MAHIGIT sa isang milyong taga-suporta ng UniTeam ang dumalo sa huling miting de avance nina presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at kanyang running mate Inday Sara Duterte bilang pagtatapos sa opisyal na campaign period na idinaos sa Solaire open grounds, Parañaque City nitong Sabado.
Matagumpay na nagtapos ang pangangampanya ng UniTeam na nagsimula noong Pebrero 8, 2022, matapos nitong mahigitan ang crowd estimate sa lahat ng kanilang rally sa nagdaang 90-day na campaign trail.
Bilang pagtatapos ay pinasalamatan ni Marcos, na number 7 sa opisyal na Comelec ballot at halos tiyak na ang panalo base sa mga survey, ang kanilang mga taga-suporta.
Bago ang pangatlong miting de avance ay nagsagawa din ang BBM-Sara UniTeam ng miting de avance sa Guimbal, Iloilo nitong May 3 at sa Tagum, Davao del Sur nito lang May 5.
Ayon kay Marcos, ang matagumpay na miting de avance sa Luzon, Visayas at Mindanao ay dahil sa mainit na pagtanggap na ibinigay ng kanilang milyong taga-suporta na hindi sila iniwan sa buong kampanya.
Lubos na nahigitan ng pagdaraos na ito ang ginanap na grand rally sa Cebu noong Abril dahil umabot sa isang milyon ang dumalo sa miting de avance sa Parañaque City.
Tila nagkulay pula ang Solaire grounds dahil sa dami ng tao na pumunta para mapanood at makita ang UniTeam pati na rin ang mga performers na gaya nina Toni Gonzaga, Andrew E., Willie Revillame, Dulce, Cris Villongco, Kris Lawrence, Geneva Cruz, at iba pang artista.
Sa huling pagkakataon ay pinasaya ni Pinoy Rap Master Andrew E. ang mga taga-suporta sa kanyang unique style ng pag-rap at nagparinig pa na tila landslide win ang UniTeam sa darating na halalan.
Isang 15-minuto na fireworks display din ang itinampok sa naturang pagtitipon na sinamahan ng world-class synchronized drone show bago awitin ni Toni Gonzaga ang kanyang version ng UniTeam theme song na Umagang kay Ganda.
Sinamahan si Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer ng kanyang asawa na si Louise Araneta-Marcos, at mga anak na sina Vincent, Sandro, at Simon.
Sa kanyang talumpati, nagpahayag ng pasasalamat si Marcos sa pagtanggap ng mga tao sa kanilang mensahe ng pagkakaisa.
“Maraming -maraming salamat po at dito sa ating kahuli-hulihang rally, ang ating miting de avance ay nagpakita muli ang lahat ng ating kababayan na kasama ninyo ay nasa likod at lakas ng suporta ng madlang Pilipino sa UniTeam at saka sa tambalang Marcos-Duterte,” sabi niya.
“Inaantay natin na masabi na dumating na ang araw na… Napaganda na natin ang buhay ng ating mga kababayan dahil tayo ay tumulong, dahil tayo ay nagkaisa. At pagdating ng araw na yan ay tayong mga Pilipino ay magmamalaki ulit, sasabihin sa ating mga kaibigan, sa buong mundo tignan nyo kami mga Pilipino dumaan sa krisis at hindi kami nakaraos lamang, kami ay sumikat pa at nalampasan na natin kesa dun bago pa nagkaroon ng pandemya,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Marcos na ang pagsuporta sa UniTeam at pagboto ay simbolo ng pagkakaisa at muling pagbangon ng bansa.
“Alalahanin din po ninyo na ang suporta po ninyo sa UniTeam, para sa tambalang Marcos at saka Duterte ay hindi lamang suporta para sa mga kandidato. Ito ay suporta sa pagkakaisa. Ito ay suporta para sa pagunlad ng Pilipinas. Ito ay suporta sa magandang kinabukasan,” pagbibigay diin niya.
Hinikayat din ni Marcos ang mga Pilipino na protektahan ang kanilang boto at siguraduhing makakaboto sila sa darating na Lunes upang makapili ng sa tingin nila ay ang mga susunod na lider ng bansa.
Dumalo din sa miting de avance ang mga UniTeam Senate bets na sina #8 Herbert “Bistek” Bautista, #27 Jinggoy Estrada, #29 Atty. Larry Gadon, #30 Senator Win Gatchalian, #33 Gringo Honasan, #49 Robin Padilla, #54 Harry “Spox” Roque, #57 Gibo Teodoro, #62 Mark Villar, #64 Migz Zubiri, at Sagip Partylist representative Rodante Marcoleta.
Si dating senador at #40 Loren Legarda, ay nagpadala naman ng video message para sa madla.
Sa buong campaign period, nakuha ng UniTeam ang suporta ng 90 percent or 73 out of 81 na mga gobernador sa buong bansa, karamihan ay mula sa mga vote-rich provinces.
Pati ang dominant party sa Cebu na One Cebu ay nangako ng suporta para sa tambalang Marcos-Duterte mula sa mahigit 3.2 million ang registered voters sa lalawigan.
Landslide victory din ang pangako ng mga gobernador ng Cavite at Laguna kung saan nakikita nilang makakakuha ng 2.4 million na boto ang ang tambalang BBM- Sara UniTeam.
Sa probinsiya ng Bulacan, 18 sa 24 na alkalde ang pumirma ng manifesto na sumusuporta sa malakas na tambalan at nangakong magbibigay ng majority votes mula sa mahigit 2 million registered voters nila.
Maliban sa malakas na alyansa mula sa iba’t ibang political party, nananatili din ang lamang ni Marcos at Duterte sa mga isinagawang pre- election survey.
Nakakuha si Marcos ng malaking kalamangan sa mga survey mula sa Laylo Research kung saan nakakuha siya ng 64%, Pulse Asia na may 56%, Social Weather Stations na may 54%, Octa Research na may 58%, PUBLiCUS Asia na may 54%, at Tangere na may 51%.
Ang malinaw na mensahe ni Marcos gaya ng pagkakaisa ng mga Pilipino ngayong pandemiya ang isa sa nakikitang dahilan ng mga political analyst kung bakit maaring manalo ang UniTeam ngayong halalan.
Ayon sa mga ito, mas lalong nakatulong ang pananatiling matatag ni Marcos at Duterte sa kabila ng sari-saring batikos na kanilang natanggap na siyang nagustuhan ng mga Pilipino.
Ang plataporma ng UniTeam ay nakatutok sa pag-ahon ng bansa mula sa pandemiya kung saan kanilang uunahin ang agrikultura, paggawa ng trabaho, edukasiyon, kabataan, pabahay, imprastraktura, digital infrastructure, enerhiya, turismo, pangkalusugan, OFW welfare, COVID-19 response at national security.
Nangako din si Marcos at Sara na kanilang ipagpapatuloy ang mga magagandang nasimulan ni President Rodrigo Roa Duterte gaya ng Build, Build, Build Program.
Kung siya ay papalaring manalo, gagawa si Marcos ng kasaysayan bilang unang mayorya na nahalal na pangulo sa ilalim ng multi-party system.
Sina actress-comedienne Ai Ai Delas Alas at comedian Bayani Agbayani ang naging host sa lahat ng miting de avance ng UniTeam.