30.6 C
Manila
Biyernes, Disyembre 13, 2024

Pagbibigkis sa mga Cagayanong manunulat

PUWERA USOG PO!

- Advertisement -
- Advertisement -

MULI akong nakabalik sa Tuguegarao City, ang kabisera ng lalawigan ng Cagayan, kamakailan. Ito’y dahil sa paanyaya na maging isa sa tagapagsalita sa idinaos nilang Cagayan Authors and Writers Summit.

Si Dr. Luis Gatmaitan (kanan), kasama sina Atty Mabel Villarica-Mamba (gitna) at ang awtor na si Mia Baquiran. MGA KUHANG LARAWAN NI DR. LUIS GATMAITAN

Ngayong buwan din ng Hunyo, ipinagdiriwang ng lalawigan ng Cagayan ang ika-440 taon ng kanilang pagkakatatag. Tinawag itong “Aggao nac Cagayan” (o Araw ng Cagayan). Pero dahil halos isang buong buwan ang kanilang selebrasyon, mas akma na nga raw itong tawaging “Bulan nac Cagayan” (o Buwan ng Cagayan). Ayon kay Atty Mabel Villarica-Mamba, ang First Lady ng naturang lalawigan at siyang tumatayong overall chairman ng selebrasyon, ilang taon lang ang agwat ng Maynila sa kanilang pagkakatatag bilang isang lalawigan.

Napakarami nilang aktibidad na nakatakdang gawin. Ngunit ang pumukaw ng interes ko ay ang pagdaraos nila ng isang kumperensiya na nagtatampok sa mga manunulat ng kanilang lalawigan: ang Cagayan Authors and Writers Summit na nasa ikalawang taon na ngayon. Biruin n’yo, may ganitong aktibidad na kinikilala ang mga Cagayanong manunulat, sa larangan man ng panitikan at malikhaing pagsulat o sa akademikong pagsulat (academic writing) o textbook writing.

Bibihira ang mga lalawigan sa bansa na may organisasyong tinitipon ang mga manunulat at book authors ng kanilang bayan. Madalas, karamihan sa mga manunulat (journalists, literary writers, textbook writers) ay walang kinabibilangang organisasyong kaugnay sa kanilang pagsusulat. Kung guro sila na nagsusulat, ang affiliation nila ay ang DepEd (o kung nasa private school naman ang guro, ang kanilang pinagtuturuang institusyon). Pero ang hakbang na ito ng Cagayan ay isang hakbang tungo sa professionalization ng ‘writing profession.’

Binuo nila ang Cagayan Province Authors and Writers Association Inc. (CPAWAI) upang may isang samahang magpapatatag sa literary at publishing life ng kanilang bayan. Hindi eksklusibo sa mga literary writers ang naturang organisasyon. Kahit ang mga journalists, textbook, o academic writers ay puwedeng maging miyembro. “Sino mang nagsusulat o naglalathala ng aklat ay welcome sa CPAWAI,” iyan ang paanyaya ni Dr. Eva Flores, ang pangulo ng CPAWAI na isa ring propesor sa Cagayan State University.


Si Dr. Gatmaitan kasama ang mga nag-organize ng Cagayan Authors and Writers Summit.

Ang hakbang na ito ng Office of the Governor (sa pamumuno ni Gov. Manuel Mamba) na suportahan ang pagbuo ng isang organisasyong gaya nito ay isang ehemplong dapat pamarisan ng iba pang lalawigan. Nagpapakita kasi ito na nandoon ang pagpapahalaga nila sa mga manunulat ng kanilang lalawigan. Parang sinasabi nito na sa mga writers na ‘mahalaga kayo at kinikilala namin ang inyong kontribusyon sa nation-building.’

“Gusto rin naming ma-preserve ang marami pang wika dito sa Cagayan,” dagdag pa ni Atty Mabel Mamba. “Nag-aalala kami na baka hindi na magkaroon ng interes dito ang mga kabataan kaya ngayon pa lang ay ini-encourage na namin silang magsulat sa kanilang mother tongue.”

Ang ano mang wika, upang manatiling buhay at dinamiko, ay dapat na patuloy na sinasalita at isinusulat. Dito papasok ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga manunulat. “Marami pa rin namang wika ang ginagamit sa Cagayan (bukod sa alam nating Ilocano) gaya ng Ibanag, Itawis, at Malaweg,” pagbabahagi ni Atty Mabel. Pero mayroon pa raw iba pang wika sa kanilang lalawigan na di na gaanong nagagamit gaya ng wikang Gaddang. “Nais naming makitang patuloy na ginagamit ang mga wikang ito sa pagsulat ng tula, kuwentong pambata, nobela, at iba pang malikhaing akda.”

Isa sa tampok na manunulat na nakilala ko sa Tuguegarao ay si Mia Baquiran, isang government employee, na sumulat at nakapaglathala ng isang aklat pambata sa wikang Ibanag — ang “Papa Teyo” — na inilathala ng Aklat Alamid. Kilala ang Aklat Alamid bilang publisher na aktibong naglalathala ngayon sa wikang rehiyunal. Ilan sa mga kuwentong inilathala ng publishing house na ito ay nakasulat sa Hiligaynon, Kankanaey, at Ibanag. Binigyan ako ni Baquiran ng kopya ng kanyang aklat pambata at talaga namang namangha ako sa ganda ng wikang Ibanag. Marami pala itong letrang “z” at “v.” Ang kanyang aklat ay nakasulat sa tatlong wika – Ibanag, English at Filipino.

- Advertisement -

Isa pa sa nakilala ko ay si Jimmy Jurado Jr, ang awtor ng aklat na Buguey Panagsubli (Pagbabalik), isang aklat ng screenplay ng isang independent film na kanyang ginawa.

Naging kaibigan ko rin sa Facebook ang isang kilalang anak ng bayan ng Ballesteros sa Cagayan: ang US-based SPED educator at theater artist na si Dr. Rey de la Cruz na sumulat ng aklat pambatang “Ballesteros in my Mind” (na kalaunan ay naging short film din at umani ng mga parangal sa abroad). Si Dr. de la Cruz ay isang Palanca-award winning author ng mga dula noong kabataan niya at kasalukuyang naninirahan sa Chicago, Illinois.

Ang mga manunulat at mga panauhing pandangal sa Cagayan Arts and Creative Writing Awards.

Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang taunang pagdaraos ng Cagayan ng CACWA Awards – ang Cagayan Arts and Creative Writing Awards – upang maengganyong magsulat (at lumikha ng magagandang sining) ang mga kabataang Cagayano.

Nawa’y patuloy pang dumami ang mga manunulat sa Cagayan at mga karatig na lalawigan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -