32.6 C
Manila
Huwebes, Hulyo 2, 2026

Paghiwa-hiwa sa Pilipinas

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

HUWAG na tayong magpatumpik-tumpik pa. Malawakan nang pinagpipira-piraso ang Pilipinas para pagpasasaan ng Amerika, subalit ni impit na aray, wala tayong marinig mula sa bunganga ng sambayanang Pilipino.

Natanggap ng bayan ang unang lima ng kung tawagin ay EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement) sites. Sa totoo lang, ang mga EDCA sites ay mga base militar ng Amerika pero kanlong ng Pilipinas sa loob mismo ng mga kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Kaloob sa Estados Unidos nang libre, ang mga baseng Kano na ito, ay kumikilos nang nagsasarili. Wala ni anoman sa mga operasyon nito ay maaaring pakialaman ng mga awtoridad ng Pilipinas, na animo’y ang mga base militar na iyun ay pag-aari  ng Amerika.

Natatandaan ninyo ang tinaguriang Magnificent 12 ng Senado ng Pilipinas? Sila ang isang dosenang senador na kumitil sa Resolusyon ng Senado noong 1991 na kung lumusot ay dapat na nakapagpahaba ng panibagong sampung taon sa buhay ng Military Bases Agreement (MBA) ng 1947 sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas. At sa kaunsiyamihan ng noon ay Pangulo Corazon C. Aquino na sa gitna ng bagyo ay buong kapal ang mukhang nag-lobby para sa approval ng Resolusyon, natuldukan ang MBA. At sumunod ang paglansag ng lahat ng mga base militar ng Amerika sa Pilipinas: Camp John Hay sa Baguio, Clark Airbase sa Pampanga, Subic Naval Base sa Zambales, etc. Sinabayan pa ng pagsabog ng Mount Pinatubo na nagbaon sa mga base militar ng Kano sa Clark at Subic sa lahar na nagtulak sa mga Kano na iabandona na nga ang mga base.

Panahon iyun ng Nanay na Aquino. Sa sumunod na panahon ng Noynoy na Aquino, walang kaabug-abog sinelyuhan ang EDCA ng 2016, na kung susuriin lang na mabuti ay siyang-siya ang MBA rin, maliban sa iisang pagkakaiba: ang mga baseng EDCA ay nasa loob mismo ng mga kampo ng AFP – bagama’t ganun ay hindi pwedeng pakialaman ng mga awtoridad ng Pilipinas.

O, di ba balik nga sa dating kaayusan ng MBA?


Oo.

At may dagdag pang mga benepisyo para sa Amerika. Kung sa ilalim ng MBA ay nagawang patawan ng namayapang Ferdinand E. Marcos ng renta ang mga base militar ng Kano –  na ang nasabing renta ay natataasan pa kada limang taon, sa ilalim ng EDCA, ang mga base militar ng Kano ay ipinagkakaloob nang libre.

At masahol pa,  ang anumang infraistruktura na itatayo ng Amerika sa mga baseng EDCA ay pababayaran sa gobiyerno ng Pilipinas kung hindi na gagamitin pa ng Amerika.

At sa ganyang maniobra, nagawa ng Amerika na magkaroon ng mga base sa loob ng  Antonio Bautista Air Base sa Palawan, Cesar Basa Airbase sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu, at Lumbia Airbase sa Cagayan de Oro.

- Advertisement -

Sa pagsisimula ng termino ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr., apat pang ganung mga base ang naging kaloob sa Amerika, ang Camp Melchor de la Cruz sa Gamu, Isabela, ang La-lo Airport sa La-lo, Cagayan at Camilo Osias Naval Base sa Sta. Ana, Cagayan at Balabac Island sa Palawan.

Itong huling apat, makaraang ipahayag ni Presidente Marcos Jr. sa  talumpating pang-inagurasyon ng kanyang panguluhan na hinding-hindi niya ipamimigay ang kahit isang kwadro pulgada ng teritoryo ng Pilipinas.

Ang teritoryo na kanyang ipinagkaloob sa Amerika ay kwadro-kwadro kilometro ang laki.

Hayy…

Ano pa nga ba ang magagawa mo kundi ang bumuntong-hininga na lamang.

Hindi na dahil sa mga nabanggit na mga pandadahupang ng Amerika sa soberaniya at dangal ng teritoryo ng Pilipinas,  kundi dahil sa wala tayong kamalay-malay, di-hamak na mas dambuhalang kawalanghiyaan na naman pala ang nagawa ng Amerika sa dignidad ng Pilipino.

- Advertisement -

Sa Isang pahayag ng United States State Undersecretary for Economic Affairs noong April 16, 2026, nabunyag na nailunsad na pala ang Pax Silica. Hindi ko na tatangkaing magpaliwanag man lang kung ano ito. Ideya ito ng Amerika at tiyak na para sa kapakinanangan lamang ng Amerika. Walang silbing pilitin pang isa-isahin ang mga benepisyong ekonomiko kuno para sa Pilipinas.

Isang-isang elemento lang tungkol sa Pax Silica ang dapat tugunan ng pansin.

Sa ideya ng Amerika, mangangailangan ng 2000 ektarya ng lupa sa Tarlac upang pagtayuan ng kung anu-ano na namang kalechehan ng Kano. Paglilinaw ng isang katoto sa pamamahayag, hinihingi sa kasunduan ang 2000 ektarya para sa libre na paggamit sa loob ng dalawang taon – subalit ang ganung libreng paggamit ay maaaring pahabain sa 99 taon.

Anak ng tinapa.

Ekstensyon lang, isang siglo na ang itatagal.

Subalit ang pinakanakakabwisit sa lahat, ang Pax Silica ay hindi na isang panukala lamang kundi sa  salitang ligal, isa nang fait accompli, gawa na, ipatutupad na lamang.

Ang 2000 ektaryang lupa sa Tarlac ay handa nang simulang pagpasasaan ng Amerika hanggang sa maubos ang 99 na taon.

Kaya tigilan na ang walang hintong mga argumento tungkol sa  biyaya ng Pax Silica para sa Pilipinas kuno. Walang totoo roon. Ang totoo lamang ay nailusot ng Kano ang ideya ng Pax Silica mismong sa ilalim ng kanilang mga ilong.

Isang-isa na lamang ang magagawa ng bayan ngayon.

Kung nagawa man ni Presidente Marcos Jr. na ilusot ang pag-aprub sa Pax Silica nang walang kaamuy-amoy ang bayan, may isa pang paraang natitira para basagin ito.

Ang Article II, Section 7 (Declaration of Principles) ng 1987 Philippine Constitution ay nagdidikta na sa mga ugnayang panlabas, dapat na pinagpapangibabaw ng estado ang integridad teritoryal, soberaniya at pambansang interest.

Ikaw, abogado ka na nakaiintindi ng batas, tigilan na ang pag-asta animo’y propesor sa klase na naglelektura kung anu-ano ang mga batas sa ilalim ng Saligang Batas ng Pilipinas na nilabag ni Marcos sa pakikipagkasundo sa Amerika sa Pax Silica. Sa Supreme Court mo na dalhin ang katalinuhan mo upang ipawalang-bisa ang tratado.

Sagradong sinusunod ang prinsipyo ng checks and balances at pwedeng maghatol ang Korte Suprema na iligal ang  kasunduang inaprubahan ni Marcos tungkol sa Pax Silica.

Sa mga makabayang grupo tulad ng Asian Century Philippines Strategic Studies Institute (ACPSSI), kilalanin na ang anumang mga pakikipagdebate hinggil sa mga benepisyo/kapariwaraan para sa Pilipinas ng Pax Silica ay pagsasayang lamang ng laway at panahon. May magagawa pa upang pigilan ang Pax Silica.

Panghawakan nang mahigpit ang Article II, Section 3 (Protection of Integrity) ng Saligang Batas na nagsasabing ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ang tagapagtanggol ng estado at ng mga mamamayan. Kilalanin kung gaano kalakas na muscle ito para sa isang kilos protesta tulad ng 1986 EDSA People Power Revolt.

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -