27.3 C
Manila
Huwebes, Hunyo 18, 2026

Pabagobagong batayan ng komparatibong kalamangan

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG mga bansa ay nakikipaglaban sa bilihang internasyonal dahil nagkakaiba ang presyo sa loob ng bansa at sa presyong internasyonal. Kung mura ang isang produkto sa bilihang internasyonal kung ihahambing sa presyong local, ang produktong ito ay aangkatin ng bansa. Samantala, kung ang presyo produkto ay mas mataas sa bilihang global kaysa local na presyo iluluwas ng bansa ang produkto. Samakatuwid, ang pagkakaiba ng presyo sa pagitan ng mga bansa ang batayan ng kalakalang internasyonal.

Ano naman ang mga dahilan kung bakit nagkakaiba ang presyo sa pagitan ng mga bansa?  Una, maaaring nagkakaiba ang kanilang demand sa produkto. Ikalawa, nagkakaiba ang produktibidad ng mga sangkap sa pagitan ng mga bansa. Ikatlo, nagkakaiba ang suplay ng mga produktibong sangkap sa pagitan ng mga bansa. Ang tatlong dahilan ang batayan ng komparatibong kalamangan dahil naitatakda nito ang pagkakaiba ng presyo sa pagitan ng mga bansa.

Tungkol sa pagkakaiba ng demand, ang mataas na demand sa isang produkto ay maaaring magpataas sa presyo nito sa loob ng bansa kung ihahambing sa presyo nito sa ibang bansa na may makitid na demand sa produkto. Samakatuwid, ang isang bansang may mababang demand sa isang produkto ay nauuwi sa mababang presyo nito sa loob ng bansa at ang susi nito sa kanyang komparatibong kalamangan.

Ang pananaw na ito ay tinanggihan ni David Ricardo (1817) na nagsabing magkakahawig ang demand ng mga mamamayan sa pagitan ng bansa dahil halos magkakapareho ang antas ng kanilang kita. Ang kita ng mga mamamayan ang nagtatakda antas pagkonsumo ng mga mamamayan. Kahit sa kasalukuyan, ang demand sa pagitan ng mga bansa ay masasabing magkakahawig hindi dahil sa magkakapareho ng kita ng mga bansa ngunit bunga ng proseso ng globalisayon na hinuhubog ang panlasa ng mga mamamayan sa buong mundo. Maipakikita ito sa paglaganap ng kultura ng McDonald. Halos, lahat ng bansa ay laganap ang mga sangay ng McDonald. Binago ng McDonald ang panlasa ng mga mamamayan sa buong mundo upang tangkilikin ang McDonald bilang pangunahing pagkain.

Ayon kay David Ricardo, ang dahilan ng pagkakaiba ng presyo sa pagitan ng bansa ay ang pagkakaiba ng produktibidad. Kung mas produktibo ang mga sangkap sa isang bansa mas mura nila itong nagagamit upang makapagprodyus ng mga murang produkto na nauuwi sa mababang gastos na nagiging batayan ng komparatibong kalamangan ng bansa.


Ngunit ang pananaw na ito ay binatikos nina Hecksher (1919) at Ohlin (1933)  na naghayag  na magkakahawig ang produktibidad ng mga sangkap sa pagitan ng mga bansa dahil gumagamit lamang sila ng parehong teknolohiya sa produksyon. Ang paggamit ng parehong teknolohiya ay inilandad sa rebolusyong industriyal. Sa rebolusyong ito ang teknolohiya ay naililipat sa iba’t ibang lugar na nagnanais ipatupad ang industriyalisasyon. Dahil dito nagiging magkakapareho ang proseso ng produksiyon ng mga bansa.

Ayon kina Hecksher at Ohlin, ang susi sa komparatibong kalamangan ng mga bansa ay nakabatay sa pagkakaiba ng suplay ng mga produktibong sangkap sa pagitan ng mga bansa. May mga bansang sagana sa kapital at ang mga ito ay may komparatibong kalamangan sa produksyon ng mga produktong matindi sa paggamit ng kapital. Samantala, may mga bansang sagana sa paggawa na mas mura nilang naiproprodyus ang mga produktong matindi na paggamit ng paggawa.

Ngunit ang kongklusyon na ito nina Hecksher at Ohlin ay pinahina bunga ng malawakang paglilipat ng kapital at mga manggagawa sa pagitan ng mga bansa sa kasalukuyan. Ang dayuhang kapital ay lumilipat sa mga lugar na matataas ang balik at kulang sa kapital kaya’t ang kasaganaan ng bansang naglipat ng kapital ay kumikitid. Samantala, ang mga dayuhang manggagawa ay naglilipatan sa mga lugar na matataas ang sweldo at kapos sa mga mangagagawa kaya’t lumiliit ang kasaganan ng bansang naglipat ng paggawa.  Dahil sa malawakang paglilipat ng mga produktibong sangkap, ang komparatibong kalamangan batay sa kasaganaan ng mga yaman ay humihina.

Sa harap ng pagpapantay ng mga salik na nagtatakda ng pagkakaiba ng presyo sa pagitan ng mga bansa, may batayan pa ba upang magkalakalan ang mga bansa batay sa komparatibong kalamangan?

- Advertisement -

Sa harap na magkakaparehong kita na nagpapantay sa demand ng mga mamamayan at presyo sa pagitan ng mga bansa, muling nagbabago ang demand hindi dahil sa presyo ngunit batay sa panlasa.  Ang pag-usbong ng mga pinagbagong produkto ay maaaring mauwi sa kalakalan dahil nagkakaroon ng magkakaibang panlasa sa mga pinagbagong produkto sa loob at labas ng bansa.

Sa harap ng pagpapantay ng dami at produktibidad ng mga sangkap sa produksyon sa pagitan ng mga bansa bunga ng paglilipat ng teknolohiya at sangkap, maaari pa ring magkaroon ng kalakalan sa pamamagitan ng pagpapahusay at pagbabago sa mga inililipat na teknolohiya at produktibong sangkap. Ang mga binagong teknolohiya ay hindi lamang nagpapahusay sa proseso ng produksiyon ngunit susi sa paglikha ng mga pinagbagong produkto.

Ang muling pagbabago sa demand, dami at produktibidad ng mga sangkap ay nakabatay sa lawak at lalim ng tao bilang yamang kapital ng mga bansa. Ang tao bilang yamang kapital ang susi ngayon sa komparatibong kalamangan.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -