MATAPOS magdeklara ang pamahalaan ng national energy emergency bunsod ng sigalot sa Middle East, inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nagtalaga sila ng ₱1.2 bilyong pondo para sa mga programa nito gaya ng Tupad bilang tulong pangkabuhayan para sa vulnerable workers, kabilang na ang mga mula sa transport sector na nawalan ng kita.
Kaya bilang pagtitiyak na mapupunta sa nararapat na benepisyaryo ang ayuda sa tamang oras at sistematikong paraan, agad nakipag-ugnayan si Sen. Raffy Tulfo, bilang chairperson ng Committee on Labor & Employment at Committee on Public Services, kay DOLE OIC Benedicto Ernesto Bitonio Jr.
Nilinaw ni Sen. Raffy kay Bitonio ang guidelines at qualifications na gagamitin ng DOLE upang masiguro na magiging sistematiko, walang magaganap na palakasan system na talamak sa pamamahagi ng Tupad at hindi ito magsisilbing gatasan lamang ng mga opisyal sa barangay level.
Ayon kay Sen. Raffy, marami na kasi siyang natanggap na reklamo mula sa iba’t-ibang barangay na kukuha ng porsyento ang kapitan sa makukuhang ayuda ng mga benepisyaryo at hindi na sila pagtatrabahuhin — na isa dapat sa requirement sa pamamahagi ng Tupad na kukunin mula sa ₱1.2 billion.
Bukod pa rito, sangkaterbang sumbong din ang nakarating kay Idol na nagpapakuha lamang ng litrato habang kunwaring nagwawalis ang ilan sa mga benepisyaryo, at saka uuwi na. Kaya inirekomenda ni Sen. Raffy na magpatupad ang DOLE ng mas malalalim at makabuluhang mga aktibidad para sa komunidad na gagawin ng Tupad beneficiaries.
Ayon kay Bitonio, mahigpit na nakikipag-ugnayan ang DOLE sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa pagpapatupad ng Tupad Tuloy Pasada na isang espesyal na programang tulong na naglalayong madagdagan ang kita ng mga transport worker habang tinitiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng pampublikong transportasyon.
Kinumpirma naman ni Idol Raffy kay Bitonio kung awtomatiko bang mapapasama sa programa ang humigit kumulang 1.4 milyong drivers/operators na nasa masterlist ng LTFRB. At ayon kay Bitonio, nasa 50,454 PUV drivers pa lamang ang target beneficiaries na nakalista sa kanilang Tupad Tuloy Pasada program na kasalukuyan na ring nililinis at vina-validate ng kanilang DOLE-NCR Technical Coordinators.
Dagdag pa niya, bukas naman daw sila sa lahat ng PUV drivers na mag-aapply para maipasama sa programa, basta hindi sila parte ng 4Ps program ng DSWD.
Dahil dito ay iminungkahi ni Sen. Raffy na dapat maging proactive ang DOLE at kusa na nilang i-cover ang lahat ng mga tsuper na nasa masterlist ng LTFRB nationwide at isama na ang lahat ng ito sa kasalukuyang cleansing and validation na ginagawa ng kanilang technical coordinators para hindi na maging kalbaryo pa sa mga kawawang driver ang madugong application process sa regional offices, bagay na sinang-ayunan ni Bitonio at sinabing may nakatakdang orientation nang magaganap para sa mga tsuper ngayon, Abril 10.
“Dapat siguruhin ng DOLE at LTFRB na maaayos nila ang guidelines para maiwasan ang pagkalito at aberya, kagaya ng nga naunang insidente sa distribusyon ng subsidiya,” ani Tulfo, na sinang-ayunan naman ni Bitonio.
Sa kabilang banda, kinumpirma ni Bitonio na nasa 5,246 na mga magsasaka at mangingisda na ang nabigyan nila ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) na nagkakahalaga ng ₱120M habang nasa 37,875 farmers and fisherfolks na rin ang nabigyan ng Tupad sa halagang ₱534M.
Para naman sa naitalang 1,530 repatriated OFWs ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Filipino Workers ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), may mga kasulukuyan at patuloy nang isinasagawang job fairs at job matching nationwide ang DOLE katuwang ang DMW, at maari ring ma-avail nila at ng kani-kanilang pamilya. Dagdag pa rito, sinabi ni Bitonio na maaari ding makapag-avail ng Tupad programs ang repatriated OFWs.
Nangako si Sen. Tulfo bilang chairman ng Committee on Labor na magpapatawag agad siya ng hearing sa susunod na linggo upang mas malalim at mas komprehensibong matalakay sa lalong madaling panahon ang isyu ng kawalan ng trabaho ng mga vulnerable workers mula sa iba’t-ibang labor sector.



