IPINAGBUNYI ni Senador Win Gatchalian ang pag-apruba sa huli at ikatlong pagbasa ng isang panukalang batas, kung saan magiging saklaw na ng voucher program para sa mga pribadong paaralan ang lahat ng antas ng basic education — mula kindergarten hanggang senior high school.
Sa ilalim ng Basic Education Voucher Program Act (Senate Bill No. 1981) na isinulong ni Gatchalian bilang co-author at co-sponsor, ang mga mag-aaral na naka-enroll sa mga pribadong paaralan ay makakatanggap ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng mga vouchers. Layunin nitong tulungan ang mga mag-aaral na magkaroon ng oportunidad na makatanggap ng edukasyon mula sa mga pribadong paaralan.
Nakasaad sa panukalang batas ang matagal nang isinusulong ni Gatchalian na pagbibigay prayoridad sa mga nangangailangang mag-aaral, kabilang iyong mga galing sa mga low-income households, bilang mga voucher recipients. Matatandaang pinuna ni Gatchalian na P12.3 bilyon ang napunta sa mga non-poor na benepisyaryo ng Senior High School.
Bibigyang prayoridad din bilang voucher recipients are mga mag-aaral ng Kindergarten at Grade 1 sa mga lugar kung saan may matinding siksikan na mga silid-aralan ng pampublikong paaralan. Magiging automatic voucher recipients din ang mga completers ng Alternative Learning System (ALS) at mga disadvantaged students na nakatira sa mga geographically isolated and disadvantaged areas na walang pampublikong paaralan.
“Sa pagpapalawak at pagpapatatag ng voucher program, hindi lang natin natutulungan ang mga pribadong paaralan. Mas lalo nating natutulungan ang mga mag-aaral na nangangailangan,” ani Gatchalian, vice chairman ng Senate Committee on Basic Education.



