27.7 C
Manila
Biyernes, Hulyo 24, 2026

AmBisyon

- Advertisement -
- Advertisement -

PASKO ng Pagkabuhay kahapon. Pagdiriwang ito ng mga Kristiyano hinggil sa buhay at pagpapasakit ni Kristo para tubusin ang tao sa mga kasalanan. Namatay siya sa krus at muling nabuhay pagkatapos ng ikatlong araw.

Kung ihahambing natin ang Pilipinas, tila nasa comatose ang ating bansa sa mahabang panahon. Hindi pa nabubuhay muli. Hindi pa bumabangon sa banig ng karamdaman. Isa lang naman ang panukat. Hindi pa tayo maunlad. Kung pagbabatayan natin ang datos (McKinsey & Company) nitong Q4 2025, sa Timog-Silangang Asya o sa Asean, sa anim na bansang may malalaking ekonomiya, nangungulelat tayo kasama ang Thailand. Batay sa real GDP growth rate, nangunguna ang Vietnam (8.5%), sunod ang mga bansang Singapore (6.9%), Malaysia (6.3%), Indonesia (5.4%), Philippines (3%), at Thailand (2.5%).

Sa datos na mula sa Visual Capitalist nitong 2025, nangunguna ang Indonesia ($1.4T GDP), Singapore ($565B), Thailand ($546B), at Pilipinas ($498B). Kung matatandaan ninyo, tinawag tayong “the sick man of Asia” ni Lee Kuan Yew, ang founding prime minister ng Singapore.

Si James Fallows, na isang Amerikanong peryodista ng The Atlantic, binansagan ang Pilipinas na may wasak na kultura (damaged culture). Hindi ko nais makipag-argumento sa kanila. Laan ang kritikang iyan sa mga susulatin ko pang papel at aklat. Subalit nais kong pukawin ang atensyon nating lahat kung bakit ganyan ang tingin sa atin ng iba at kung bakit hanggang ngayon hindi pa rin tayo maunlad. Dahil ba hindi tayo nag-aambisyong maging maunlad? Dahil ba sadyang korap ang marami, hindi lamang ilang mga politiko? Dahil ba sa wala na tayong pakialam?

Ang bisyon ng kolektibong mga Filipino ang aking paksa noong nakaraang linggo. Tulad ng nabanggit, pangarap ng mga Filipino’y maiahon sila sa kahirapan, magkaroon ng disenteng pamumuhay, hanapbuhay at bahay, at wakasan ang katiwalian sa pamahalaan. Hango muli sa AmBisyon 2040, ito naman ang tugon ng pamahalaan sa mithiin ng mga Filipino: magiging maunlad na maykayang (middle class) bansa ang Pilipinas sa pagsapit ng 2040. Ibig sabihin, wala nang mahirap na Filipino. Ambisyoso ito kung tutuusin, pero kailangan na nating gawin.

Ang unang dapat gawin ay puksain ang katiwalian. Ito ang ugat ng ating kahirapan. Sa ibang bansa tulad ng South Korea, ipinapakulong ang tiwaling mga pangulo at pinuno. Sa atin, pinapalaya, pinapatawad, at pinapatakbong muli sa eleksyon. Kailangang may managot na malaking isda sa kasalukuyang imbestigasyon sa flood control corruption scandal. O nalilimot na naman natin dahil sa krisis na likha ng giyera sa Gitnang Silangan? Huwag nating iboto ang mga politikong mahilig lamang magbigay ng ayuda o ang pamahalaang nakasalig sa panandaliang ayuda. Kailangang sistematikong aralin at gawin kung paano iaahon sa kahirapan ang mga Filipino.

Sa kasalukuyang datos ng SWS, 51% o lima sa sampung Filipino ang nagsasabing mahirap sila (self-rated). Sa totoo lang, ang sistematikong ginagawa ng mga politiko ay panatilihing mahirap ang mahihirap dahil doon sila kumukuha ng boto. Sistemikong kahirapan din ito dahil nagiging siklo ito sa mahabang henerasyon. Ang mag-asawang mahirap ay mag-aanak ng marami. Ilan sa mga anak ang mag-aaral at hindi na magpapatuloy sa pag-aaral? Ang ilan ay maghahanapbuhay na. Subalit hindi matatag ang trabahong makukuha nila. Makakahanap sila ng mapapangasawa na mahirap din. Mag-aanak muli na hindi makakapag-aral. Paulit-ulit ang siklong ito. Paulit-ulit tayong mahirap.

Hindi ayuda ang kailangan ng mahihirap kundi kinabukasan at pag-asang maiaahon sila sa kumunoy ng kahirapan. Kailangan ng isang matatag at bisyonaryong lider ng bansa na seseryosohin ang edukasyon ng mahihirap na kabataan na pipilitin at gagawan ng paraan para makatapos sila hanggang sa kolehiyo.

Kung ang lider ay hindi makasarili na iuuna lamang ang perpetwasyon ng kanyang posisyon sa gobyerno, pagninilayan niya na ang resources ay kailangang ituon sa human development (edukasyon, kalusugan, at ekonomiya) ng bansa.

Alam naman nila ito, subalit kinakain sila ng katiwalian. Nilalamon sila ng ambisyong kumita at mangamkam sa pag-upo sa pamahalaan. Kapag tapos na ang termino, ang mga anak at asawa ang papalit sa kanyang puwesto. Sistematiko at sistemiko ang politikal na dinastiya at gayundin ang pagpapanatiling mahirap ang mahihirap. Sa mahabang panahon, iyan ang parasitikong ugnayan ng mga angkang politiko at botanteng mahihirap. Kailangang wakasan ang ganyang pananaw, praksis, at sistema.

Kabilang sa tunguhin ng AmBisyon 2040 ang patatagin ang ekonomiya. Sa ginawang Philippine Development Plan (2023-2028) ng kasalukuyang gobyerno, nakatuon ang bansa sa sektor ng produksyon upang makalikha ng mga kompetitibong produkto at disenteng mga hanapbuhay para sa mga tao. Tama ang direksyong ito.

Sa kasalukuyan, panserbisyo at konsumeristang lipunan ang Pilipinas. Ibig sabihin, nakaasa ang ekonomiya natin sa mga OFW, sa Business Process Outsourcing (BPO) o mga call center agents, at sa kahiligan nating kumonsumo (travel, gadgets, online products, luxury, atbp.).

Ang bansa natin ay hindi kilala bilang production economy. Tayo ang bagsakan ng mga produkto ng mayayaman at mauunlad na bansa bilang mga konsumer.

Kailangang mabago ito. Sistematiko at sistemiko rin ito sa pagitan ng mauunlad at di-mauunlad na bansa. Hangga’t maaari, pinapanatili ito ng mayayamang bansa, ng mga kapitalistang bansa. Sa hinaharap, dapat may mga produkto tayong gawang Filipino na bunga ng ating inobasyon, teknolohiya, sining at kultura na ibebenta sa global na merkado. Kailangan ito kung gusto nating umunlad. Kung mayroon na, kailangan itong paramihin.

Laging sayang ang mga oportunidad. Halimbawa, sayang na sa isang unibersidad sa Pilipinas, nakadebelop sila ng solar car. Nasaan na ang research and development dito? Nasaan na ang suporta ng pamahalaan? Alternatibong mapagkukunan ng kuryente ang solar energy. Subalit bakit nakadepende tayo lagi sa tradisyonal na energy generation galing sa krudo at coal? Ano ang nangyari sa National Steel Corporation? Bakit ibinenta ang Petron? Bakit hinayaan natin ang pribatisasyon at deregulasyon? At marami pang bakit list?

Nais nating umunlad. Hindi ito para sa atin sa ngayon. Para ito sa susunod na henerasyon. Kung may malasakit tayo sa isa’t isa at sa kabataan ng susunod na henerasyon, mag-ambisyon tayo nang malaki para sa ating bansa. Kailangang may pakialam din ang mga kabataan ngayon. Kahapon, Pasko ng Pagkabuhay. Ngayon, tanawin natin ang bukas.

Kailangang bumangon na ang Pilipinas sa matagal nitong pagkaka-comatose. Sa pagsapit ng 2040, dalawang pangulo na tig-anim na taon ang termino ang iboboto natin simula 2028. Mag-iisip-isip tayo, Pilipinas. Bumoto tayo ng matinong pangulo ng bansa. Oo, hindi natin kailangan ng propeta. Kailangan natin ang mga lider na may bisyon. Kailangan ng bawat isa na mag-ambisyon. Harinawa’y di pa sumasapit ang 2040, maunlad na ang Pilipinas sa nalalapit na panahon.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -