BILANG ama, inuulit ko ang pagkondena sa school shooting na nangyari sa Tacloban. Kinokondena ko rin ang mga kasinungalingang ikinakalat tungkol sa Juvenile Justice and Welfare Act at sa akin.
Hindi nito ginagawang ligtas ang pamilyang Pilipino. Lalo lamang nitong nililito ang mga tao, inililihis ang ating atensyon mula sa mga tunay na solusyon, at ginagamit sa pulitika ang ating pagdadalamhati, lalo na ng mga namatayan at nasaktan.
Tuwing nanlilinlang na “pinakakawalan ng batas ang mga batang pumatay,” nababaling ang galit ng taumbayan mula sa mga tunay na problema: mga baril na napupunta sa maling kamay, mahinang pagpapatupad ng batas, at kakulangan ng suporta para sa ating mga paaralan at komunidad.
Sinasaktan ng ganitong disinformation campaign ang mga karaniwang pamilya, lalo na ng mga namatayan at mga nasaktan. Mas tinatakot at ginagawang less informed ang mga magulang. Binabansagang kriminal na ating mga kabataan, lalo na ang pobre at madaling mapagsamantalahan, na para bang wala na silang pag-asang magbago. Binabalewala rin nito ang pagsisikap ng mga guro, social worker, pulis, at mga hukuman na maayos na ipinapatupad ang batas at pinoprotektahan kapwa ang mga biktima at ang mga batang lumabag sa batas.
Ang pinakamasaklap, unti-unti nitong sinisira ang tiwala natin sa katotohanan at sa ating mga institusyon, kaya mas nagiging madali para sa sinumang pulitiko na takasan ang pananagutan sa pamamagitan ng pagsisinungaling.
Bilang mga ordinaryong mamamayan, hindi tayo maaaring manahimik. Tumanggi tayong magbahagi ng mga hindi beripikadong post, galit na memes, at mga inedit na video na binabaluktot ang katotohanan. Maglaan tayo ng ilang segundo para magbasa muna mula sa mapagkakatiwalaang mga sources bago tayo mag-react.
Kapag may lumilitaw na maling impormasyon sa ating mga family group chat, Viber group ng parokya, o Facebook timeline, mahinahon natin itong itama — hindi para ipahiya ang ating kapwa, kundi para protektahan sila laban sa manipulasyon. Sabay nating panindigan ang mga biktima at ang katotohanan: humihingi ng hustisya para sa mga krimen, habang ipinagtatanggol ang mga batas at repormang nakabatay sa ebidensya at sa dignidad ng bawat bata.
Bilang ama, nakikiusap ako sa kapwa ko mga magulang: Maging tagapagbantay tayo hindi lamang ng kaligtasan ng ating mga anak, kundi pati ng katotohanang kanilang kalalakihan at paniniwalaan.

