KINILALA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Martes ang natatanging paglilingkod ni General Romeo Brawner Jr., bilang ika-60 Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at nagpahayag ng kumpiyansa na magpapatuloy ang kanyang dedikasyon sa paglilingkod sa bayan kahit matapos ang kanyang aktibong serbisyo sa militar.

Sa AFP Change of Command and Retirement Ceremony, pinuri ng Pangulo si Brawner sa kanyang pamumuno sa AFP dahil sa pagpapatupad ng mahahalagang reporma at mga programa sa modernisasyon.
Si Brawner ang kauna-unahang AFP Chief of Staff na nakatapos ng nakatakdang tatlong taong termino alinsunod sa Republic Act No. 11939.
“General Brawner, maraming salamat sa iyong tapat at marangal na pagse-serbisyo. Hindi naging madali ang iyong paglilingkod. Ngunit sa bawat pagsubok, ipinakita mo ang katatagan, disiplina, at pagmamahal sa ating bayan. We honor General Romeo Brawner Jr., whose decorated career reflects discipline, courage, and fidelity to duty,” ani Pangulong Marcos.
“As you retire from active military service, we know that your devotion to our nation will continue beyond the ranks you have so honorably served. For service to country is not confined to a uniform or a position; it is a lifelong calling,” dagdag ng Pangulo.
(Sa iyong pagreretiro sa aktibong serbisyo militar, batid naming magpapatuloy ang iyong debosyon sa ating bansa kahit wala ka na sa hanay ng Sandatahang Lakas. Sapagkat ang paglilingkod sa bayan ay hindi lamang nakatali sa uniporme o sa isang posisyon — ito ay isang habambuhay na panata.)
Ayon sa Pangulo, pinalakas ni General Brawner ang internal security operations ng Sandatahang Lakas, pinaigting ang presensya ng bansa sa West Philippine Sea, pinalawak ang defense cooperation, isinulong ang modernisasyon ng militar, at tiniyak ang mabilis na pagtugon ng AFP sa mga kalamidad at iba pang emergency.
Sinabi rin ng Commander-in-Chief na iiwan ni General Brawner ang isang mas matatag at mas mahusay na Sandatahang Lakas na handang harapin ang mga hamon sa seguridad sa hinaharap.
Inilarawan din ni Pangulong Marcos ang seremonya bilang mahalagang yugto ng transisyon, kung saan nagtatapos ang panunungkulan ng isang natatanging lider habang isa namang bagong pinuno ang umaako sa mabigat na responsibilidad ng pamumuno sa Sandatahang Lakas.
“This ceremony marks not only the transition of leadership in the Armed Forces but also an opportunity to honor a soldier whose service has helped strengthen the institution that he now entrusts to the next generation of military leaders,” dagdag ng Pangulo.
(Ang seremonyang ito ay hindi lamang sumasagisag sa pagpapalit ng liderato sa Sandatahang Lakas, kundi nagsisilbi ring pagkakataon upang parangalan ang isang sundalo na ang kanyang paglilingkod ay nagpatatag sa institusyong ngayon ay ipinagkakatiwala niya sa susunod na henerasyon ng mga lider ng militar.)
Sinabi ni Pangulong Marcos na sa ilalim ng pamumuno ni General Brawner, pinaigting ng AFP ang internal security operations nito sa pamamagitan ng pagbuwag sa mga guerrilla front ng mga komunistang terorista at makabuluhang pagpapahina sa puwersa ng mga lokal na grupong terorista.
“The Armed Forces sustained a steadfast presence in the West Philippine Sea through maritime and air patrols, asserting our sovereignty and sovereign rights. The AFP also strengthened cooperation with allies and partners, enhanced interoperability through joint exercises, and advanced strategic communications to counter misinformation,” pahayag pa ng Pangulo.
(Napanatili ng Sandatahang Lakas ang matatag na presensya nito sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng mga pagpapatrolya sa dagat at himpapawid upang igiit ang ating soberenya at sovereign rights. Pinalawak din ng AFP ang kooperasyon sa mga kaalyado at katuwang, pinahusay ang interoperability sa pamamagitan ng magkasanib na pagsasanay, at pinalakas ang estratehikong komunikasyon laban sa maling impormasyon.)
Idinagdag pa ng Pangulo na sa tuwing may kalamidad, tiniyak ni General Brawner na ang mga sundalo ng AFP ang nangunguna sa pagtugon—sa lupa, dagat, at himpapawid — upang magligtas ng buhay, maghatid ng tulong, at magbigay ng pag-asa sa mga naapektuhan.
“Through your leadership, the AFP modernized its capabilities, strengthened its readiness, and upheld the highest standards of service. As you conclude your military career, you leave behind an Armed Forces that is more capable and better prepared for the challenges ahead,” dagdag pa ng Pangulo.
(Sa ilalim ng inyong pamumuno, higit na napalakas ng AFP ang mga kakayahan nito, pinahusay ang kahandaan ng hukbo, at itinaguyod ang pinakamataas na pamantayan ng paglilingkod. Sa pagtatapos ng iyong karera sa militar, iiwan mo ang isang Sandatahang Lakas na mas matatag, mas mahusay, at higit na handang harapin ang mga hamon sa hinaharap.)
“So, may you continue to serve wherever the next path may lead, carrying with you the same honor, resolve, and integrity that defined your military career. The Filipino nation thanks you. We salute you. And we wish you and your family every blessing in the years ahead,” pagtatapos ni Pangulong Marcos.
(Nawa’y magpatuloy kang maglingkod saan ka man dalhin ng susunod na yugto ng iyong buhay, taglay ang parehong dangal, katatagan, at integridad na naging tatak ng inyong karera sa militar. Nagpapasalamat sayo ang sambayanang Pilipino. Nagpupugay kami sayo. Nawa’y pagkalooban ka at ang iyong pamilya ng masaganang biyaya sa mga darating pang taon.) | PND

