26.7 C
Manila
Martes, Hunyo 16, 2026

Ang tinutumbok ng gulo ng Senado 

ULTIMONG BIGWAS 

- Advertisement -
- Advertisement -

SEMANA ito ng namimintong kaguluhan.

Sa Hunyo 18 ang itinakdang deadline ng paghahain ng mga ebidensya sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte.

Batay sa mga nauna nang pahayag ni House Panel Chief Prosecutor Gerville Luistro, sa usapin ng ebidensya, handang-handa na ang prosekusyon.

At nakakapanindig balahibo na nadagdag pa ngayon sa House Prosecution Panel ang mga private prosecutor na binubuo ng mga luminaria sa batas tulad ni Marforth Fua, managing partner ng PECABAR Law at dating  assistant presidential legal counsel ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr.; beteranong trial lawyer Lorna Kapunan, founder at senior partner ng Kapunan and Castillo Law Offices at isa sa pinakakilalang mang-uusig  ng bansa; at Amando Virgil Ligutan, managing partner ng SALiGAL Law at senior lecturer sa University of the Philippines College of Law.

Masasabing sa ngayon ay masasabak na si Sara sa totoong laban.


Napakatuso ng kaparaanang dinanas ng unang Articles of Impeachment laban kay Sara noong isang taon kung kaya iyon ay nai-archive ng Senado.

Anong kasiguruhan na iyun ay hindi mauulit ngayon?

Walang ibang signipikanteng okasyon na hinaharap ngayon ang Senado  kundi ang  nalalapit na impeachment trial ni Sara. Ito ang dapat na magtakda ng mga pangyayaring humantong sa sigalot ngayon ng Senado.

Anu-ano ang mga pangyayaring ito?

- Advertisement -

Kinabukasan ng pagkaaresto kay Senador Jinggoy Estrada sa kasong plunder, nagsimula ang di-pagdalo ng mayorya sa sesyon ng Senado, pinangungunahan ni Senate President Alan Peter Cayetano. Sa bilang ng mayorya, maliwanag na lagas na sa kanila ang dalawa, si Jinggoy nga at si Senador Ronald “Bato” de la Rosa na pugante na sa batas.

Kung magkakasesyon, tagilid ang mayorya. Magaling ang huwag munang magsesyon.

Sa loob ng magkasunod na dalawang araw, di sumipot sa sesyon ang tropa ni Cayetano.

Sa kapwa pagkakataon, ni katiting na paliwanag ay walang ginawa ang mayorya kung bakit sila absent.

Kaya noong Miyerkules na iyon, Hunyo 3, 2026, at wala pa rin ang mayorya, ipinasya ng minorya na pormal nang idaos ang sesyon upang harapin ang mga nakabinbin na business o gawain ng Senado.

Kabilang sa mga pinagtibay na desisyon ng sesyon ay:

- Advertisement -

Una, deklarasyon ng Korum (ng 12 senador).

Pangalawa, pagdeklarang bakante ang puwesto ng Senate President at ng mga namumunong Komite, tulad ng Blue Ribbon Committee, at Senate President Protempore.

Pangatlo, paghalal kay Senador Sherwin Gatchalian bilang President Protempore at designasyon nito bilang Acting President.

Ngayon, ligal ba ang ginawa ng minorya?

Sa pahayag ni dating Senate President Franklin Drilon, ligal. Tinukoy niya ang hatol ng Korte Suprema sa Avelino versus Cuenco, na ang korum ay binubuo ng mga kasaping pwedeng obligahin ng Senado na dumalo sa sesyon nito.

Sa bilangan, ang mga kasapi na nagdeklara ng korum noong Hunyo 3 ay 12. Ang bilang ng mga kasapi ng Senado ay 24, na nangangahulugan na ang 12, ay kulang upang bumuo ng mayorya ng di kukulangin sa 13. Dahil dito, iginigiit ni Cayetano na iligal ang korum noong Hunyo 3.

Siya pa rin ang Senate President, at ganun din ang mga namumunong opisyal na kasama niyang nahirang, tulad nina Blue Ribbon Committee Chairman Pia Cayetano at Senate President Protempore Loren Legarda.

Subalit, ang usapin ng korum ay nalilimitahan nga ng hatol ng Korte Suprema sa Avelino vs. Cuenco, at sa kabuuang bilang ng kasapi ng Senado noong Hunyo 3, dalawa ang hindi na maaaring padaluhin ng Senado sa sesyon, si Bato at si Jinggoy.

Ang pinagtatalunang bilang ng kasapi ay hindi na 24 kundi 22, at ang ligal na korum sa bilang na ito ay hindi na 13  kundi 12.

Sa bilang na 12 ng mga kasaping umatend, ang sesyon ng Senado at mga kaganapan dito noong Hunyo 3 ay ligal.

Hindi lang si dating Senate President Drilon ang nagpahayag nito kundi ang marami pang ibang legal luminaries, tulad ni dating Comelec Chairman Rene Sarmiento, na kabilang sa mga lumikha ng 1987 Constitution.

Ang talagang problema ay ang pagpipilit ni Cayetano na siya pa rin ang Senate President.

Kung siya at mga katropa ay tapat sa tungkulin, bakit nila gugustuhing magiba ang Senado na siya ngang namiminto nang mangyari kung hindi nagsesyon ang  Gatchalian 12 noong Hunyo 3?

Ang sesyon na iyon ang nagpatuloy sa buhay ng Senado sa panahong maliwanag na may pakanang wasakin ito.

Sino ang tatawag ng sesyon kung wala ang mayorya at liderato nito?

Maaaring inasahan ng bloke ni Cayetano na mapipigilan na rin ang iba pang senador na magdaos ng sesyon.

E, hindi.

Nagpakatapat sa tungkulin ang labindalawa nina Gatchalian  naganap ang sesyon ng Hunyo 3.

Sa dalawang araw na magkasunod na walang sesyong ipinatawag ang kampo ni Cayetano at ni katiting na paliwanag ay walang ginawa, ano ang talagang nangyayari kundi ang epektibong pagkitil sa Senado.

Ang buhay ng Senado ay nasa sesyon. Kung walang sesyon, patay ang Senado.

Anu-ano ang mahahalagang gawaing mapipigilan sa biglang paghinto ng buhay ng Senado?

Iisa ang nakikita ng kolum na ito: ang impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte.

O kung may iba pa, ang impeachment trial ang pinakamahalaga.

Ang pagpigil sa impeachment trial ni Sara ay epektibong maisasakatuparan ng tuloy-tuloy na di-pagtawag ng sesyon ng kampo ni Cayetano.

At ang pagpigil na ito ang binigo ng sesyon ng kampo naman ni Gatchalian noong Hunyo 3.

Mangyari pa, lahat ng paraan ay gagawin upang isulong pa rin ang plinanong mangyari.

Kinanti na ang Korte Suprema sa pamamagitan ng petition for certiorari na inihain ng isang titser, humihinging kilalanin ang mga desisyon ng sesyon ng Senado noong Hunyo 3.

Sa garapal na salita na ipinamarali ng di-mabilang na pro-Cayetano vlog, ibinasura raw ng Korte Suprema ang petisyon.

Pati si Presidential Spokesperson ni Dating Presidente Rodrigo Roa Duterte, Harry Roque, ay naglabas ng pahayag na ganun.

Abogado pa mandin siyang naturingan. Alam niya ang rule sa certiorari: na kailangang patunayan ng titser na nasaktan siya o masasaktan kapag hindi ipinatupad ang  desisyon ng sesyon ng Senado noong Hunyo 3.

Hindi nga iyun magagawa ng titser dahil hindi naman siya bahagi ng Senado.

Kaya na-dismiss ang kanyang petisyon.

Ang hinatulan ng Korte Suprema ay hindi ang desisyon ng sesyon ng Senado noong Hunyo 3 kundi ang kawalan ng ligalidad ng petisyon ng titser.

Sa pambabaluktot sa desisyon ng Korte Suprema, malalim nang nalinlang ang malawak na publiko na ang sesyon ng Hunyo 3 ay iligal at samakatwid ganun din ang lahat ng mga  kapasyahang naganap doon.

Ngayon, kung dumating na sa husgahan sa impeachment trial at nahatulang nagkasala si Sara, hindi ba maaga pa ay nabigyan na ng katwiran ang kampo ng mga Duterte upang magprotesta?

Iyon ang ginawa ng petisyong ibinasura ng Korte Suprema.

At kasabay ng  malawakang pagbabalikwas, hindi ba ang pulutong na ni Cayetano ang lilitaw na mapipilitan nang dumulog sa Korte Suprema upang hilinging ideklarang iligal ang sesyon ng Hunyo 3, iligal ang pagkakabuo ng pamunuan ni Gatchalian?

Samakatwid iligal ang lahat ng mga pagpapasyang ginawa nito?

Iligal ang Impeachment Trial Court na lumitis kay Sara?

Kaya kung dahil sa galing ng prosekusyon na palitawin ang katotohanan ay mapatunayan man na si Sara ay nagkasala sa mga ibinintang na katiwalian at karahasan, iligal pa ring lalabas ang hatol!

Anong nakaplanong muling malawakang  pambabastardo sa mga binanal na kaparaanang ligal upang kung papaano natakasan ni Sara ang hustisya sa unang pagkakataon ay ganon pa rin muli ngayon?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -