LUMALALIM ang imbestigasyon ng Ombudsman sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Patuloy na pinag-uusapan ang isinasagawang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman laban kina dating House speaker Martin Romualdez at dating Senate President Francis Escudero kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga flood control projects ng pamahalaan.

Sa mga nakalipas na buwan, sunod-sunod ang naging ulat patungkol sa posibleng pagsasampa ng kasong plunder, graft, bribery, at iba pang paglabag laban sa ilang matataas na opisyal ng gobyerno.
Ayon sa Office of the Ombudsman, ang mga kaso laban kina Romualdez at Escudero ay kasalukuyang nasa “preliminary investigation stage.”
Ngunit ano nga ba ang ibig sabihin ng “preliminary investigation,” at bakit mahalaga ito sa kasong kinahaharap ng dalawang opisyal?
Ang “preliminary investigation” ay isang legal na proseso kung saan sinusuri ng mga prosecutor o ng Ombudsman kung may sapat na ebidensya upang magsampa ng pormal na kaso sa korte laban sa isang tao.
Hindi pa ito nangangahulugan na guilty ang isang respondent. Sa yugtong ito, tinitingnan muna kung may “probable cause” o sapat na basehan upang ituloy ang kaso sa hukuman.
Ang probable cause ay tumutukoy sa makatwirang paniniwala na maaaring may naganap na krimen at maaaring sangkot ang taong iniimbestigahan.
Kapag may probable cause, maaari nang magsampa ng kaso ang Ombudsman sa Sandiganbayan o iba pang korte.
Kapag wala namang sapat na ebidensya, maaaring ma-dismiss o ibasura ang reklamo.
Paano nagsimula ang kontrobersiya?
Nagsimula ang usapin matapos magkaroon ng mga pagdinig ang Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects na nakapaloob sa national budget noong 2024 at 2025.
Sa mga naturang pagdinig, lumutang ang mga alegasyon tungkol sa umano’y “kickback schemes” o ilegal na komisyon mula sa ilang proyekto ng gobyerno.
Ang “kickback” ay isang ilegal na komisyon o porsyento ng pera mula sa proyekto o kontrata na ibinibigay sa isang opisyal kapalit ng pag-apruba o paglalagay ng proyekto sa budget.
Ayon sa mga ulat, si dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo ang isa sa mga nagbigay ng testimonya hinggil sa umano’y sistema ng “insertions” sa budget.
Ano ang ‘Insertions’?
Sa konteksto ng national budget, ang “insertions” ay pagdaragdag ng mga proyekto o pondo sa General Appropriations Act o pambansang badyet.
Ayon sa testimonya ni Bernardo, businessman na si Maynard Ngu umano ang humingi ng listahan ng mga proyektong isasama sa budget kapalit ng umano’y 20 porsyentong cut o komisyon.
Posibleng kaso: Plunder, graft at bribery
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, pinag-aaralan ng kanilang tanggapan ang pagsasampa ng kasong plunder laban kina Romualdez at Escudero.
Ang plunder ay isang mabigat na kasong kriminal sa Pilipinas kung saan inaakusahan ang isang public official ng pagkamal ng ill-gotten wealth o ilegal na yaman na umaabot sa hindi bababa sa ₱50 milyon sa pamamagitan ng serye ng ilegal na gawain.
Isa ito sa pinakamabigat na anti-corruption cases sa bansa.
Ang graft ay tumutukoy sa korapsyon o paggamit ng posisyon sa gobyerno para sa personal na pakinabang. Karaniwang sakop ito ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ang indirect bribery ay pagtanggap ng regalo, pabor, o benepisyo ng isang public official kahit walang direktang kasunduan, basta’t may kaugnayan ito sa kaniyang posisyon o kapangyarihan.
Travel ban at hold departure order
Nitong Abril 2026, iniulat na humiling ang Ombudsman sa Sandiganbayan ng precautionary hold departure order o PHDO laban kay Escudero at businessman na si Maynard Ngu.
Ang PHDO ay kautusan mula sa korte na pansamantalang nagbabawal sa isang tao na umalis ng bansa habang iniimbestigahan ang kaso laban sa kanya.
Ayon sa ulat, maaari itong hilingin ng Ombudsman kapag nasa ilalim na ng preliminary investigation ang isang respondent.
Nauna nang nakakuha rin umano ng PHDO laban Kay Romualdez ang Ombudsman kaugnay ng parehong kaso.
Panig ni Romualdez: Prejudgment at due process
Samantala, hiniling naman ni Romualdez sa Ombudsman na huwag itong manguna sa imbestigasyon laban sa kanya dahil umano sa “prejudgment.”
Ang prejudgment ay pagkakaroon umano ng paunang paghusga bago pa matapos ang imbestigasyon o bago pa marinig ang panig ng inaakusahan.
Sa apat na pahinang liham ng kampo ni Romualdez, sinabi ng kaniyang mga abogado na tila mayroon nang “preconceived position” o paunang pananaw ang ilang opisyal ng Ombudsman tungkol sa kanyang kaso.
Ayon sa kanyang legal team, may mga naging pahayag umano si Ombudsman Remulla at Assistant Ombudsman Mico Clavano na naglalarawan kay Romualdez bilang “master plunderer” kahit wala pa umanong pormal na kaso.
Ang due process ay karapatan ng isang tao na magkaroon ng patas at legal na proseso sa ilalim ng batas.
Kasama rito ang karapatang malaman ang mga alegasyon laban sa kaniya at mabigyan ng pagkakataong sumagot o magpaliwanag.
Ayon sa kampo ni Romualdez, nais lamang nilang matiyak na magiging patas ang imbestigasyon.
Sa isang pahayag sa social media, sinabi ni Romualdez: “If this is a political play to push me out and close the story, tarnishing my name and my reputation then I’m telling everyone now. I will not go quietly and I will not go alone.”
Dagdag pa niya, “I will not be the fall guy for other people’s corruption.”
Ang “fall guy” ay isang taong inaako o ginagawang pangunahing responsable sa isang kontrobersiya o krimen kahit sinasabing hindi lamang siya ang dapat managot.
Posisyon ni Escudero
Sa panig naman ni Escudero, iniulat niya na inatasan na siya ng Ombudsman na magsumite ng kaniyang counter-affidavit upang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya.
Ano ang counter-affidavit?
Ang counter-affidavit ay isang sinumpaang salaysay kung saan inilalahad ng respondent ang kanyang depensa at paliwanag laban sa reklamo.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, “I believe our panel is waiting for his counter-affidavit so the preliminary investigation can move forward.”
Patuloy namang itinatanggi nina Escudero at Romualdez ang anumang pagkakasangkot sa umano’y anomalya.
Ang Senate Blue Ribbon Committee at mga rekomendasyon
Kaugnay nito, sinabi ni Senator Panfilo Lacson, dating chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na may mga personalidad na dapat umanong sumailalim sa imbestigasyon kaugnay ng flood control controversy.
Kabilang sa mga pinangalanan ay sina Romualdez, Escudero, Senators Joel Villanueva at Jinggoy Estrada, gayundin sina dating congressmen Elizaldy Co at Mitch Cajayon-Uy.
Gayunman, noong Pebrero 2026, sinabi rin ni Lacson na hindi muna irerekomenda ng Blue Ribbon Committee ang preliminary investigation laban kay Romualdez dahil umano sa kakulangan ng direktang ebidensya.
Ayon kay Lacson, “In the case of Speaker Romualdez, he is not being recommended for preliminary investigation because there is no validation or corroboration.”
Sa halip, sinabi niyang magpapatuloy ang “fact-finding efforts” o pangangalap pa ng ebidensya laban sa dating House Speaker.
Kasalukuyang estado ng Imbestigasyon
Nito lamang Mayo 2026, kinumpirma ng Office of the Ombudsman na nananatili pa ring nasa preliminary investigation stage ang mga kaso laban kina Escudero at Romualdez.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, patuloy pa ang “initial evaluation” at “fact-finding procedures” upang matukoy kung may sapat na basehan para sa pagsasampa ng pormal na kaso.
Ang fact-finding ay proseso ng pangangalap at pagsusuri ng mga dokumento, testimonya, at iba pang ebidensya upang malaman kung may nangyaring paglabag sa batas.
Sa ngayon, wala pang pinal na desisyon ang Ombudsman kung magsasampa na ito ng kaso sa korte laban sa mga respondent.
Ano ang susunod na maaaring mangyari?
Kapag natapos ang preliminary investigation, maaaring mangyari ang mga sumusunod:
- magsampa ng kaso ang Ombudsman kung may probable cause;
- ibasura ang reklamo kung kulang ang ebidensya;
- o humingi pa ng dagdag na dokumento at testimonya.
Sa kasalukuyan, patuloy pa ring sinusubaybayan ng publiko at iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang kontrobersiya sa flood control projects dahil sa laki ng pondong sangkot at sa dami ng matataas na opisyal na nadadawit sa imbestigasyon.

