(Una sa 2-bahagi)
‘Zamboanga hermosa, preciosa perlita, Orgullo de Mindanao.’
Kabisado ko pa ang ilang linya ng awiting ito na naglalarawan sa siyudad ng Zamboanga bilang isang paraiso ng mga bulaklak, pag-ibig, at magagandang dalaga. Ang ‘Zamboanga Hermosa’ ay isa sa mga awiting mula sa Mindanao na itinuro sa amin noong nasa elementarya pa kami. Nasa wikang Chavacano ito, ang wikang mala-Espanyol na siyang opisyal na wika sa dakong ito ng Mindanao.
Mainit ang naging pagtanggap sa amin ng siyudad ng Zamboanga nang dumating kami rito. May mga sumasayaw pa ng Spanish dance sa airport. ‘Bienvenido a Zamboanga!’ gayon ang mga salitang nakabando sa pagpasok pa lang ng airport. Naalala kong bigla ang kaunting Espanyol na natutuhan ko nang ako’y nasa kolehiyo pa. Kami yata ang batch ng mga estudyanteng kabilang sa huling kumuha ng subject na ‘Spanish’ (oo, required pa na may Spanish 1 at Spanish II noon sa kolehiyo). Ang paliparan ng Zamboanga ay isang international airport kung kaya’t madaling mararating ang mga kapitbansa, kabilang na ang Malaysia na kay lapit dito. Napaka-strategic din ng Zamboanga. Bago makarating ng Sulu o Tawi-Tawi mula sa Maynila, kakailanganin kasing mag-layover dito upang lumipat sa isa pang eroplano.
Ngayong nagaganap ang giyera sa Middle East, sa pagitan ng Iran at Israel, muling nagbalik sa alaala ang isang giyera sa Mindanao, sa Zamboanga City, maraming taon na ang nakalilipas. Akalain ko bang maaabutan ako ng giyera doon? Sa buong buhay ko ay hindi ko pa naranasang makapunta sa lugar na may digmaan. Setyembre noon nang magtungo ang ilang opisyales at staff ng aming ahensiya (ang National Council for Children’s Television o NCCT) upang magsagawa ng isang media literacy workshop sa mga piling girl scouts ng Western Mindanao. Ang headquarters ng Girl Scouts of the Philippines (GSP) ay matatagpuan sa mismong siyudad ng Zamboanga. Doon na rin kami nakatuloy sa guest house ng naturang compound ng GSP-Western Mindanao.
Tatlong araw ang itinagal ng aming workshop doon. Maayos ang naging daloy nito. Maraming delegadong dumating mula sa iba’t ibang GSP units sa buong Mindanao. Natipon kaming lahat sa Zamboanga. Naging masaya ang interaksiyon sa pagitan ng NCCT at GSP. Malaya kaming nakalalabas, kung nanaisin. Nagkaroon pa kami ng pagkakataong mapuntahan ang ‘barter’ (isang pamilihan ng mga produktong karaniwan ay galing sa Malaysia gaya ng kape, biskuwit, tsokolate, kendi, noodles, sabon, toothpaste, malong, at marami pang iba). Mas mura ang mga paninda sa ‘barter’ kumpara sa ibang pamilihan sa lungsod kaya talagang dinarayo ito.
Sa pagtatapos ng media literacy workshop noong ikatlong araw, halos lahat ng mga girl scout participants ay nagdesisyon na ring umuwi sa kani-kanilang lalawigan, sakay ng bus o barko. Malapit din ang Zamboanga City sa Pagadian City at sa Basilan. Kami naman ay nakatakdang bumalik ng Maynila sakay ng eroplano sa susunod na araw. Ang isa naming opisyal – si Daisy Atienza – ay nakatakdang mas maagang lumipad nang araw na ‘yun dahil nakatakda siyang dumalo sa budget hearing. Kinuha niya ang first flight na madaling-araw samantalang tatlo pa kaming ang flight ay sa dakong hapon pa o early evening.
Madaling-araw nang makarinig ako ng sunod-sunod na pagkuriring ng aking cellphone. Inaantok pa ako nang sagutin ko ito. Si Daisy ang nasa kabilang linya. Basag ang boses na parang maiiyak.
“Doc, napapaligiran na raw po ng mga MNLF ang buong Zamboanga City. Diyos ko po!” Ang kilusang ‘Moro National Liberation Front’ ang binabanggit ni Daisy. Isa itong kilusang pulitikal at separatist na itinatag ni Nur Misuari noong dekada 70 na naglalayong magkaroon ng independence ang mga Bangsamoro sa Mindanao.
“Paano mo nalaman ‘yan? Di ba’t nasa airport ka na?”
“Opo, nasa airport na po ako. Malapit na nga po ang boarding namin. Sana po’y matuloy! Buksan n’yo po ang TV. Lahat po kami rito ay nanonood ng TV! Lahat po ay kinakabahan dito!”
“Huminahon ka, Daisy,” payo ko sa kanya. “Basta’t mag-iingat ka!”
“Kayo rin po! Baka raw po makansela na ang mga flights matapos itong unang flight!”
Biglang naging masasal ang tibok ng puso ko. Mata-trap kami sa Zamboanga? Mapapasama ba kami sa giyera? Naalala kong bigla ang aking pamilya na tiyak na mag-aalala kapag nalaman na nila ang balita sa napipintong giyera. Maaga pa kasi. Agad kong binuksan ang telebisyon. Sa kanilang local channel ay nagsasalita na ang nakaupong Mayor noon ng Zamboanga na si Mayor Beng Climaco. Ini-interview siya ng media. Pero hindi ko siya gaanong maintindihan sapagkat nagsasalita siya sa wikang Chavacano. Nang binanggit niya ang MNLF, noon lalong luminaw sa akin ang panganib na binabanggit ni Daisy. Isa pa, nagpapakita na noon ang naturang network ng footages ng MNLF army na nakakalat sa siyudad.
Napapaligiran na raw ng MNLF ang buong siyudad! Paano na ngayon? Sa dinami-dami ng araw na pagpipilian upang isagawa ang aming media literacy workshop, nataon pa ito sa araw ng paglusob ng MNLF. Sino ba naman kasi ang nakaaalam na may magaganap na ganito sa Zamboanga? Agad kong tinawagan ang dalawa ko pang kasama mula sa NCCT – sina Patrick Veril at Kay Lapiz, na nakatakda ring lumipad pa-Maynila sa hapong ‘yun. Magkakasabay kaming tatlo sa flight. ‘Buksan n’yo ang TV!’ ganu’n na rin ang nasabi ko sa kanila matapos banggiting nakapalibot na sa Zamboanga City ang mga miyembro ng MNLF.
Hindi nagtagal ang sunod-sunod ang katok na narinig ko sa pinto ng aking kuwarto. Ang namumuno ng GSP sa Western Mindanao – si Tita Alvarez – ay agad na nagbalita nang paglusob ng grupong MNLF sa Zamboanga. Sabi ko’y nauna na kong natawagan ni Daisy tungkol dito. At hinihintay ko na lamang kung ano ang plano ng GSP para sa amin. “Mag-almusal muna tayo,” sabi ni ‘Tita’ Tita (dahil Tita ang pangalan niya at nais ko siyang tawaging ‘Tita’ o ‘Aunt’). Pinayuhan niya kaming magpakahinahon at huwag magpanik. Nagawa pa naming kumain ng lansones at marang bilang panghimagas. Akala mo’y walang magaganap na giyera.
Pagkatapos mag-almusal ay pinagayak na kami ni ‘Tita’ Tita at ililipat daw niya kami ng hotel. Noon niya naikuwento sa akin na noong araw daw ay nagkaroon din ng conflict sa Zamboanga kung saan ay may nangyaring barilan at nadamay ang kanilang GSP Headquarters. Itinuro pa niya sa akin kung saan tumama ang mga bala sa tinitirhan naming GSP guest house. “Safe naman kayo rito sa GSP guest house. Matagal naman nang nangyari ‘yun,” sabi niya nang mahinahon. “Pero ihahatid ko kayo ngayon sa Garden Orchid Hotel. ‘Yun ang advice sa akin.” Ang tinutukoy niyang hotel ay ang hotel na kalapit lamang ng Zamboanga airport. Walking distance lamang ito.
Napakaraming tao sa loob ng hotel pagpasok namin. Puno ang lobby nito. Kay raming taong palakad-lakad, waring di mapakali. Lahat ay may hawak na cellphones, may kinakausap. Agad kaming nag-check in sa naturang hotel. Doon na rin namin nalaman sa kanila na kanselado na ang lahat ng flights (kahit anong airlines pa) papuntang Maynila. Indefinite ang pagkaka-suspend. Ibig sabihin, walang makapagsasabi kung kailan muling mare-resume ang flights. Wala kaming magawa kundi silipin na lamang ang airport na kitang-kita mula sa salaming dingding ng aming hotel. Bakante ang buong Paliparan. Walang anino ng anumang eroplano. “Kailan hihinto ang giyera? Kailan kami makauuwi?”
(May karugtong)



