BAKIT ba tayo mahirap? Lagi kong tanong iyan sa aking mga estudyante. Nagtataka sila dahil alam kong hindi naman sila mukhang naghihirap. Sila ang mga estudyanteng nag-aaral sa pribadong unibersidad na may matrikula na umaabot sa 60-80 libong piso kada termino. Ano ba ang pangarap ninyo kapag nakatapos ng pag-aaral? Madali nilang masasagot ito. Iba-iba ang kanilang mithiin sa buhay. Sunod na tanong: Ano ang pangarap ninyo para sa inyong bansa? Iyan marahil ang pinakamahirap na tanong na dapat tinatanong sa interbyu pa lamang sa admissions office at muling itatanong sa exit interview kapag magtatapos na sila. Mauunawaan ko na para sa iba, napakahirap na tanong iyan. Subalit kung nasa dulo ka na ng iyong edukasyon at mahirap pa ring tanong iyan, malala ang sistema ng ating edukasyon.
Bakit ba inaalis ng maraming administrador ng edukasyon ang mga kurso sa wika, panitikan, sining, lipunan, at kultura? Ang sagot ay para nakatutok ang mga estudyante sa mga kasanayang gagamitin nila kapag kinuha na sila ng mga kompanya at mga multinasyonal na korporasyon. Handa na silang maging pasahurang empleyado sa loob at labas ng bansa. Iyan kasi ang dikta ng global na kapitalismo. Ang kapitalismo ay hindi na nakahimpil bilang politikal na ekonomiya ng isang maunlad na bansa. Napapasunod na ang mga bansa ng global na kapitalismo sa dikta ng naglalakihang multinasyonal na korporasyon na walang iisang bansa, ngunit nakakalat sa maraming bansa sa bisa ng mga internasyonal na trade & labor agreements.
Dahil uso ang AI at laganap na tinatanggap ito ng mga industriya sa pagnenegosyo at kalakal, mainam daw na may AI digital literacy. Dahil ang wika ng global na merkado ay Ingles, kailangang bihasa ang mag-aaral sa wikang nabanggit. Dahil paspasan at laging nagmamadali ang panahon ngayon, kailangang paikliin din ang panahon ng pag-aaral nila sa tersyaryang edukasyon. Nakikibagay palagi ang sistema ng ating edukasyon sa eksternal na puwersa at impluwensya ng teknolohiya, industriya, at merkado. Subalit, ano ang kabig nito para sa ating bansa? Ano ang bisa ng ganitong edukasyon sa holistikong pagkatuto at pagkatao ng mga estudyante?
Ang edukasyon ay kailangang mapagpalaya. Hindi ito dapat mauwi sa pagkaalipin natin sa mga pananaw, gawi, at sistemang magdidiin sa atin lalo sa kahirapan, kawalan ng pakialam sa kapwa at bansa, at kanya-kanyang pag-asenso ngunit hungkag.
Hindi ako tutol sa pag-unlad ng teknolohiya. Sa katunayan, mahalaga ito para sa kaunlaran ng bansa. Ang kritikal na tanong: Hanggang konsumer lamang ba ang halaga natin sa konteksto ng inobasyon at teknolohiya? Tapunan ba lagi tayo ng mga kotse, gadget, device, at iba pang mga produkto at serbisyo mula sa ibang bansa? Hindi ba natin kayang gumawa ng sarili nating teknolohiyang maipagmamalaki sa mundo? Ito ang hamon sa mga unibersidad at pamahalaan natin. Hanggang ngayon, wala pa akong nalalaman na agresibong pinagtutulungan ng iba’t ibang sektor para makalikha ng mga teknolohiya katulad ng ginawa ng Taiwan para sa microchip industry nila, ng Vietnam sa VinFast electric mobility, ng Indonesia sa prefabricated construction & infrastructure development, at ng South Korea para sa electronics, gadgets, devices, at transportasyon. Samantala, ang Pilipinas ay kilala sa labor export, Business Process Outsourcing, at foreign remittances ng mga OFW. Ang kinakalakal natin ay mga tao, samantalang mga produkto naman ang mga naunang bansang nabanggit ko. Sa edukasyong walang malasakit sa bansa, lalong paiigtingin ang labor export at pag-eempleo sa sariling bansa na mga dayuhan o lokal na kapitalista ang makikinabang sa ekonomiyang nakadepende sa pagkonsumo.
