MULING iginiit ni Senador Win Gatchalian ang pangangailangang mas paigtingin ang pagsugpo sa online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC). Kasunod ito ng isang ulat, kung saan lumabas na pang-15 ang Pilipinas pagdating sa pagtugon sa karahasang laban sa mga bata.
Sa 2026 ‘Out of the Shadows Index’, kung saan sinusukat kung paano pinipigilan at tinutugunan ng 60 bansa ang karahasang sekswal laban sa mga bata at kabataan, lumalabas na ikalima ang Pilipinas sa rehiyon ng Silangang Asya at Pasipiko.
“Patuloy na sinasamantala ng mga kriminal ang internet upang abusuhin at pagkakitaan ang ating mga kabataan. Dapat nating tiyaking mahigpit na naipatutupad ang ating mga batas,” ani Gatchalian.
Binanggit ni Gatchalian ang mga batas gaya ng Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children Act (Republic Act No. 11930) at ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 (Republic Act No. 11862), na nagpapatatag sa kakayahan ng bansa laban sa child trafficking at iba pang anyo ng karahasang sekswal laban sa mga bata.
Sa ilalim ng 2026 national budget, nakalaan ang P119.2 milyon para sa pagpapatupad ng mga hakbang laban sa trafficking at P111.6 milyon para sa National Coordination Center against Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (NCC-OSAEC-CSAEM).
Sinuri ng bagong global benchmark ang mga bansa batay sa apat na haligi o pillars: governance and accountability, prevention, healing, at justice.



