BILANG isang kapuluan, ang Pilipinas ay napapaligiran ng katubigan. Marami rin itong inland waters na higit na nagpalawak sa saklaw ng mga mamamayang nakasandig sa yamang-tubig bilang rekurso at kabuhayan. Sa balangkas ng hindi patas na sistemang panlipunan, maraming kaakibat na hamon ang paninirahan at paghahanap-buhay sa kaligiran at kapaligirang ito. Ang mga sumusunod ay ilang tala ng mga paninindigan at panawagan upang makapagsulong ng aquatic reform. Alinsunod ito sa layuning maitaguyod ang adyendang pampangisdaan at pangkaunlararan na titiyak sa kanilang kabuhayan, kaginhawahan at kinabukasan.
- Kilalanin ang malaking ambag ng mga mangingisda sa food security at food self-sufficiency ng bansa.
- Tugunan ang ugat ng kahirapan na pumeperwisyo sa hanay ng mga maliliit na mangingisda. Sa katotohanan, kabilang ang mga subsistence at municipal fisherfolk sa tinatawag na “poorest of the poor.”
- Bigyan ang mga namamalakaya ng proteksyong legal na nakabatay sa katarungang panlipunan at karapatang pantao.
- Proteksyonan ang nakatakdang teritoryo (territorial rights) para sa mga munisipal na pangisdaan mula sa panghihimasok ng korporisado at dayuhang interes.
- Paunlarin ang mga postharvest facility kasama ang ice plant at cold storage upang mapahaba ang shelf-life ng mga huling isda.
- Paunlarin ang imprastraktura at teknolohiya sa mga fish port at fish terminal at tiyaking nagsisilbi ang patakaran at kalakaran dito sa interes ng mga mangingisda.
- Paglaanan ng tulong pampinansiya ang sektor ng pangisdaan sa pamamagitan ng alokasyon ng badyet (appropriation), pagpapautang (credit) at pagseseguro (insurance).
- Bigyan ng ayuda ang mga maliliit na mangingisda sa porma ng bangka at mga kagamitan sa pangingisda (boat and fishing gears).
- Bigyan ng sapat na fuel subsidy ang mga namamalakaya lalo na tuwing may krisis dahil gumagamit din sila ng petrolyo (diesel, gasolina at kerosina) sa kanilang pagpalaot.
- Palakasin at suportahan ang mga fishing association at cooperative na nagtataguyod ng kapakanan ng kanilang sektor.
- Suportahan ang mga backward at forward linkage sa sektor ng pangisdaan. Kabilang sa backward linkage ang paggawa ng bangka, lambat, sagwan at iba pa. Nakapaloob naman sa forward linkage ang post-harvest facilities, fish processing, fish trade at iba pa.
- Isulong ang coastal resource management (CRM) na tunay na pinangungunahan at pinangangasiwaan ng komunidad.
- Itaguyod ang fish processing subsector upang masuportahan ang mga nagtitinapa, nagtutuyo, nagdadaing, nagbuburo at nagbabagoong. Bukod sa maunlad na postharvest facility ay may malaking ambag din ang fish processing upang maiwasan ang pagkaaksaya ng pagkain sa antas ng produksyon (food loss).
- Kilalanin ang mahalagang papel ng mga kababaihan sa sektor pampangisdaan kabilang ang mga nasa larangan ng net-mending, fish processing, fish preservation at iba pa.
- Unawain kung gaano kamapanganib ang pangingisda. Sa katunayan, may kasabihan na ang isang paa ng mga mangingisda ay mistula nang nasa hukay dahil sa mga kaakibat na peligro ng kanilang trabaho.
- Protektahan ang kalikasan dahil dito nakasandig ang buhay at kabuhayan ng mga mangingisda at ng kanilang pamilya at komunidad.
- Tugunan at ugatin ang mga problemang pangkalikasan kagaya ng siltation, acidification, heavy metal contamination, fish kill, overfishing at coral reef destruction.
- Tugunan ang panganib na hatid ng climate risks sa mga bulnerableng mamamayan sa mga komunidad sa dalampasigan.
- Pag-aralan at tugunan ang pinsalang hatid ng unsustainable dredging, offshore quarrying at reclamation sa buhay at kabuhayan ng mga komunidad sa lugar pangisdaan.
- Palakasin ang disaster risk reduction and management (DRRM) sa mga fishing community upang hindi sila maging bulnerable sa kalamidad.
- Paunlarin ang early warning system sa mga coastal village upang makaiwas sa panganib at pinsala.
- Protektahan ang mga mangingisda laban sa mga pirata sa dagat at mula sa laganap na nakawan ng mga kagamitang pangisda.
- Tukuyin at sumahin ang buong kagastusan (o total input cost) ng mga maliliit na mangingisda upang ganap na maunawaan ang bigat ng kanilang pasaning pangkabuhayan at pampinansiya.
- Tiyaking napapanahon ang mga estadistika sa industriya ng pangisdaan upang maging evidence-based ang policy reform sa larangan.
- Magsagawa ng mode of production (MoP) research upang maging evidence-based ang development agenda para sa sektor pampangisdaan.
- Magsagawa ng participatory action research (PAR) katuwang ang mga mangingisda sa buong yugto ng pananaliksik mula konseptuwalisasyon hanggang diseminasyon.
- Tiyaking may kinatawan ang mga mangingisda sa mga isinasagawang fisheries summit at poverty summit upang maging ganap na demokratiko at hindi lamang maging tokenismo ang esensiya ng mga gawaing ito.
- Bumalangkas ng mga patakaran na tunay na nagsisilbi sa interes ng mga namamalakaya mula sa bayatang sektor.
- Tingnan ang dugtungan ng mga pangkalikasang sistema sa pamamagitan ng pag-unawa rito gamit ang ridge-to-reef approach.
Pansinin ang epekto ng mga mapaminsalang pagmimina at pagtotrosong nagaganap sa kabundukan sa ekolohiya at mga mamamayan sa dalampasigan. - I-regularisa ang mga over-efficient at over-extractive na fishing technology na humahantong sa overfishing at nagreresulta sa pagkahuli ng mga non-target species kagaya ng sea turtle at dolphin.
- Palaganapin ang mga likas-kayang paraan ng pangingisda at itaguyod ang local ecological knowledge (LEK).
- Iwasan ang pagsandig sa dominanteng sistema ng aquakultura na umaabuso sa paggamit ng synthetic feeds at antibiotics.
- Labanan ang mga illegal fishing practice dahil banta ang mga ito sa kabuhayan, kaligtasan, kalusugan, kaginhawahan at kalikasan.
- Lansagin ang sistemang middleman upang mapababa ang presyo ng isda sa merkado.
- Palakasin ang pag-oorganisa ng mga komunidad upang mas maigiit ng mga mamamayan mula sa sektor pampangisdaan ang kanilang interes at ipinaglalaban.
- Palakasin din ang solidaridad ng mga fish producer at fish consumer.
- Ipaglaban ang pambansang patrimonya upang maprotektahan ang kapakanan at kabuhayan ng mga mamamayan sa sektor ng pangisdaan.
- Kaugnay ng nauna, protektahan ang food sovereignty ng sektor ng pangisdaan at ng bansa laban sa mga mapaniil na patakaran at panghihimasok ng mga dayuhan.
- Bumuo at suportahan ang mga party-list na tunay na kakatawan/kumakatawan sa mga batayang sektor sa industriya ng pangisdaan.
- Suportahan ang mga kurso at pananaliksik kaugnay ng fisheries, coastal sustainability at water governance.
- Palakasin ang interdisiplinaryong dulog sa pag-aaral at pagtugon sa usapin at adyendang pampangisdaan.
- Paigtingin ang solidaridad sa hanay ng namamalakaya para kolektibong maigiit ang kanilang mga panawagan ng pagbabago.
- I-mapa ang mga nagtatambalan at nagtutunggaling pang-ekonomiya at pampolitikang puwersa sa sektor ng pangisdaan sa partikular at lipunan sa pangkalahatan upang mas maunawaan ang nananaig na relasyon sa kapangyarihan.
- Hamunin ang hindi pantay na akses sa rekurso na nagpapasahol sa pang-ekonomikong agwat sa pagitan ng mga mangingisda at dambuhalang negosyo. Pinalalala nito ang economic dualism sa sektor pampangisdaan.
Bilang pagbubuo(d), dapat isaisip at isadamdamin na hindi maituturing na maunlad at makatarungan ang isang lipunan kung nagugutom ang mismong nagpapakain sa buong sambayanan. Maituturing ito na hindi lamang pangkabuhayang usapin kundi moral at etikal na alalahanin din.
Para sa inyong mga reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected].

