagkabihasa sa extrajudicial killing.
Ngunit ayon kay Kaufman, pinili lamang ng prosekusyon ang mga gusto nitong bahagi ng mga pahayag ni Duterte na hindi binigyang-pansin ang mga pahayag nito na kinakailangang kumilos pa rin ng naaayon sa batas.
Inulit ni Kaufman ang pahayag ni Duterte: Huwag kang papatay kung wala ka sa panganib na mamatay.
Bukod pa rito,hindi aniya masasabi na malawakan o sistematikong atake laban sa isang partikular na populasyon ang nangyari upang matawag ang mga naganap na crime against humanity.
Ipinakita ni Kaufman ang isang pie chart na nagsasaad na tatlong porsyento lamang ng lahat ng mga dinakip na may kinalaman sa droga mula Hulyo 1, 2016 hanggang Pebrero 28, 2019 ang mga namatay sa panahon ng programa kontra sa ilegal na droga ng administrasyong Duterte.
Aniya, binanggit lamang sa Bilang 1 ang siyam na insidente ng pagpatay sa Davao City na hindi maituturing na malawakan.
Gayundin, wala rin umanong konkretong ebidensya na nakuha mula sa mga imbestigasyon ng mga awtoridad na magpapatunay ng alegasyon ng prosekusyon na may mass graves o mga katawang itinapon sa dagat.
Sa ipinakita ni Kaufman na mga pahayag ni dating Philippine National Police chief Ronaldo Dela Rosa na sinasabi rito na gagamit lamang ng pwersa laban sa mga kriminal kung para ito sa self-defense.
At sa isang command circular 16 na inilabas noong 2016, sinasabi rin umano rito na lahat ng operasyon mahigpit na ipatutupad ng karapatan ng mga inaresto, idinetine o mga iniimbestigahan bilang pagtupad sa RA No. 7438 at iba pang mga patakaran at regulasyon ng PNP bilang pagpapatupad ng karapatang-pantao.
Nagkaroon pa umano ng karagdagang direktiba na nagsasaad ng karagdagang polisiya kung paano ipatutupad ang programang Double Barrel ng administrasyong Duterte.
Kahulugan ng neutralization
Sa pagpapatuloy ng pagdinig, binanatan naman ni Kaufman ang tila “murder” na pagpapakahulugan ng salitang neutralization para sa prosekusyon.
Ayon kay Kaufman para sa depensa ito ay “lawful restraint.” Ipinakita rin ni Kaufman ang kahulungan ng PNP base sa sinabi ni Dela Rosa sa kanyang testimonya sa harap ng Committee on Accountability on Public Offices and Investigations kung saan binasa nya ang page 188 ng Police Operational Manual kung saan sinasabi: “‘Neutralization,’ a police intervention in strict accord with the use of force continuum and/or principle of proportionality on the use of force purposely to contain or stop the unlawful aggression of the offender. This may include an arrest, capture, surrender, or other acts to subdue the suspect.”
Last day ng pre-trial
Noong Pebrero 27, ginanap ang ikaapat at huling araw ng confirmation of charges hearing. Sa araw na ito, nagbigay ng pangwakas na argumento ang prosekusyon, depensa, at mga kinatawan ng mga biktima.
Pinagtibay ng prosekusyon ang kanilang posisyon na may sapat na ebidensya upang ipagpatuloy ang kaso sa isang full trial. Samantala, hiniling naman ng depensa na ibasura ang mga paratang dahil umano sa kakulangan ng matibay na ebidensya na mag-uugnay kay Duterte sa mga krimen.
Pagdinig sa detention review
Kasabay ng huling araw ng pagdinig ay isinagawa rin ang detention review hearing upang suriin kung dapat bang manatili sa detention facility ng ICC si Duterte habang nagpapatuloy ang proseso ng kaso.
Hindi personal na dumalo si Duterte sa pagdinig na ito matapos niyang kusang i-waive ang kanyang karapatang humarap sa korte. Gayunman, kinatawan siya ng kanyang legal team sa buong proseso.
Boses ng mga biktima
Kinatawan ni Atty. Joel Butuyan ang mga biktima sa naganap na pagdinig sa unang araw kung saan naglabas sila ng pagkadismaya sa pagpayag ng pre-trial court na hindi dumalo si Duterte.
Sa kanyang pahayag sa pagdinig, binigyang -diin ni Butuyan ang kahilingan ng mga biktima na ituloy sa full trial ang kaso upang maipakita sa publiko, lalo na sa mga panatiko ni Duterte, ang mga ebidensya nila na maaaring makapagpabalik sa nalalabi pang pagkamakatao sa kanilang puso.
Inilahad ni Butuyan ang mga pagkakataon na nagpapakita ng kawalan ng pagsunod sa batas, matinding pagkatakot ang mga tao dahil sa “lawless anti-drug campaign” ng mga awtoridad na nagsilbing mga “executioner at assasin” sa panahon ng madugong kampanya laban sa droga.
Ipapakita aniya ng mga saksi at mga ebidensya ang mga nangyari sa mga biktima na dinakip habang nasa loob ng bahay na natutulog, kumakain kasama ng pamilya, nakikipaglaro sa mga anak, naglalakad lang, kumakain sa karinderya o nagtitinda sa daanan.
Kung magpapatuloy, aniya, ang kaso sa full trial, maibabalik nito ang nawalang dignidad ng mga namatay at ng kanilang mga pamilya.
Sinabi pa ni Butuyan na “mass murder” ang naganap at kapiraso lamang ng lahat ng mga nabiktima ang lumalabas na mga bilang kung kaya kung matutuloy ito sa full trial, isa itong “historical landmark” para sa kasaysayan ng Pilipinas na magsisilbing aral para sa mga susunod na henerasyon upang hindi ito tularan pa.

