NAWALAN ang ekonomiya ng 760 libong trabaho noong Disyembre 2025 kumpara noong Disyembre 2024 at umakyat ang unemployment rate sa 4.4% kumpara sa 3.1% noong nakaraang taon. Bakit? (Table 1)
Karamihan (o 72.3%) sa mga nawalan ng trabaho ay mga manggagawa sa construction. Umabot sa 550 libo ang nawalan nang nagkaroon ng iskandalo sa ghost at substandard projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) . Nabawasan ang expenditure sa infrastructure projects ng 41.9% noong ikaapat na quarter dahil kailangang repasuhin ng pamahalaan ang lahat ng proyekto para maparusahan ang mga kontraktor na nagnanakaw sa kaban ng bayan. Kasabay nito ang paglagapak ng paglago ng ekonomiya sa 3% noong quarter na iyon.
Sumusunod ang agrikultura na kung saan 440 libo ang nawalan ng hanapbuhay. Umabot sa 260 libo ang mangingisda na hindi nakapalaot at 180 libo ang magsasaka na hindi nakapagtanim ng gulay dahil sa malalakas na ulan. Maganda ang ani ng mga palayan at mga pangunahing pananim sa pangkalahatan ngunit nasalanta ang mga vegetables at other agricultural crops na siyang nagbibigay ng trabaho sa mga magsasaka pagkatapos ng anihan.
Nawalan din ng 260 libo trabaho sa transportation at storage dahil sa pagtaas ng operating costs sa gitna na stagnant na traffic volume. Tumaas ang presyo ng gasolina at taripa ng mga kargada. Malaki din sa kanilang trade volume ay galing sa construction na naapektuhan ng imbestigasyon. Dahil dito ay kailangang magtipid ang mga kumpanya at magbawas ng empleyado.
Nawalan din ng 250 libong trabaho ang manufacturing sector na sumalampak sa 2.5% na paglago, mas mababa kaysa sa 3.7% noong nakaraang taon, dahil sa paghina ng domestic demand. Malaking kawalan ng manufacturing ang paghina ng construction at transportation.
Nabawasan ang labor force ng 130 libo katao dahil sa pagbagsak ng labor force participation rate (LFPR) sa 64.4% mula sa 65.2% noong nakaraang taon. Nangyayari ito kapag humihina ang ekonomiya.
Kahit na nabawasan ang labor force, malaki ang nawalang trabaho sa ekonomiya kaya umakyat ang bilang ng mga walang trabaho sa 2.26 milyon, mula sa 1.63 milyon noong nakaraang taon. Umakyat ang unemployment rate sa 4.4%, ang pinakamataas sa naitala sa buwan ng Disyembre mula noong 2022.
Kasabay sa pagbaba ng bilang ng trabaho sa bansa, bumulusok din pababa ang underemployed persons sa 3.95 milyon mula sa 5.48 milyon at ang underemployment rate ay bumaba sa 8.0% mula sa 10.9%. Ang ibig sabihin ay alam ng mga manggagawa na mahirap maghanap ng trabaho kaya kuntento sila sa tinatanggap nilang sahod at sa trabahong kanilang ginagawa.
Dahil sa paghina ng ekonomiya at ng paglikha ng hanapbuhay at ang patuloy na pagbaba ng inflation rate , siguradong itutuloy ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang pagtapyas sa policy interest rates na umabot na sa 4.5% noong Disyembre 15, 2025, kapareho ng average rate noong Oktubre-Nobyembre 2022. Pababa na rin ang 360-day T-Bill rate na umabot na sa 4.6% noong Pebrero 2026 kumpara sa 5.7% noong nakaraang taon.
Inaasahang babalikwas ang ekonomiya sa mas mataas na antas na paglago sa ikalawang kalahati ng 2026. Makakalikha ang ekonomiya ng mas marami pang trabaho sa hinaharap kapag sisimulan na ang maraming proyektong imprastruktura na nabalam dahil sa paglilinis sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
| Table 1. LABOR AND EMPLOYMENT | |||
| 2024 | 2025 | CHANGE | |
| December | December | 2025vs2024 | |
| Persons Above 15 Years Old (Millions) | 79.54 | 80.25 | 0.71 |
| Labor Participation Rate (%) | 65.15 | 64.41 | -0.74 |
| Labor Force (Millions) | 51.81 | 51.69 | -0.13 |
| Employed Persons (Millions) | 50.19 | 49.43 | -0.76 |
| Employment Rate (%) | 96.86 | 95.63 | -1.23 |
| Unemployed Persons (Millions) | 1.63 | 2.26 | 0.63 |
| Unemployment Rate (%) | 3.14 | 4.37 | 1.23 |
| Underemployed Persons (Millions) | 5.48 | 3.95 | -1.53 |
| Underemployment Rate (%) | 10.92 | 8.00 | -2.92 |
| Source: Philippine Statistics Authority | |||
| TABLE 2. EMPLOYMENT IN SECTORS | 2024 | 2025 | |
| December | December | Change | |
| EMPLOYED PERSONS | 50.19 | 49.43 | -0.76 |
| Number (in millions) | |||
| SECTOR | |||
| Agriculture | 10.67 | 10.23 | -0.44 |
| Agriculture and forestry | 9.45 | 9.27 | -0.18 |
| Fishing and aquaculture | 1.22 | 0.96 | -0.26 |
| Industry | 9.17 | 8.35 | -0.82 |
| Mining and quarrying | 0.29 | 0.21 | -0.08 |
| Manufacturing | 3.40 | 3.15 | -0.25 |
| Electricity, gas, steam, and air conditioning supply | 0.07 | 0.12 | 0.05 |
| Water supply; sewerage, waste management and remediation activities | 0.06 | 0.07 | 0.02 |
| Construction | 5.35 | 4.80 | -0.55 |
| Services | 30.35 | 30.84 | 0.49 |
| Wholesale and retail trade; repair of motor vehicles and motorcycles | 10.19 | 10.13 | -0.07 |
| Transportation and storage | 4.04 | 3.78 | -0.26 |
| Accommodation and food service activities | 2.66 | 2.94 | 0.28 |
| Information and communication | 0.49 | 0.48 | -0.01 |
| Financial and insurance activities | 0.76 | 0.68 | -0.09 |
| Real estate activities | 0.33 | 0.30 | -0.03 |
| Professional, scientific and technical activities | 0.44 | 0.44 | 0.00 |
| Administrative and support service activities | 2.53 | 2.92 | 0.38 |
| Public administration and defense; compulsory social security | 3.13 | 3.22 | 0.08 |
| Education | 1.58 | 1.83 | 0.24 |
| Human health and social work activities | 0.85 | 0.76 | -0.09 |
| Arts, entertainment and recreation | 0.41 | 0.45 | 0.04 |
| Other service activities | 2.93 | 2.93 | -0.00 |
| Source: Philippine Statistics Authority |

