26.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Pagtaas ng tax effort, hangarin ng bansa

TINGIN SA EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

Ang pagtaas ng tax effort ay isa sa mga ambisyong hangarin ng bansa para makamit ang pag-unlad. Ang tax effort ay sinusukat sa bahagdan ng koleksyon sa GDP (Gross Domestic Product). Dahil ang GDP ang buong kita o produksyon ng isang bansa, ang GDP ay magandang basihan ng buwis na kokolektahin. Kapag di pinapalitan ang tax rate ng bansa, ang tumataas na tax effort ay nangangahulugan ng mas maiging pangongolekta.

 

Layunin ng Medium-Term Development Plan 2022-2028 na pataasin ang tax effort mula 14.6% noong 2022 hanggang 16.6% ng 2028. Ang ibig sabihin, gusto nating palakihin ang buwis na makokolekta mula P3.22 trillion sa 2022 hanggang P6.4 trillion sa 2028.

 

Mula noong 1980 hanggang 2022, tumaas ang koleksyon ng buwis mula 11.3% ng GDP hanggang 14.6%. Ang ibig sabihin nito, gumanda ang pangongolekta ng buwis ng bansa ng P726.8 billion sa loob ng 42 taon. Bawat taon, tumataas ang nakolektang buwis ng P17.3 billion dahil sa mas mabuting pamamahala at magandang paraan ng pangongolekta.


 

Maraming paraan ang ginawa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) para mapabuti ang paraan ng pangongolekta. Ang una ay ang pagko-computerize ng proseso ng koleksyon. Maaari nang mag-file ng tax returns at magbayad online ang mga tao. Di na kailangang pumunta ang mga taxpayers sa BIR at BOC para magbayad at di na rin kailangang pumunta sa bangko para gawin ito. Kailangan lang ay computer kung saan ililipat ang perang pambayad mula sa deposit sa bangko papunta sa BIR o BOC.

 

Kasama ang pag-computerize ang paggawa ng report na naglalaman ng datos sa buwis. Sa pagko-cross match ng mga datos na nanggagaling sa mga binayarang buwis, makikita ng BIR at BOC kung sino ang hindi nag-file ng return at hindi nagbayad sa bawat taon.

- Advertisement -

 

Ang ikalawa ay ang pagtatatag ng withholding tax system na kung saan kokolektahin ang buwis ng mga opisina na nagpapasuweldo sa mga empleyado at ng mga opisina na sentro ng kalakal. Bago bayaran ng mga opisina ang nararapat na bayarin, kinokolekta na ng mga opisinang ito ang buwis at ipapadala sa BIR. Nagiging withholding agents ng BIR ang mga opisinang ito.

 

Ang ikatlo ay ang pagsasaad ng mas masinsin na tax audits o tax assessment ng mga empleyado at mangangalakal. Dahil ang isang ekonomiya na kung saan interconnected ang mga transaksiyon ng mga korporasyon, madaling malaman sa pamamagitan ng computer kung sino-sino ang di nagre-report ng tamang transaksyon at kita.

 

Ang ikaapat ay ang mas mabigat na parusa sa mga hindi nagbabayad ng buwis. Noong 2017, ipinasa ang TRAIN Law na nagtaas ng pinansiyal na parusa mula P500,000 at P10 milyon at may kasama pang 6-10 taon na pagkabilanggo. Dahil sa mas mabilis na pag-eksamin ng mga kompyuterisadong datos, mas madaling malaman kung sino ang hindi nagbabayad at naipa-file kaagad ng BIR ang mga kaso ng tax evasion.

- Advertisement -

 

Ang ikalima ay ang pagdadalubhasa sa pangongolekta na ginagamit ang mga magagandang practices sa mundo. Kumukuha ng kurso ang mga kolektor ng buwis kung paano mapabuti ang tax audits at tax assessment. Ito ang dahilan kung bakit itinatag ang Philippine Tax Academy noong 2019 na layuning turuan ang mga kolektor ng buwis ng mga magandang paraan para mapabuti ang koleksyon.

 

Kasama sa mga itinuturo sa Philippine Tax Academy ay ang tamang ethics at ang kultura ng kahusayan na dapat mangibabaw sa pangongolekta ng buwis. Kailangang maintindihan ng mga kolektor ang dahilan kung bakit mahalaga ang kanilang trabaho, kung bakit kailangang pataasin ang tax effort upang gumanda ang ekonomiya ng bansa.

 

Isa sa mga dahilan kung bakit mas mabuti ang pangongolekta ng buwis sa nagdaang 42 na taon ay binawasan ng pamahalaan ang rate ng pagbubuwis. Binabaan ng TRAIN Law ang pinakamataas na rate ng buwis mula 35% sa 20%-25% para sa ordinaryong taxpayer.

 

Noong 1980, and income tax rate ng individuals at korporasyon ay 35%. Binawasan ito at ginawang 25% sa ordinaryong korporasyon at 20% para sa maliliit na korporasyon (micro, small at medium enterprises o MSME) noong pirmahan ang CREATE Law noong 2021.

 

Binabaan din ang taripa ng mga inaangkat na produkto sa labas ng bansa para bumaba ang presyo ng mga bilihin at lumaki ang pangangalakal sa Asean Economic Community. Mula sa pinakamataas na rate na 100% noong 1980, ang taripa ay naibaba sa 10% sa halos lahat ng produkto maliban sa mga agricultural products. Ang mababang taripa sa Asean na ipinapataw sa isa’t isa ng 10 bansang miyembro nito ang nagpabilis sa paglago ng kalakalan sa rehiyon kaya ang mga bansa sa Asean ang nagkamit ng pinakamataas sa GDP growth sa buong mundo.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -