MALAMANG naka-engkwentro na kayo ng mga elektronikong dokumento (filename) na mayroong “.pdf” sa dulo ng pangalan nito. Kapag binuksan ninyo ito sa loob ng smartphone o computer, ay mababasa niyo ang nilalaman na text, puwede ninyong lagdaan, dagdagan ng ibang mga drawing o disenyo, i-save, at ipasa sa ibang tao.
Kapag naipasa na o naikalat ang isang PDF file, halos hindi na ito madaling baguhin pa ng ibang tao kundi ang pagdagdag lang ng sariling lagda (pirma) at naka-type na text sa anumang font (disenyo ng mga titik, numero, at simbolo).

Iyan ay ang PDF o “Portable Document Format” file na unang inilabas ng kompanyang Adobe noong 1992 para maging madali i-display sa kahit anong monitor ng computer o i-imprenta sa iba’t-ibang printer na gumagamit ng PostScript programming language. Ngayon ay sariling file format na ang PDF na tinatanggap ng halos lahat ng printer sa buong mundo.
May isang software, ang Adobe Reader, na libre (freeware) at sadyang ginawa para kahit sino ay kayang magbasa, mag-print, at sumulat sa loob ng alinmang PDF file. Marami na rin ang mga katulad na software na inilabas ng iba’t-ibang kompanya para makabasa at makapagsulat sa loob ng isang PDF file.
Ang Adobe Acrobat naman ay isang binibili o binabayarang software na pagmamay-ari ng Adobe. Kaya nitong kumuha ng iba’t-ibang uri ng text, font, retrato (photos o raster images), larawan (pictures o graphics), kathang-guhit (vector drawings), at iba’t-ibang uri ng multimedia objects, upang bumuo ng isang PDF file.
Dahil sa PDF, na ipinamigay na walang-kailangan-bayad (royalty-free) ng Adobe at naitakdang ISO 32000 standard sa buong mundo, hindi na magiging mahirap buksan ang mga dokumento sa orihinal na lengguwahe at disenyo ng titik (font style), kasama ang mga retrato at iginuhit na larawan.
Kayo mismo, kung nakapagsulat na kayo ng isang dokumento gamit ang Microsoft Office Word o iba pang wordprocessor na software, pwede rin kayong mag “Print as a PDF file.” Pagkatapos, ang piniling pahina o ang buong sinulat ninyo ay magiging isang PDF file. Kapag ginawa na ninyo ito, maaari na ninyong ipasa ito sa social media o i-attach sa sulatroniko (email).
Ganoon din ang mga larawan na ginawa ninyo gamit ang iba’t ibang drawing software tulad ng Adobe Illustrator, Adobe PhotoShop, at Adobe InDesign, o kahit na ano pang ibang software na ibinibenta ng ibang kompanya. Madali ninyong i-convert ang mga pinaghalong larawan, drawing, at text (tulad ng isang poster drawing) o mga slideshow presentation at gawin itong PDF file.
Ang kakayahan ninyo na magsulat gamit ang isang wordprocessor tulad ng Microsoft Word o mag-drawing gamit ang Corel Draw o Adobe Illustrator ay hindi kumpleto kung hindi kayo marunong ilipat ito sa isang PDF File.
Malamamang, ang iginuhit ninyo sa isang drawing software ay walang katumbas na kopya ng software yung taong padadalhan ninyo ng disenyo ninyo. Paano niya bubuksan iyong file na ginawa ninyo?
Diyan ngayon lalabas ang kahalagahan ng pag-convert ng file na gawa ng drawing software ninyo at gawin itong isang PDF file. Kapag nailipat na ninyo ang disenyo at nakagawa na ng PDF file, maaari na ninyong ipamigay ito sa kahit na sinong kaibigan o kasosyo ninyo.
Halimbawa, magsa-submit kayo ng inyong biodata o resume sa isang kompanya para mag-apply ng trabaho. Padalhan niyo sila ng kopya ng resume niyo sa loob ng isang PDF file!
Malamang mayroon na silang kopya ng Adobe Reader o Adobe Acrobat sa kanilang cellphone o computer. Kung wala pa ay madali at libre nilang maida-download ito at i-install upang buksan at basahin ang inyong PDF file.
Ang mga taong nagnanais maglagda ng kanilang tunay na pirma (handwritten signature) sa mga kontrata bilang katibayan ng kanilang pagsang-ayon ay maaaring gawin iyon sa loob ng isang PDF document. Maaari din sila magpasok ng kasulatan (annotated text) at iba pang disenyo doon sa loob ng PDF file.
Malaking tulong itong dagdag kaalaman sa inyong mga pang-araw-araw na gawain, hindi ba?

