27.9 C
Manila
Lunes, Hunyo 15, 2026

Teknolohiya ng komodipikasyon at atraksyon

DALUMAT AT SAYSAY

- Advertisement -
- Advertisement -

MAY dalawang premis tungkol sa diskurso ng teknolohiya. Una, ito’y komodipikasyon ng kalikasan. Ikalawa, ang teknolohiya’y sirkulasyon ng mga atraksyon at distraksyon sa ating pamumuhay bilang tao. Ang teknolohiyang tinutukoy ko rito’y hango sa “device paradigm” ni Albert Borgmann. Malawak ang depinisyon ng teknolohiya kung pagbabatayan ang etimolohiya at kasaysayan nito. Subalit ang pagtutuunan ko ng pansin at diin ay ang paglitaw ng mga gadget, device at equipment na bunga ng modernidad at industriyalisasyon.
Ang lahat ng inimbento ng tao’y hango at halaw sa kalikasan (nature). Mula ito sa mga mineral at hilaw na materyal na matatagpuan sa ating likas na yaman (natural resources) — lupa, ilalim ng lupa, ilog, dagat at ilalim ng karagatan. Pangunahin dito ang pagmimina sa ilalim ng lupa. Dahil dominante ang mga produkto ng teknolohiya ng impormasyon at komunikasyon, marami sa mga gadget tulad ng smartphone ay halaw sa mga mineral tulad ng silica, silicon, bauxite, copper at marami pang iba.
Tunghayan, halimbawa, ang Minerals in Everyday Life na detalyadong binabanggit ang iba’t ibang mineral na bumubuo sa ating mga smartphone. Sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2019, ang Pilipinas ay mayaman sa copper resources na may 8.5 bilyong metriko tonelada at copper reserves na may 2 bilyong metriko tonelada. Bukod pa riyan, marami rin tayong miniminang ginto, nickel at mga non-metallic minerals tulad ng silica at limestone.
Sa pagpapatunay ng PSA, ang Pilipinas ay nasa top 10 ng mga bansa sa mundo na mayaman sa ginto, copper, nickel, at chromite. Pero bakit naghihirap ang Pilipinas kung mayaman tayo sa mga mineral na ginagamit sa industriya at sa modernong teknolohiya? Kung tutuusin, mas mahal ang copper kaysa sa crude oil. Sa konteksto ng komodipikasyon ng kalikasan, lumalabas na supplier tayo sa pandaigdigang merkado ng mga likas na yaman.
Ibig sabihin, hindi natin mismo nagagamit ang ating likas na yaman para sa pagtatayo ng sariling industriya at teknolohiya upang maging kompetitibo sa pandaigdigang merkado.
Marahil ang hawak-hawak nating gadget ay binubuo ng mga mineral na minina sa ating lupain at kabundukan, subalit nagbabayad tayo ng mahal na presyo para sa produktong itinakda ng mga korporasyong nakahimpil sa ibang bansa. Hindi rin mga Filipino ang absolutong nagmamay-ari ng mga mining company sa bansa.
Marami sa kanila’y banyaga. Mayorya nga’y mga higanteng Filipinong negosyante at taipan ang kahati, subalit ang kontrol sa operasyon ay nakasalig sa internasyonal na interbensyon. Samakatuwid, hindi pambansang interes ang nangingibabaw kundi ang pagtupad sa neoliberal na pagkakakalakal ng ating mga hilaw na materyal para sa ganansya ng mayayamang bansa at mga multinasyonal na korporasyon. Iba pang usapin ang patuloy na pagkasira ng ating kalikasan upang tustusan ang demand ng global na konsumer na nahihirati sa bagong iPhone, laptop, electric vehicle, at marami pang teknolohikal na produkto.
Sa ganitong kalakaran, ginigisa tayo sa sarili nating mantika. Nakapagtataka rin kung bakit hindi tayo nakakabuo ng sariling mga manufacturing firm na direktang gagamit ng mga mineral na minina sa ating bansa. Mayroon tayong mga factory ng semiconductors na nakahimpil sa mga economic zone o technopark sa bansa na pagmamay-ari ng mga banyagang kumpanya. Ang partisipasyon natin sa supply chain ng semiconductors ay nasa erya ng assembly at testing. Hindi pa natin kayang sabayan ang Taiwan at South Korea, subalit kailan tayo magsisimula?
Taon-taon, may upgrade ang iPhone. Ngayong 2026, inilabas ang iPhone 17. Kada taon o cycle, may upgrade ang mga smartphone, laptop, PC, kotse, TV, ref at halos lahat ng produktong teknolohikal. Lahat ng ito’y nakapaloob sa teknolohiya ng atraksyon.
May opsyon naman tayong hindi bumili ng bago kung gumagana pa ang gadget mo. Subalit may taning ito. Sa iPhone, kahit gumagana pa ito, lima o anim na taon lamang ang suporta nito para sa software update. Ibig sabihin, expired na ang smartphone mo at mapipilitan kang bumili ng bago. Wala ring pakialam ang iPhone sa battery life. Lahat ng features ng iPhone ay upgraded, subalit madali pa ring maubos ang baterya nito para bumili ka ng bago.
Di tulad ng Android phones, mahaba ang battery life subalit salat sa mga feature na mayroon ang iPhone — 48-megapixel na camera, mabilis na processing chip, matibay at manipis na casing, mabilis na koneksyon sa internet, at AI functionality.
Parang magnet, hinihigop ang konsumer na bumili lagi. Nabibighani ang marami sa mga atraksyong kaabang-abang mula sa advertisement, social media influence, tradisyonal na marketing, at mga promotional na gimik. Bakit nga ba hindi? Malaking negosyo ang “device capitalism”.
Sa datos ng Digital 2025 Global Overview Report, 97.8% ng populasyon ng internet user (5.6 bilyon) sa buong mundo’y may smartphone. Halos limang bilyong tao ay may smartphone sa buong mundo. Patuloy na aakitin tayo ng mga higanteng tech company taon-taon dahil ang prinsipyo ng atraksyon ay prinsipyo ng pagkonsumo.
Samantala, unti-unting nagiging distraksyon ang mga produktong teknolohikal na ito upang ihiwalay tayo sa natural na kaayusan. Nauubos ang oras natin sa kaka-scroll sa mga feed sa Facebook. Nawawala ang awtentikong talastasan dahil mas komportable tayo ngayon sa pakikipag-chat. Mas nakatutok tayo sa iskrin ng ating TV o laptop para manood ng simulasyon ng kapaligiran o kaya’y mas maniwala sa AI generated image at video kaysa sa totoong mukha ng tao. Magkalapit tayo, subalit malayo naman talaga tayo sa isa’t isa. Hindi ko sinasabing huwag na tayong gumamit ng mga device at gadget na produkto ng teknolohiya. Mahalaga ito sa akumulasyon ng ating karanasan at kaalaman.
May ikukuwento tayo sa mga bata sa ating pagtanda na noo’y gumamit tayo ng iPhone, EV, laptop sa hinaharap na maaaring bago na ang anyo at porma ng teknolohiya. Kapag dominante ang pagyakap natin sa teknolohiya at hindi na mahalaga ang iba pa, higit nating pinapaigting ang kabalintunaang relasyon natin sa kalikasan. Una, ginagawa nating komoditi ang likas na yaman sa ngalan ng teknolohiya. Ikalawa, ginawa nating invisible ang kalikasan sa pagturing na mas totoo at kapani-paniwala ang lahat ng nakikita at dinadanas natin sa pamamagitan ng teknolohiya.
Kapag simot at ubos na ang likas na yaman natin, palagay ko’y hindi tayo mabubuhay sa teknolohiya lamang.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -