27.8 C
Manila
Martes, Hulyo 21, 2026

Panitikalusugan: Isang Master Class sa ugnayang namamagitan sa medisina at panitikan

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

SA isang panahong binibigyang-bihis ng mga nakatataas ang kurikulum ng basic education para sa mga Senior High School students, ang mga guro sa SHS ng De La Salle Medical and Health Sciences Institute (DLSMHSI) sa Dasmarinas, Cavite ay nagsagawa ng isang master class sa interseksiyon ng dalawang disiplina: ang Medisina at ang Literatura. Naanyayahan akong maging tagapagsalita at magbigay ng master class sa mga estudyante ng naturang Senior High School. Dito’y tinalakay ko kung paanong symbiotic ang relasyon ng dalawa. Na pareho itong may nakukuhang pakinabang sa isa’t isa.

Nakikinabang ang Panitikan sa Medisina, patunay ang di mabilang na akdang nasulat at aklat na nalathala na tumatalakay sa karanasan ng manggagamot sa kanyang pasyente o ng pasyente sa kanyang manggagamot. Sa buong mundo at sa Pilipinas man, maraming doktor na rin ang nagsusulat ng aklat. Nagugulat pa nga tayo kapag nalamang manggagamot din pala ang isang awtor na binabasa at hinahangaan natin. Hindi natin maiugnay ang panggagamot sa pagsusulat.

Sa kabilang banda, nakikinabang din ang Medisina sa Panitikan. Ito’y dahil sa idinudulot na lunas ng mga kuwento’t aklat sa ating kalusugan lalo na sa pagharap sa mga isyung kaugnay sa emotional health at mental health. Ang kalusugan ay hindi lang naman tumutukoy sa physical health kundi karamay din ang   emotional at mental health. Ang praktis ng bibliotherapy ay isa ring patunay na may alay na lunas ang ating mga kuwento’t libro. Tumutukoy ang ‘bibliotherapy’ sa ‘healing through the use of books and stories.’

Nagtutulong ang dalawang disiplina upang magkaroon tayo ng mga manggagamot na may puso sa paglilingkod. Napag-alaman ko na ang mga estudyante sa Senior High School program ng De La Salle Medical and Health Sciences Institute ay ang mga estudyanteng nakatakdang kumuha ng kursong Medisina at iba pang allied health sciences sa kolehiyo gaya ng Nursing, Radiation Technology, Medical Technology, at iba pa. Espesyal ang kanilang SHS program sapagkat halos karamihan sa mga magtatapos rito ay inaasahang kukuha ng ganitong mga kurso. Nakahanda naman ang kanilang mga kolehiyo sapagkat may medical school at ospital din ang kanilang kampus sa Dasmarinas.

“Nais po naming ma-expose sila sa gaya n’yong doktor na manunulat din,” kuwento sa akin ni Kathleen Nepomuceno na isang guro sa DLSMHSI. “Na posible rin pong magtagpo ang dalawang landasin na ito sa isang tao.  Kayo po ang halimbawa nito.” Binanggit din niya na natutuwa sila at ang De La Salle University (DLSU) sa Taft Avenue ay nag-aalok ng kursong ‘Creative Non-Fiction for Doctors.’ Ito’y sa pangunguna at gabay ni Marjorie Evasco, hinahangaan kong makata at professor emeritus ng naturang pamantasan. “Kayo lang yata ang may ganyang programa para sa mga manggagamot sa lahat ng mga Pamantasan at kolehiyo sa bansa,” sabi ko naman sa kanya.


Nabanggit ng mga naturang guro na nalungkot sila sa pasya ng mga namumuno sa DepEd na tanggalin na ang 21st Century Contemporary Literature sa kurikulum ng Senior High School. “Doon po sa lektura n’yo, naipakita n’yo kung paanong malaki ang tulong ng Humanidades at iba pang disiplina sa Social Sciences sa pagiging mabuting manggagamot ng isang tao,” dagdag pa ni Nepomuceno.

Nabanggit ko tuloy kung paanong nag-iwan ng marka sa buhay ni Dr. Ronnie Baticulon, isang pediatric neurosurgeon, ang mga kuwentong nabasa niya habang kumukuha siya ng Humanidades sa UP-Manila noong nasa undergrad pa siya. Naikuwento niya sa akin na sa isang talakayan daw sa klase ni Prop. Odessa Joson, guro niya sa Humanities, binanggit daw nito na ‘sa kuwentong Sandosenang Sapatos (na inakda ko), kukunin nito ang puso mo at ihahagis sa malayo.’ Biniro ko si Dr. Baticulon patungkol sa pahayag ni Joson: ‘positive ‘yung kanyang sinabi, hindi ba?’ Sunod-sunod na tango ang tugon niya.

Ngayong ganap nang manggagamot si Baticulon, napagpasyahan niyang tipunin sa isang koleksiyon ang kanyang mga sanaysay na tumatalakay sa kanyang mayamang karanasan sa mga pasyente at ang kanyang saloobin sa pagiging manggagamot. Pinamagatang ‘Some Days, You Can’t Save Them All,’ ito’y inilathala ng UP Press at nakailang ulit nang muling inilimbag. Patunay na may market ang ganitong aklat ng sanaysay! Noong 2024 ay naisipan din niyang tipunin sa isang koleksyon ang 13 kuwentong tumatalakay sa paghilom at lunas. Matiyaga niyang tinipon ito at inedit kasama si Marjorie Evasco, batikang makata at isa ring Palanca awardee. Akalain ko bang mapapasama ang kuwento kong ‘Sandosenang Sapatos’ sa napiling kuwento na nakasama sa ‘VITAL SIGNS: Philippine Short Stories on Healing’ na inilathala ng Milflores Publishing?

Naniniwala ang mga guro ng special school na ito na kailangan ang Humanidades (Panitikan, Sikolohiya, Sosyolohiya, Malikhaing Pagsulat, at iba pa) upang ma-nurture ang puso ng mga kabataang ito para sila’y mas maging sensitibong doktor (o health professional) pagdating ng panahon. Hindi nga naman lahat ay siyensiya at teknolohiya lamang. May malaking papel din na ginagampanan ang panitikan at iba pang kursong pang-Humanidades. Pero bagama’t di sinasadya ay namemenos ito sa pagbabagong-bihis ng kurikulum. Kapag tinimbang ang mga bagay-bagay, lumalabas na walang bigat ang mga ganitong subjects.

- Advertisement -

Ang ganitong master class o talakayan ay nakatutulong upang higit na maunawaan ng ating mga future doctors ang malaking papel na gagampanan nila sa lipunan pagdating ng panahon. Sana’y lalo pang ma-enrich ang karanasan nila –  sa tulong ng mga kuwento at aklat – upang mas lalo silang maging mabuting tao. Salamat kay Ms Kathleen Nepomuceno, bihasang guro sa DLSMHSI, at sa pamunuan ng SHS, sa pagtataguyod ng ganitong master class. Saludo!

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -