(Una sa 2 bahagi)
ANO nga ba ang nangyayari sa loob ng utak ng mga bata kapag binabasahan sila ng kuwento? May mga areas ba ng developing brain nila na naa-activate ng kuwento? Tama bang isipin na lahat ng uri ng pagkukuwento ay mainam para sa kanila? O may paraan ng pagkukuwento na hindi akma para sa kanilang development? Alamin natin ang tinatawag na ‘Goldilocks effect’ kapag kinukuwentuhan natin ang mga bata.
Pero sino na nga ba ulit si Goldilocks? Muli nating balikan ang kuwento ni ‘Goldilocks and the Three Bears.” May tatlong oso na nakatira sa gitna ng kagubatan: sina Papa Bear (na malaki), Mama Bear (na medyo malaki), at Baby Bear (na maliit). Isang araw, matapos magluto ng lugaw at bago kumain, naisip ng pamilyang oso na maglakad-lakad sa kagubatan habang hinihintay nilang medyo lumamig ang lugaw. Noon naman nadaanan ni Goldilocks ang bahay ng mga oso. At dahil parang walang nakatira rito, kanya itong pinangahasang pasukin!
Sa loob ng bahay, pinakialaman ni Goldilocks ang mga gamit ng pamilya ng oso. Nakita niyang may nakahaing lugaw sa mesa. Una niyang tinikman ay ang lugaw ni Papa Bear (na sa tingin niya ay masyadong mainit), ang kay Mama Bear naman ay masyadong malamig, ngunit ang kay Baby Bear ay sakto lang (di gaanong mainit, di gaanong malamig). At kanya itong inubos! Sunod niyang pinakialaman ay ang silyang upuan ng tatlo: sobrang tigas ang silya ni Papa Bear, sobrang lambot naman ang kay Mama Bear, pero ang silyang pag-aari ni Baby Bear ang sakto lang para sa kanya. Just right, sabi nga. Inupuan niya agad ito. Pero dahil mabigat si Goldilocks, hindi siya kinaya ng silya at agad itong nabali.
Sa pagod, sinubukan naman ni Goldilocks ang kamang higaan ng tatlong oso. Masyadong mataas sa dakong ulunan ang kama ni Papa Bear. Masyadong mataas naman sa dakong paanan ang kay Mama Bear. Ang kama ni Baby Bear ang sakto lamang o ‘just right’ sa kanya. At siya’y nakatulog habang nakahiga rito. Dito na siya dinatnan ng tatlong oso. Nang magising at makitang napaliligiran ng pamilya ng mga oso, sa takot ay napahiyaw at nagmamadaling umalis na si Goldilocks.
Bakit ko kayo kinuwentuhan ng ‘Goldilocks and the Three Bears’? May kaugnayan kasi ito sa nangyayari sa loob ng utak ng mga bata kapag sila’y nakikinig sa kuwento. May klase raw ng storytelling na ‘too hot’ para sa mga bata, may ‘too cold’ din, at may ‘sakto’ lang (‘just right’, sab inga). Maihahalintulad ito sa ginawang pagtasa ni Goldilocks sa loob ng bahay ng pamilyang oso. Isang pag-aaral ang ginawa ni Dr. John Hutton, isang pediatrician sa Cincinnati Children’s Hospital sa Amerika, tungkol sa epekto ng iba’t ibang anyo ng storytelling sa mga bata. Nakatuon ang kanyang pag-aaral sa ‘emergent literacy’ o sa ‘proseso ng pag-aaral bumasa’.
Naging kabahagi ng naturang pag-aaral ang 27 bata na halos apat na taong gulang. Lahat sila’y sumailalim sa MRI machine at sila’y kinuwentuhan sa ilalim ng tatlong kondisyon: Una ay ‘yung boses lang ng storyteller ang napapakinggan (audio only). Pangalawa, may ipakikita sa bata na makukulay na ilustrasyon sa aklat habang may nagkukuwento (audio voiceover). Pangatlo, pinapanood nila ang mga batang ito ng isang animated cartoon.
Sinasabing habang nakatutok ang atensiyon ng mga bata sa kuwento, ang MRI machine ay naghahanap ng mga lugar na naa-activate ng kuwento o storytelling sa loob ng brain networks ng mga bata (at ang connectivity sa loob ng mga naturang networks). Nais nitong alamin kung ano-anong brain networks ang naiimpluwensiyahan ng kuwento.
Heto ang mga ‘brain networks’ na inaasahan ng mga researchers na maa-activate ng kuwento: una ay ang language, pangalawa ay ang visual perception, pangatlo ang visual imagery, at ang pang-apat ay ang tinatawag na ‘default mode’ network’ (kung sabihi’y ito ang ‘seat of the soul, internal reflection – how something matters to you”). Ang sinasabing ‘default mode network’ ay nagiging aktibo kapag ang isang tao’y hindi aktibong nakapokus sa isang mental task sa outside world.
Matapos na daanan ng mga bata ang tatlong approaches ng pagkukuwento, heto ang naging resulta ng naturang experimentation. Sa paraan ng pagkukuwento na nakikinig lamang ang bata (audio-only condition), na-activate naman ang language network pero bawas o kulang ang connectivity sa pangkalahatan. Medyo nahihirapang makaunawa ang bata. Sinasabi ng mga researchers na ito ay ‘too cold.’
Sa kabilang banda, kung saan pinapanood ang mga bata ng animated cartoon, napansin na masyadong matindi ang aktibidad sa “audio at visual perception” network. Pero ang nakapagtataka, hindi ganoon karami ang naging connectivity sa iba’t ibang brain networks. Hindi makahabol ang language network sa kuwentong inilalahad ng animated cartoon. Nakita ng mga mananaliksik na ang animation na lang halos ang lahat nang gumagawa para sa bata. Hindi na halos nakikibahagi ang iba pang brain networks ng bata. Bukod sa apektado ang language network, natuklasan nila na lubos ding apektado ang pang-unawa ng mga bata sa kuwento kapag hinarapan sila ng animated cartoon. “Too hot!” Ganiyan ang tingin nila sa ganitong klase ng stimulation sa utak ng mga bata.
Naisip ko tuloy na posibleng hindi lang sa panonood ng animated cartoon maging ‘too hot’ ang mga kuwento. Puwede rin ito sa mga online games na kinahuhumalingan ng maraming bata’t kabataan ngayon. Sa dami ng images na nakikita sa screen at sa mga tunog na nalilikha ng mga ito, maraming brain networks ang maaaring nagkakabuhol-buhol o hindi gumagana nang maayos kaya’t apektado ang connectivity. May nangyayaring ‘overstimulation’ sa utak ng mga batang nahihilig maglaro ng video games o iba pang online games.
Sa pangatlong kondisyon, kung saan pinakikitaan ng mga drowing mula sa aklat ang mga batang kinukuwentuhan o binabasahan, natuklasan ng mga mananaliksik na ito ang approach na sakto lang. Just right, sabi nga. Not too cold, not too hot. Hindi lang basta sa teksto (o sa mga salita) nakapokus ang atensiyon ng mga bata kundi sa kaakibat nitong ilustrasyon/drowing. Ang pag-unawa ng mga bata sa kuwento ay naihahatid din sa pamamagitan ng pagtingin ng bata sa mga drowing (may mga clues siyang napupulot sa mga ito).
Pagdating sa isyu ng connectivity, sa pangatlong approach ng pagkukuwento, nabatid ng mga mananaliksik na tumaas o gumanda ang connectivity sa lahat ng brain networks na tinitingnan nila: sa visual perception, sa visual imagery, sa language, at sa default mode. Patunay na ito ang tamang approach sa pagkukuwento sa mga bata. Mabisa ang pagkukuwento na book-based. Habang nakikinig ang bata sa mother/teacher/storyteller, ang kanyang mga mata naman ay nakatingin sa mga larawan sa pahina ng aklat.
Sabi nga ni Goldilocks nang tikman niya ang lugaw ni Baby Bear sa iba’t ibang mangkok na nasa mesa, ‘this is just right; not too cold, not too hot.’ Maging gabay sana natin ang ‘Goldilocks effect’ sa ating paraan ng pagkukuwento sa mga bata. Bagama’t maganda ang intensiyon natin na mahatdan ng magagandang kuwento ang mga paslit, dapat din tayong maging mindful kung naihahatid nga ba natin ito nang maayos at epektibo sa kanila.
(May karugtong)

