HABANG patuloy na sumisirit ang presyo ng gasolina at mga pangunahing bilihin, iginiit ni Senadora Imee R. Marcos na panahon nang kumilos ang Department of Agriculture (DA) at gamitin ang kapangyarihan nito sa ilalim ng batas upang maibsan ang pasanin ng mga mamimili.
“Kahit itinakda ng DA ang ₱50 kada kilo ng bigas, hindi pa rin ito nasusunod sa merkado.Sa ngayon wala nang mabili na regular at well-milled rice sa naturang presyo. Premium rice na lamang ang available at umaabot na sa ₱62 kada kilo,” ayon sa senadora.
“Ganito rin ang sitwasyon sa baboy. Mula sa dating ₱200–₱250 kada kilo, umaabot na ngayon sa ₱350 kada kilo ang presyuhan sa merkado,” dagdag pa niya.
Dahil dito, kinuwestyon ni Senadora Imee Marcos ang pahayag ni Francisco Tiu Laurel Jr. na umano’y walang kapangyarihan ang Department of Agriculture laban sa overpricing at profiteering.
“Sa SRP or MSRP, technically we have no power even to sitahin sila. Kaya yun din ay isang request ko na baka pwedeng may batas tayo na ang DA can do price control. Sa ngayon po ay wala kaming magagawa. Under the law sa analysis namin, wala,” pahayag ni Laurel.
Giit naman ng senadora na malinaw ang umiiral na batas at hindi maaaring maghugas-kamay ang ahensya.
“Di ba niya alam ang Price Act o RA 7581 as amended by RA 10263 na nagbibigay sa kanya ng kapangyarihan na makialam sa presyo ng pangunahing agricultural products, katulad ng awtoridad ng Department of Trade and Industry sa processed goods?” ani ni Marcos.
Ayon kay Marcos, malinaw sa batas na may kapangyarihan ang DA na magsagawa ng imbestigasyon, magpataw ng multa, maglabas ng cease and desist o temporary restraining order, magsuspinde o magkansela ng permit at lisensya, magpa-seize ng produkto, at magsampa ng kaso laban sa mga lumalabag.
Saklaw din umano nito ang pagtatakda ng suggested retail price (SRP) at price ceiling para sa isda, karne, manok, gatas, at iba pang produktong agrikultural, lalo na sa panahon ng biglaang pagtaas ng presyo.
“Pareho kayo ng DTI na may kakayahang magtakda ng patas na presyo. Hindi puwedeng magtuturuan habang ang ating mga kababayan ay nahihirapan at naghihikahos,” ani Marcos.
Ayon pa kay Marcos, habang wala na halos hanapbuhay ang mga magsasaka at mangingisda sa taas-presyo ng krudo, tila tahimik at nag-oobserba pa rin ang DA na dapat na unang pumoprotekta sa sektor.
“Hindi ninyo kailangang hintayin na amyendahan pa namin ang batas. Ang kailangan lang—gamitin ninyo ang kapangyarihan ninyo hindi yung antay ng antay sa wala”, pagtatapos ng senador.



