Maging ang mga lisensyadong Philippine Overseas Gaming Operators (POGOs) sa bansa ay nag-underdeclare ng kanilang bayaring buwis sa gobyerno base sa pagkakaiba ng gross gaming revenues na kanilang isinumite sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), ayon kay Senador Win Gatchalian.
Sabi ng senador, mas mataas na buwis sana ang nakolekta ng gobyerno mula sa mga lehitimong POGO kung naging mas tapat sila sa kanilang mga transaksyon sa BIR at PAGCOR.
“Nakakapanghinayang na kahit ang mga lehitimong POGO ay naging pabaya sa pagbabayad ng tamang buwis. Naglagay na nga tayo ng isang tax regime para sa mga POGO upang mabawasan ang mga hindi nakolektang buwis na dapat bayaran sa gobyerno. Nakakalungkot na kahit ang mga lisensyadong POGO ay patuloy na binabalewala ang tamang pagbabayad ng buwis,” giit ni Gatchalian.
Base sa kanyang pag-aaral, may tinatayang tax leakage na umaabot sa P1.9 bilyon dahil sa pagkakaiba ng gross gaming revenue na iniulat ng BIR at PAGCOR mula sa mga POGO mula Enero hanggang Agosto ngayong taon.
Aniya, ang indicative gross gaming revenue mula Enero hanggang Agosto ngayong taon, batay sa 5% gaming tax na ibinayad sa BIR ng POGO operators, ay umabot sa P28.36 bilyon.
Pero umabot sa P66.67 bilyon ang gross gaming revenue mula sa binayarang 2% na regulatory fee sa PAGCOR sa parehong panahon. Higit pa rito, ang mga account receivable ng PAGCOR mula sa mga POGO ay tinatayang nasa P2.3 bilyon mula Enero hanggang Agosto ng taon.
“Ipinapakita ng ating pananaliksik na hindi natin nakakamit ang benepisyo ng pagpasok ng mga POGO operators sa bansa. Panahon na para isaalang-alang natin ang pagbuo ng iba pang mga industriya na sustainable, high-yielding, at pangmatagalang negosyo,” aniya.
Binigyang-diin ni Gatchalian na ang mga foregone revenues mula sa POGO operators ay maaaring nagamit sana para mapahusay ang healthcare system ng bansa ayon sa itinatadhana ng batas. Ang mga nasabing foregone revenues ay partikular na importante dahil patuloy na nakikipaglaban ang bansa sa COVID-19 pandemic, aniya.
Sinabi pa ng senador na sa ilalim ng Republic Act 11590, o ang Act Taxing POGOs, 60% ng kabuuang kita na nakolekta mula sa gaming tax sa offshore gaming licensees ay dapat ilaan sa sumusunod na paraan: 60% para sa pagpapatupad ng Universal Health Care Act, 20% para sa Health Facilities Enhancement Program (HFEP), at isa pang 20% para sa pagkamit ng Sustainable Development Goals (SDG).