32.6 C
Manila
Huwebes, Hulyo 2, 2026

Imee: Panagutin ang NBI sa nangyari sa Senado

- Advertisement -
- Advertisement -

SA kabila ng naganap na paglusob ng mga operatiba diumano ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Senado noong Mayo 11 at 13, nanawagan si Sen. Imee Marcos sa pangulo na pansamantalang tanggalin ang ilang opisyal ng ahensya.

“Malinaw na pambabastos sa institusyon ng Senado ang nangyari, kawalan ng galang sa mga senador, at tahasang pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga halang ang sikmura,” diin ni Marcos.

Sa isang liham na ipinadala nitong Huwebes, Mayo 14, pinangalanan ng senador sina NBI Director Atty. Melvin Matibag, NBI-National Capital Region Chief Atty. Emeterio Dongallo Jr., at NBI-Organized and Transnational Crime Division Chief Atty. Jerome Bomediano na kailangang alisin muna sa puwesto habang iniimbestigahan ang insidente.

“Kung totoong walang itinatago, bakit kailangan nilang lusubin ang Senado? Sino ang nagbigay ng utos at sino ang nakinabang sa kaguluhang ito?” ani Marcos.

Pormal ding inihain ni Marcos ang PS Resolusyon Bilang 396 upang maimbestigahan ang umano’y pag-atake ng mga tauhan ng NBI, iba pang law enforcement agencies, at mga pribadong indibidwal sa Senado.

“Kapag hinayaan lang natin ito, bukas makalawa kahit anong institusyon puwede nang sindakin at pasukin,” dagdag pa niya.

Pinasaringan din ni Marcos ang tahasang panlilinlang at magkakasalungat na pahayag ng NBI kaugnay ng mga insidente, gayong noong Lunes pa lamang ay pinasok na ng mga operatiba nito ang Senado upang tangkaing dakipin si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa.

“Hindi kami mananahimik habang unti-unting niyuyurakan ang kalayaan at dignidad ng Senado, panagutin ang mga dapat managot,” pagtatapos ng senador.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -