(Huli sa serye)
ANG Semana Santa o Kuwaresma sa Pilipinas ay malalim na nakaugat sa tradisyong Katoliko na may kaakibat na ‘folk superstitions’ o mga pamahiin. Kahit pa nga ang panawagan ng Simbahan ay maglaan lamang ng panahon sa taimtim na pananalangin at pagbubulay-bulay, mas marami pa ring kababayan natin ang sumusunod sa mga mito at pamahiing naipasa na sa atin ng ating mga ninuno gaya ng pag-aayuno (fasting), pagpepenitensya, at pagpapapako sa Krus.
Bawal rehiyon o lalawigan sa bansa ay maaaring may pambihirang paraan ng pagdaraos ng Kuwaresma. Ang ilang lalawigan sa Gitnang Luzon, partikular ang Pampanga at Bataan, ay kilala sa mga debotong Katolikong nagpepenitensiya at nagpapapako sa krus bilang paraan ng paghingi ng tawad sa kani-kanilang mga kasalanan. Kahit bawalin pa ito ng Simbahan, o kahit ano pa ang panawagan ng nakatataas na liderato sa Simbahang katoliko, hindi nito kayang pigilan ang nakagawiang praktis ng ilan nating kababayan. Para sa kanila, kailangang maranasan nila kahit kaunti ang pasakit na sinuong ni Hesukristo upang maramdaman nilang pinatawad sila. Waring hindi sasapat ang taimtim na panalangin ng pagsisisi. Kailangang literal nilang pasanin ang mabigat na kahoy na anyong krus, at kailangang masugatan sila sa pagpepenitensiya at pagpapapako.
Sa mga panahong dumarating ang Semana Santa, nagbabalik sa alaala ang panahon ng aking pagkabata sa lugar na nilakhan ko, ang bayan ng Talavera sa Nueva Ecija. Doon ko kasi nakaugaliang gugulin ang ‘Mahal na Araw.’ Sa unang araw pa lang ng Semana Santa – Lunes Santo – naririnig ko na ang mga umaawit ng Pasyon sa simbahan. Nagkataon naman na ang aming bahay ay nakatayo mismo sa likod ng Simbahang Katoliko. Hustong dumating ang Lunes Santo ay maririnig na ang Pabasa. Mababasag ang katahimikan ng paligid dahil sa pagbasa ng Pasyon. May mikroponong nakatapat sa bibig ng mga bumabasa kaya talaga namang maririnig ito sa buong plasa at mga katabing kabahayan.
Nakaangkla sa mga alaala ko ng tag-araw at bakasyon ang alingawngaw ng mga taong bumabasa ng Pasyon. Sa una’y parang naiingayan ako habang ginaganap ang Pabasa. Pero kalaunan ay nasasanay na rin ako at waring di ko na ito pansin. Mas madalas din ay mga babae ang nakikita kong bumabasa ng pasyon. Paminsan-minsan ay may nasasalit na lalaki, na may iba ring paraan o rendition sa pagbasa. Inaangking panata ng isang tao ang nakaugaliang pagbasa nito. O maaari ring ito’y kanilang ginagawa bilang pasasalamat. Bawat isang bumabasa ng Pasyon ay may dahilang siya lang ang nakaaalam.
May iba’t ibang tempo o beat din ang pagbasa nito, depende sa babasa (at sa napagkasunduan sa Simbahang Katoliko). May tempong mabagal (kung kaya’t para kang ipinaghehele); may tempo ring mabilis (na sa tingin ko’y mas nakagigising sa diwa ng mga nakikinig). Sa pagnanais din na magkaroon ng pagbabago sa pagbasa ng pasyon, ang pabasa ay ginawa sa modern ballad, pop music, at contemporary hymns (mga popular na kanta). Ang kinalakhan kong chant na nagwawakas sa mahabang ‘nahahahay-nahahahay-nahahahay’ ay nasisingitan ng modernong tunog!
May isang panahon pa ngang ginawa sa tunog-rap ang Pabasa at tinawag itong ‘Rap-Pabasa.’ Siguro ito’y upang abutin ang mga kabataan na mas may kiling sa modernong tunog gaya ng ‘rap.’ Kalaunan ay ipinagbawal ito sa isang lungsod sa Kamaynilaan sa dahilang parang nawawala raw ang pagiging ‘solemn’ ng praktis na ito. Bagama’t sigurado akong walang masamang intensiyon ang mga nagpanukala ng ‘Rap-Pabasa,’ naniniwala rin akong kailangang mas solemn ang pagbasa ng pasyon.
‘A capella’ ang nakasanayan nating pagbasa ng Pasyon. Ibig sabihin, walang saliw ng instrumental accompaniment. Pero sakaling may nagnanais na lakipan ito ng kaagapay na musical instrument, karaniwang gitara at electronic keyboard ang ginagamit. Wala pa akong nakitang indigenous instrument na umagapay sa Pabasa.
Kapag nagtutungo kami noon sa simbahan upang makinig ng Pasyon, parang nararamdaman naming magkakapatid na gusto rin naming subukang magbasa nito. Pero parang hindi pa confident ang boses naming mga paslit noon para pakialaman ang pagbabasa ng isang maselang teksto. Kaya hayun, miron lamang kami sa mga bihasa na sa Pabasa. Minsan, naiisip ko, may coach kayang nagsanay sa kanila sa pagbasa nito? O sila’y matamang nagmasid lamang sa mga naunang bumabasa ng Pasyon at kalauna’y nailapat nila ito sa kanilang paraan ng pagbasa?
Isang bagay pa rin tungkol sa paksa at nilalaman ng Pasyon. Sa tingin ko, hindi ito maituturing na pambata o child-friendly. Bakit? Binabanggit kasi rito ang mga karahasang ginawa sa ating Panginoon. Ipinakita rin dito kung paano Siya’y ipinagkanulo maski ng Kaniyang disipulo o malalapit na kaibigan. Madugo, marahas, at karumal-dumal ang ginawa ng mga Romanong kawal kay Hesus.
Paano mauunawaan ng bata ang karahasan at injustice na ginawa sa isang ‘taong’ mabait? Ni ayaw nga nating matutuhan ng ating mga anak na manakit ng iba. Pero dito sa Pasyon, ipinako pa si Hesukrito, nilagyan ng tinik sa ulo, dinuraan, at labis na pinagmalupitan! Kailangang ipaliwanag nang maigi ng mga magulang sa mga anak ang konteksto ng mga pangyayaring itinatampok sa Pasyon. Kahit pa nga nakagisnan na ng bata ang imahen ni Kristo na nakapako sa krus, dapat pa ring talakayin ito ng mga magulang at nang maipaunawa.
Sa panahon ngayon, mas visual na ang mga bata. Naiisip ko tuloy kung appealing pa ba ang nakaugaliang ‘Pabasa’ sa bagong henerasyon. Siyempre, nang sulatin ni Gaspar Aquino de Belen ang ‘Pasiong Mahal’ noong 1704, wala pa ang teknolohiyang ginagamit natin. Mas nanaisin yata ng nakararami ngayon na panoorin na lamang ang pelikula patungkol sa ‘Passion of the Christ’ (na kakayaning tapusin sa loob ng dalawang oras) kaysa pakinggan ang binabasang Pasyon na aabutin ng 3 hanggang 5 araw. Noong bata pa ako, mula Lunes Santo hanggang Biyernes Santo ay inaawit ang Pasyon. Pero ngayon, limitado na lamang yata ito sa tatlong araw: Lunes Santo hanggang Miyerkules Santo.
Bagama’t may appeal pa rin ang padron (na may sukat ang mga linya at talata) ng isang epic poetry gaya ng ‘Pasiong Mahal’, may mga salitang Tagalog din na binabanggit dito na hindi na madaling maintindihan ng mga kabataan (at kahit pa tayong nakatatanda). Maaaring kailangang muling bisitahin ng mga iskolar ang Pasyon upang tingnan ang ilang salita rito at nang mas maging ‘relatable’ ito sa Gen Z at Gen Alpha (pati na ang parating na Gen Beta). Ngunit ito ay dapat gawin nang buong-ingat.
Ang Semana Santa ay hindi na lamang para sa mga Katoliko. Kahit ang mga evangelical churches at iba pang Simbahang Protestante ay may mga praktis na nakaugnay sa pagdiriwang ng Semana Santa. Ang paggunita sa Pitong Huling Wika ng ating panginoong Hesukristo ay ginagawa rin tuwing Biyernes Santo ng mga simbahang ebangheliko gaya ng IEMELIF (Iglesia Evangelica Metodista en Las Islas Filipinas), ng Christ Commission Fellowship (CCF), at iba pang Christian o Full-gospel churches. Ang pagdaraos ng Santa Cena tuwing Huwebes Santo ay ginaganap din upang alalahanin ang ‘huling hapunan’ ni Hesukristo kapiling ang kanyang mga dispulo.
Ang mga ganitong praktis at tradisyon ay hindi dapat magtali sa atin kundi lalo pang magpalalim ng ating pananampalataya. Ang pokus ay hindi dapat nakatuon sa tradisyon kundi sa pinag-uukulan ng nasabing tradisyon. Sino ba si Hesus? Bakit Siya namatay sa Krus? Bakit Siya muling nabuhay? Bakit dapat tayong sumampalataya sa kanya upang magkaroon ng kaligtasan? Ano ang kahalagahan ng taon-taon nating paggunita sa Kanyang pag-aalay ng buhay para sa sangkatauhan? Ang mga bagay na ito’y atin sanang pagbulay-bulayan habang naglalakbay kasama ang Kristong muling nabuhay.
Nawa’y mas lumalim ang ‘personal nating relasyon sa Panginoon’ sa mga araw at linggong darating sa ating buhay matapos ang Semana Santa. Maligayang Pasko ng Muling Pagkabuhay!