Ang AI ay agresibo dahil bago itong produktong kinakalakal ng mga naglalakihang tech companies tulad ng OpenAI sa konteksto ng global at digital na kapitalismo. Ninais nilang gawing libre ito sa simula para sa kapakanan ng mamamayan ng mundo, subalit tulad ng maraming nauna rito, nasilaw din sila sa kinang ng salapi. Bakit kailangan natin itong yakapin? Dahil pinapatakbo ito at kinakalakal sa global na merkado na kapaki-pakinabang daw sa digital na ekonomiya. Muli, para kanino ang mga ito? Sino ang uunlad at sino ang kokonsumo?
Hindi ako tutol sa wikang Ingles dahil sa simula’t sapul, bilingguwal ang ating edukasyon. Kailangang ang bawat estudyante ay bihasa sa wikang Filipino at Ingles. Subalit kailangang mas matimbang na pinahahalagahan natin ang wikang pambansa at mga wika sa bansa para sa kaunlaran. Hindi pa natin napapatunayan ang tesis ng wika bilang susi sa kaunlaran dahil walang tahasang pambansang polisiya na nag-uutos na gamitin ang wikang Filipino sa ating negosyo at ekonomiya. Marami pa rin ang inaakalang ang Ingles lamang ang susi sa pag-unlad. Si Dr. Tereso Tullao, na isang ekonomista mula sa Pamantasang De La Salle, ang nagsabi na mahalaga ang Ingles sa external na integrasyon ng ating ekonomiya sa global na merkado, subalit ang wikang Filipino ang maghahatid ng internal na integrasyon ng mamamayan at iba’t ibang sektor ng ating ekonomiya para tayo’y umunlad. Hindi na natin kailangang maghanap ng maraming patunay hinggil sa lohika at kaangkupan ng proposisyong ito. Ikumpara na lamang natin ang ekonomiya ng mga bansang Indonesia, South Korea, Vietnam, at Japan sa ating bansa. Di hamak na mas maunlad sila. Kakatwa na pinagtatawanan natin sila kapag mali-mali ang pagbigkas at nahihirapan silang makipag-usap gamit ang wikang Ingles. Subalit, naisip ba natin na baka mas pinagtatawanan nila tayo dahil mahirap tayong bansa?
Samakatuwid, tanungin natin uli—para kanino ba talaga ang ating edukasyon? Sa kaliwa’t kanang batikos sa mungkahing Reframed GE ng Technical Panel for General Education ng CHED, hindi ba natin kayang upuan at pag-usapan ito? Ayusin natin ang General Education curriculum sa bansa na totoong maka-Filipino at makabansa. Hindi ko na dadagdagan pa ang mga argumento at dahilan kung bakit tinututulan namin ang panukalang Reframed GE. Ang kailangan ngayo’y rebisahin ito sa pamamagitan ng inklusibo’t awtentikong konsultasyon ng iba’t ibang sektor at stakeholder sa edukasyon at pambansang kaunlaran.
Hindi maituturo ng AI o ng bagong Reframed GE sa mga estudyante ang pagkamalikhain, pagiging makabayan, makatao, at may malasakit sa kapwa at bansa kung wala ang mga larang ng humanidades at agham panlipunan sa kurikulum. Mas higit na kailangan ito ng mga estudyante sa tindi ng krisis at mga dagok na kinahaharap natin ngayon at sa mga darating pang bukas. Ang edukasyon ay hindi lamang para sa paghahanapbuhay, pagtatayo ng negosyo, paglikha ng mga inobasyon at produkto. Higit sa ano pa man, ang edukasyon ay dapat nakapagpapamulat na siya’y tao at may misyon na lagpas sa kanyang sarili. Kapag nagtagumpay ang bansang umunlad, ibig sabihin, nagtagumpay din ang ating edukasyon. Ang huling tanong—kailangan natin mararating ito?

