28.7 C
Manila
Miyerkules, Hulyo 22, 2026

PBBM, inatasan ang DMW na tulungan ang mga pamilya ng mga seafarer na nasawi sa kaguluhan sa Middle East

- Advertisement -
- Advertisement -

INUTUSAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Migrant Workers (DMW) na ibigay ang lahat ng posibleng legal na tulong sa mga pamilya ng mga Pilipinong seafarer na nasawi sa gitna ng kaguluhan sa Middle East.

Sa press briefing sa Malacañang nitong Martes, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na inatasan ng Pangulo si DMW Secretary Hans Leo Cacdac na agad na makipag-ugnayan sa mga pamilya ng mga nasawing seafarer at tiyaking maibibigay ang lahat ng legal na tulong at iba pang kinakailangang suporta.

“Ang DMW, ayon kay Secretary Hans Cacdac, ay inaalam kung may nangyaring pagre-report para sa proteksyon ng ating mga Filipino seafarers. Kapag nalaman nila na may nag-violate na local manning agencies o foreign principals, maaari silang matanggalan ng lisensya,” ani Castro.

Nauna nang iniulat ng DMW na dalawang Pilipinong seafarer ang nasawi sa mga drone strike sa mga barkong naglalayag sa Northern Black Sea.

Sinabi rin ni Castro na sinusuri ng DMW kung nasunod nang maayos ang mga protocol sa deployment at proteksyon ng mga seafarer, kabilang kung may naunang ulat tungkol sa mga panganib na kinakaharap ng mga manggagawang Pilipino.


Dagdag pa ng opisyal, patuloy na iniimbestigahan ng pamahalaan ang mga pangyayari kaugnay ng insidente upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipinong seafarer, lalo na ang mga nagtatrabaho sa mga lugar na apektado ng kaguluhan.

Samantala, ikinatuwa ni Castro ang ulat na apat na barkong nakarehistro sa Pilipinas ang matagumpay na nakatawid sa Strait of Hormuz sa kabila ng umiigting na tensyon sa rehiyon.

Aniya, positibong balita ito, lalo na’t may naabot na kasunduan ang Pilipinas at Iran hinggil sa ligtas na pagdaan ng mga sasakyang-dagat na may sakay na mga Pilipinong seafarer.

“Magandang balita rin naman po iyan. Nakakatuwa po iyan dahil alam din po naman natin kung ano ang naging agreement natin sa bansang Iran,” dagdag ni Castro.

- Advertisement -

Tinitingnan na din aniya ngayon ni Secretary Cacdac kung naayos ang pag-uulat ng mga barko hinggil sa presensya ng mga Pilipinong seafarer na sakay ng mga ito, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na matiyak ang kanilang kaligtasan habang naglalayag sa Strait of Hormuz.

Nauna nang iniutos ni Pangulong Marcos sa mga ahensya ng pamahalaan na unahin ang kaligtasan at kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFW), lalo na ang mga nagtatrabaho sa mga lugar na may nagaganap na karahasan. | PND

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -