27.7 C
Manila
Biyernes, Hulyo 24, 2026

Umiskor ng napakalaki ang Pilipinas sa Iran war

- Advertisement -
- Advertisement -

TOTOONG ikinagulat ng mundo ang desisyon ng Iran na pahintulutang ligtas na maglayag ang mga barko ng Pilipinas sa Hormuz Strait. Ang makitid nakatubigang ito ang nag-iisang daluyan ng 20% ng langis ng mundo. Isinara ito ng Iran bilang sandata sa tumitinding giyera nito sa tambalang United States-Israel. Imadyinin mo kung gaanong pinsala ang likha ng pagsasarang ito. Nagmistulang kwitis na sumirit ang presyo ng gas sa pangmundong merkado, at mangyari pa, ng lahat ng bilihin na nakaangla sa presyong ito.  

Kalabisan nang isa-isahin kung anu-ano ang mga ito. Lahat ng bilihin at mga serbisyo sa palengke ay alinsunod na tataas ang presyo. 

Buong kabuhayan ng lipunan ay nakaasa sa langis. Sarhan mo ang gripo na dinadaluyan nito, para mo na ring sinakal ang buong sangkatauhan. 

Sa panig ng Iran, natural lamang na gawin ang ganung pananakal. Kung epektibong sandata iyun upang labanan ang Amerika at Israel, bakit ang hindi? 

Ang problema nga lang, Amerika at Israel lamang ang kaaway ng Iran, bakit lahat-lahat na sa mundo ang parurusahan? 

Kaya nga nilinaw ng Iran, ang bawal lang dumaan sa Hormuz Strait ay ang mga barko ng Amerika at Israel at mga kaalyado nila. 

Sa kaso ng Thailand na nangahas na lumabag sa pagbabawal sa Hormuz Strait, agad na pasabog ang ibinalandra ng Iran maaga pa sa pagsisimula ng digmaan. Nasira ang Thai oil tanker, hindi malinaw kung ano ang nangyari sa crew nito, at nagpalutang-lutang lamang sa katubigan ng Hormuz hanggang sa nitong nakaraang linggo ay napabalitang tuluyan nang lumubog sa kalaliman. 

Sa mga kalagayang ito, hindi pagdududahan na naging napakamasinop ng mga hakbang na ginawa ang pamahalaan. Hindi man natanyag, malinaw sa mgapangyayari na epektibo ang mga ginawa ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. upang tugunan ang namimintong pagkaubos ng langis ng Pilipinas.  Hanggang sa katapusan na lamang ng Abril ang itatagal, subalit bago pa man magsimula ang buwan, walang kaabug-abog ay dumating ang oil tanker na may kargang  langis mula Russia.  

Napakalaking kagaanan iyun ng hininga ng mga Pilipino. Paniyak na ang inasahang dagok sa kabuhayan ay maiibsan. 

Pagkatapos, mga isang linggo lamang makaraan iyun, biglang-bigla, sabog naman ang balita na pinahintulutan na ng Iran na dumaan ang mga barko ng Pilipinas sa Hormuz Strait. 

Di ba natin napupuna? Ganyan ang istilo ng pamamahala ng presidente. Walang maraming salita. Walang pagarbo. May problema, hanap agad ng paraan. Pero tahimik lang. Pagbuka uli ng bibig, solusyon na. 

Sa dalawang okasyon ng problema sa langis, kapuna-puna na ang naging solusyon ni Bongbong ay may kulay anti-Amerika. Ang unang hakot ay suplay mula sa Russia. Huwag nang sabihin pa, mortal na kaaway ng America ang Russia. Sumunod na permanenteng hakot, ang langis mula sa Middle East napinahintulutan na nga ng Iran na ibiyahe ng Pilipinas patawid sa Hormuz Strait.  

E, di ba Iran nga ang kabombahan ng Amerika? 

At kung aaligatain na kabawal-bawal nga ng Iran na gamitin ang Hormuz Strait ng Amerika at ng mga kaalyado nito, ang payagan ng Iran ang Pilipinas na maglayag dito ay kulang na lang na iproklama na ang Pilipinas ay hindi kaalyado ng Amerika. 

E, yun nga ang palasak na turing: ang Pilipinas ay tuta ng Amerika.  

Kung di ba naman? 

Nandiyan ang mga  nagpapatuloy na tratadong militar na sa lengwahe ng mga aktibista ay patuloy na nagtatali sa Pilipinas sa pundiyo ng Amerika. 

Ang 1951 Mutual Defense Treaty (MDT), ang 1998 Visiting Forces Agreement (VFA), at ang 2014 Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). 

Sa nangyaring pagpayag ng Iran na maglayag ang Pilipinas sa Hormuz Strait, hindi maaaring hindi itanong man lang: Ano na ngayon ang mangyayari sa mgatratadong ito? 

Hindi maaaring paganun-ganun na lang ang usapan. 

Matatandaan na sa mga panimulang pag-uusap tungkol sa paglayag sa Hormuz Strait, laman ng mga balita na “bukas” ang lahat sa pagitan nina Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro at Iran Ambassador to the Philippines Yousef Esmaeilzadeh. At hindi doon nagtapos ang usapan. Ang pinal na kasunduan ay sa pagitan na ni Lazaro at ng matapang at pinagpipitaganang Foreign Minister ng Iran Abbas Araghchi. 

Sa nagaganap na banggaan ng tambalang US-Israel at Iran, ang salita ni Araghchi ay batas na maituturing. 

At salita ni Araghchi ang nagbigay-pahintulot sa mga barkong nagwawagayway ng bandila ng Pilipinas na maglayag sa Hormuz Strait. 

Ang pahintulot na iyon ay tiyak na dumaan sa masinop na mga paglilinaw sa estratehikong ugnayan ng Pilipinas at Iran –  sumpa ng kalalabasan ng nagaganap na giyera sa Iran. 

Higit kaysa sa kasalukuyang pangangailangan ng Pilipinas sa langis, tiyak na tampok sa naganap na negosasyon ang dakilang adhikain na tumindig na ang Pilipinas bilang taas-noong bahagi ng isang makatarungang komunidad internasyunal. 

Tanging sa ganitong kaayusan lamang nakatitiyak na ang Iran ay hindi na muling magdadanas ng pananalakay na katulad ng inihambalos sa kanya ng Amerika at Israel. 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -