MANANATILI sa kanyang puwesto bilang presidente ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP) para sa ikalawang termino si Bishop Pablo Virgilio David ng Diocese ng Kalookan.
Si Bishop David na itinalagang obispo ng Kalookan noong Setyembre 14, 2015 ni Pope Francis matapos magbitiw ni Bishop Deogracias Iñiguez dahil sa lumalalalang kalusugan, ay manunungkulan ng dalawa pang taon bilang presidente.
Ipinanganak sa Betis, Guagua, Pampanga, sa Arsidiyosesis ng San Fernando, noong Marso 2, 1959, si Bishop David ay nag-aral ng sekondarya sa Mother of Good Counsel Minor Seminary. Nag-aaral siya ng pilosopiya sa Ateneo de Manila University, at ang kanyang kursong teolohiya sa Loyola School of Theology.
Siya ay naordinahan bilang pari noong Marso 12, 1983 para sa Arsidiyosesis ng San Fernando.
Pagkatapos ng isang taon bilang assistant parish priest, siya ay naging direktor ng Mother of Good Counsel Seminary hanggang 1986. Mula 1986 hanggang 1991 ay nag-aral siya para sa Licentiate at kalaunan ay isang Doctorate sa Sacred Theology sa Catholic University of Louvain (Belgium).
Muli ring nahalal si Bishop Mylo Hubert Vergara, 60, ng Diocese of Pasig bilang bise presidente ng episcopal conference, ayon pa sa ulat.
Ang dalawa ay unang nahalal sa mga posisyon noong Hulyo 2021, habang ang buong mundo ay nakikipagbuno sa Covid-19 pandemic.
Dahil sa krisis sa kalusugan noong panahong iyon, ginanap ang paghalal sa online plenary assembly, ang una sa kasaysayan ng CBCP.
Sa nakalathalang ulat sa website ng CBCP, ang paghalal sa dalawa sa posisyon ay ginawa sa unang araw ng ginaganap na 126th plenary assembly ng CBCP nitong Sabado sa Marzon Hotel sa bayan ng Kalibo ng Aklan.
Humigit-kumulang 80 obispo ang kasalukuyang nagtitipon para sa tatlong araw na pleanary assembly, ang pinakamataas na decision-making body ng CBCP.
Sa kanyang pastoral letter bilang CBCP head, nanawagan si Bishop David sa mga Katoliko na manindigan sa katotohanan, sa gitna ng tinatawag niyang “pandemic of lies”, lalo na sa social media, ayon sa ulat na nakalathala sa CBCP website.
Sa isang pahayag kamakailan, umapela rin siya para sa “isang mas seryosong aksyon” laban sa krisis sa klima.
Sa kasalukuyan, ang CBCP ay binubuo ng 87 aktibong obispo, tatlong diocesan administrator, at 43 honorary members, na pawang mga retiradong obispo.
Ang mga desisyon mula sa pagpili ng mga opisyal ng CBCP hanggang sa mga usapin ng pastoral na pahayag at rebisyon ng liturgical rites ay nangangailangan ng alinman sa mayorya, o two-thirds vote ng mga miyembrong obispo upang maaprubahan ayon sa itinatadhana ng kanilang mga batas.
Ang mga aktibong obispo ay maaaring bumoto sa mga partikular na bagay. Ang mga retiradong obispo ay maaaring dumalo sa mga pagtitipon at lumahok sa talakayan, ngunit hindi sila makakaboto.