30.9 C
Manila
Biyernes, Hunyo 26, 2026

PBBM target ang pinakamalaking dialysis center sa Southeast Asia, tiniyak ang mas maayos na serbisyong dialysis para sa mga Pilipino

- Advertisement -
- Advertisement -

“Pag natapos ito, ito ang magiging pinakamalaking dialysis center sa Southeast Asia.”

Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magkakaroon ang Pilipinas ng pinakamalaking dialysis center sa Southeast Asia sa oras na matapos ang bagong Hemodialysis Building ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City.

Personal na ininspeksyon ng Pangulo ang kasalukuyang konstruksyon ng proyekto at inatasan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na pabilisin ang pagtatapos ng 13-palapag na gusali upang mapalawak ang access ng mga Pilipino sa de-kalidad na serbisyong dialysis.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang lumalaking bilang ng mga Pilipinong may chronic kidney disease (CKD) at ang pangangailangang higit pang palakasin ang mga serbisyong pangkalusugan para sa kanila.

“So ito kasi ay malaking pangangailangan sa ating populasyon dahil over 11 percent ng mga Pilipino ay may chronic kidney disease. Kaya’t kailangang patibayin at palawakin natin ang ating serbisyo laban sa CKD,” ani Pangulong Marcos.


Ayon sa Pangulo, ang bagong gusali ay magkakaroon ng 200 state-of-the-art dialysis machines na inaasahang magpapalakas sa kapasidad ng NKTI na makapagbigay ng serbisyong dialysis.

Sa katunayan, target na magsimula itong tumanggap ng mga pasyente bago matapos ang 2027.

Bukod sa pagtatayo ng mga pasilidad pangkalusugan, sinabi rin ni Pangulong Marcos na pinalalawak ng pamahalaan ang suporta sa mga pasyenteng may CKD sa pamamagitan ng mas mataas na benepisyo mula sa PhilHealth.

Katunayan, itinaas ng PhilHealth ang taunang saklaw ng hemodialysis sessions mula 90 hanggang 156, habang tinaasan din ang benepisyo kada session mula PhP4,000 hanggang PhP6,350.

- Advertisement -

Pinalawak din ang Z Benefit Package ng PhilHealth para sa mga pasyenteng sumasailalim sa dialysis.

Umaabot na ngayon sa PhP389,640 hanggang PhP500,140 kada taon ang benepisyo para sa mga adult patient at PhP510,000 hanggang PhP1.2 milyon naman para sa mga pediatric patient.

“Meron na rin tayong 904 accredited na dialysis center sa buong Pilipinas kaya ito ay makakapagserbisyo sa ating mga kababayan na naghihirap dahil sa CKD. Kaya patuloy nating ginagawa ito. Ang schedule nito, dapat beginning of 2027 ay magsisimula na ito. A year after that, matatapos na at puwede na itong tumanggap ng mga pasyente,” ani Pangulong Marcos.

Binigyang-diin ng pangulo na bahagi ang mga hakbanging ito ng patuloy na pagsisikap ng administrasyon na palakasin ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan, mapalawak ang access sa life-saving dialysis treatment, at mabawasan ang gastusin ng mga pasyente at kanilang mga pamilya. | PND

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -