LUNGSOD NG DUMAGUETE, Negros Oriental — Sa pakikipagtulungan ng pamahalaang lungsod ng Dumaguete, matagumpay na nakapagsagawa ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa ilalim ng pamumuno ni chairperson at chief-executive-officer Undersecretary Elpidio Jordan Jr. ng urban agriculture training para sa mga accredited informal settler family (ISF) organization sa Negros Oriental.
Pinangunahan ang training session, na itinanghal sa conference room ng Building 2 ng Dumaguete City Public Market, ng PCUP Visayas sa pangunguna ni Commissioner Paolo Guanco sa tulong ni Community Development Facilitator for ISF Organizations Eugene Villana at Dumaguete Agriculture Office officer-in-charge Maria Victoria Umbac.
Kabilang sa mga resource person na tumalakay sa iba’t ibang paksa ukol sa urban farming and agriculture ay sina Vegetable Production and Cultural Management Crop Section head Dwight Oliver P. Arnaiz, Urban Agriculture Container Gardening technologist Roden B. Ubarre at mga ekspertong sina Jose Manolo Flores and Mirian L. Dante.
Ilan sa mga paksang ipinaliwanag sa pagsasanay ay may kaugnayan sa natural fermented solutions with demonstration on fermented fruit and plant juice, fish amino acid and IMO fermentation at gayun din ang mga modernong pamamaraan at iba pang mga tip sa nursery management at seed sowing.
Dumalo sa aktibidad ang 44 na partisipante mula sa walong PCUP-accredited na mga urban poor organization (UPO) sa lungsod na tumanggap ng mga training kit na naglalaman ng mga binhi ng kamatis, talong, string beans, okra, pechay, upland kangkong at ampalaya seeds na may kasamang mga polyethylene na sisidlan.
Sa pagpapasalamat sa aktibong partisipasyon ng mga ISF, nangako si Usec. Jordan na ipagpapatuloy ng PCUP ang iba pang mga training at pagsasanay para matulungan ang mga maralitang komunidad na makamit ang maayos na pamumuhay na makakatugon sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at mapabuti ang kanilang kalagayan na may sapat na pagkain sa kanilang mga tahanan.
“Alam nating lahat na nais ng ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na lutasin ang kahirapan at pauli-ulit niyang sinasabi na isusulong niya ang mga inisyatibong magpapabuti sa pamumuhay ng bawat pamilyang Pilipino. Ito ang ating adhikain upang mapabilis ang ating recovery at pag-unlad,” kanyang pinunto.