28.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang pamamahagi ng bigas sa Maynila

- Advertisement -
- Advertisement -

NILALAYON ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tuluyang mawawakasan ang kagutuman sa bansa, kasabay ng kanyang pangunguna sa pamamahagi ng bigas sa pakikipagtulungan sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila.

Sa kanyang talumpati sa programang Biyayang Bigas para sa Maynila na ginanap sa SM City Manila nitong Huwebes, sinabi ng Pangulo na bahagi ang naturang programa ng kanyang layuning matiyak na walang magugutom na Pilipino bago matapos ang kanyang termino.

“Sabi ko, sana pagbaba ko bilang Pangulo ay masasabi kong wala nang gutom na Pilipino. Kaya po aming ginagawa, patuloy na ginagawa ito,” ani Pangulong Marcos.

“Kaya ito po ang simula. Kagaya ng sabi ko, nauna ang Maynila. Ngunit patuloy po ito at saka buong bansa ay mabibigyan natin,” dagdag pa niya.

Ayon sa Pangulo, kasabay ng pagpapatupad ng programa ang patuloy na sigalot sa Gitnang Silangan na may malaking epekto sa presyo ng langis at pagkain, na higit na nararamdaman ng mga pinakamahihihinang sektor ng lipunan.

Bagama’t hindi kontrolado ng pamahalaan ang presyo ng langis, sinabi ng Pangulo na maaari itong magpatupad ng mga hakbang upang mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng pagkain.

“Alam naman natin ‘pag tumaas ang presyo ng langis, sabay-sabay, lalong-lalo na ang pagkain,” ayon sa Pangulo.

“Kaya ‘yun ang binabantayan namin nang mabuti na kahit papaano na ‘yung hindi gaanong kabigat ang magiging epekto sa taong-bayan. ‘Yun ang aming binabantayan.”

Isinasagawa ang Biyayang Bigas para sa Maynila sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang mapabilis ang pamamahagi ng tulong sa pamamagitan ng pag-iwas sa masalimuot na proseso sa national level.

Ang programa ay isang inisyatiba ng administrasyon ni Pangulong Marcos na nagbibigay ng subsidiya sa bigas para sa mga manggagawa sa Lungsod ng Maynila.

Layunin nitong maghatid ng agarang tulong na pagkain sa mga pamilya sa lungsod sa gitna ng patuloy na hamon sa ekonomiya dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan, habang sinusuportahan din ang mga lokal na magsasaka.

Ang “Biyayang Bigas para sa Maynila” ay pinondohan ng halagang P286,000,000 na inilabas ng Office of the President para sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa ilalim ng programang Financial Assistance to Local Government Units (FALGU).

Sa ilalim ng programa, 80,000 benepisyaryo sa Lungsod ng Maynila ang makatatanggap ng tig-10 kilo ng bigas, anim na beses sa loob ng isang taon.

Iniulat din ng Pangulo na sa kasalukuyan ay halos P15 bilyon na ang naipamahagi ng pambansang pamahalaan para sa naturang programa. | PND

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -